Other Government Release

DAR, DPWH nakumpleto ang P5.8 milyong FMR project sa Pangasinan


May kabuuang 241 agrarian reform beneficiaries (ARBs) at 13,710 non-ARBs mula sa loobang lugar ng Calasiao at Laoac  ang mapapabilis ang pagdadala ng kanilang mga produkto sa pamilihan makaraang ang  Department of Agrarian Reform (DAR), katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay natapos ang farm-to-market Road (FMR) na matatagpuan sa barangay Anis sa Laoac, at mga barangay Talibaew, Banaoang, San Vicente sa Calasiao, Pangasinan.

Pinangunahan ni Maria Ana Francisco,DAR Ilocos Regional Director at kasalukuyang Provincial Agrarian Reform Officer II ang on-site inspection ng apat (4)  na FMR na pinondohan ng DAR upang matiyak na ang proyektong ito ay naisakatuparan alinsunod sa itinatag na mga alituntunin at pamamaraan.

Sinabi ni Francisco na isinasaalang-alang ng DAR ang pagtatayo ng FMR bilang daan ng pamahalaan tungo sa puso ng mga tao, gayundin bilang patotoo sa pangako ng departamento sa paglilingkod sa mga mamamayan sa kanayunan, lalo na sa mga ARBs.

“Ang pagtatayo ng mga proyektong pang-imprastraktura sa kanayunan ay ipinatupad sa ilalim ng proyekto ng DAR’s Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities (SuRe ARCs) na may layuning makatulong na mapahusay ang kapasidad ng mga magsasaka sa loob ng komunidad ng repormang agraryo upang makagawa, makapaghatid at matiyak ang patuloy na suplay ng pagkain sa lalawigan,”aniya.

Ibinunyag niya ang pagkonkreto ng mga FMR ay kinabibilangan ng .327 km. sa  Barangay Banaoang, Calasiao, Pangasinan na nagkakahalaga Php2,910,367.90; ang pagkonkreto  .250 km. sa Barangay Vicente, Calasiao, Pangasinan na nagkakahalaga Php2,911,882.74; ang pagkonkreto .101 km sa  Barangay Talibaew, Calasiao, Pangasinan na nagkakahalaga Php2,911,754.67; at ang pagkonkreto .220 km. sa Barangay Barangay Anis, Laoac, Pangasinan na  nagkakahalaga Php4,960.194.88.

“Ang mga FMR na ito ay magpapabago sa buhay ng mga ARB,  tiyak na magdadala ng mahusay na produksyon at mahusay na mga presyo para sa kanilang mga produkto upang mapabuti ang kanilang kita at kabuhayan,” pagtatapos niya.