AYA MACALMA: Welcome po sa PTV 4 at sa Mike Abe Live. So, hindi ko na papahabain pa, ma’am, ang intro but I will go to the first question. Ano po ang bilin po sa inyo ni Pangulong Marcos noong nanumpa kayo noong Lunes, ma’am?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una talaga ay dapat namin, hangga’t maaari, although sabi natin, hindi natin kakayanin in totality na ma-eradicate iyong fake news. Isa ito sa marching orders ni Pangulo na hangga’t maaari is labanan ang fake news dahil sabi nga natin, kapag nabuhay tayo sa fake news, ano ba ang mangyayari sa buhay natin? Anong mangyayari sa bayan natin? So, ito ay kumbaga sa atin magmumula kung paano natin mapapakita sa taumbayan na ito ay hindi totoo, at ito ang katotohanan.
AYA MACALMA: Na-strategize ninyo na ba ni Secretary Jay Ruiz, and your team as well, kung papaano natin lalabanan ang fake news?
PCO USEC. CASTRO: Nag-i-start pa lang tayo, Ms. Aya. And at the same time, napag-usapan din namin na talagang magkakaroon tayo ng fact-checker dahil sa bawat pagsasalita natin ay dapat mayroong resibo, dapat mayroong evidence para mapatunayan natin na itong sinasabi natin ay credible as compared doon sa mga pinagsasabi ng iba na walang ebidensiya.
AYA MACALMA: So far, ma’am, I know it’s just four days, pero ano iyong nakikita ninyong balakid natin just so to prevent this fake news talaga lalo na sa modern technology that we’re having right now?
PCO USEC. CASTRO: Ang problema kasi natin ngayon siguro, Ms. Aya, is maraming kumikita, okay, sa paglalahad ng fake news para maipabagsak ang sinumang tao. Hindi na ito matatawag na freedom of expression kasi troll na sila, may troll army. So, kapag sinabi nating may troll army, hindi nila ipinaglalaban iyong freedom of expression kasi kumikita lang sila at dinidiktahan sila ng taong nagbabayad sa kanila. So, ito ay nagiging sindikato ang dating para makapagpabagsak ng isang tao o ng isang organisasyon, babayaran para masira – hindi ito freedom of expression. So, iyon ang pinakamatindi nating kalaban ngayon; dapat iyan ay mapuksa.
AYA MACALMA: Speaking of that, ma’am, sa papaanong paraan naman natin mababalanse ang paglaganap naman ng mga ganiyang klaseng pagbabalita, iyong mga trolls, you mentioned, nababayaran sila. So, how do we prevent this, iyong mga tinatawag nating creators, social media influencers, napapanahon na ba na kailangan natin silang ma-regulate sa paglalahad nila ng kanilang content via online?
PCO USEC. CASTRO: Although, mayroon tayong batas na patungkol sa cyber libel. Pero as of now, ang alam ko ha, wala pang batas na puwedeng mag-penalize doon sa mapapatunayang parte ng troll army. Kasi may mga pagkakataon naman talaga, Ms. Aya, iyong tao, gusto lang magsalita, ito iyong kaniyang opinion, kritiko siya ng pamahalaan – okay lang iyon, hindi iyon pagbabawalan. Pero iyong alam mo na na sila ay parang puppet ng isang tao na nagbabayad para ito ang sabihin, ibang klase iyon. So, kinakailangan talaga na magkaroon ng batas patungkol sa mga troll army, dapat mayroon na itong penalty. Mai-consider na ito dapat na isang criminal act because, sabi ko nga, para na itong isang sindikato, dapat itong may penalty and at the same time, sana ang bansa natin ay magkaroon din ng batas na ma-regulate para makita natin talaga iyong mga totoong identity ng mga social media influencer na ito or ng mga content creator.
AYA MACALMA: So, for that, ma’am, palagay ninyo ay nagagamit nga iyong campaign period iyong mga content creators ngayon iyong online ano natin?
PCO USEC. CASTRO: Yes. Alam mo, Aya, okay lang naman na gumamit ka basta sa katotohanan. Alam ninyo kahit isang grupo kayo diyan, basta katotohanan, kunwari, ini-lift ninyo iyong tao ninyo, iyong inyong kandidato nang nasa tamang fact, iyong totoo ang mga kinukuwento ninyo – walang problema doon. Pero kung kayo ay maggugrupo para gumawa ng maling kuwento at magpabagsak ng isang tao, mali iyon.
AYA MACALMA: Maybe we need to partner with DICT about it and other lawmakers to increase the penalties of iyong mga nagpapakalat siguro ng mga fake news, ma’am?
PCO USEC. CASTRO: Yes, siguro sa susunod na Kongreso ha, sana po—
AYA MACALMA: Go ahead, ma’am.
PCO USEC. CASTRO: Panawagan na, ‘di ba, na magkaroon kayo ng batas patungkol sa troll army kasi hindi na po iyon for freedom of expression. Kasi iyon iyong sinasabi nila ‘papaano naman iyong freedom of expression namin?’ eh teka lang, kung troll army kayo, hindi ninyo ini-exercise iyan kasi bayaran kayo to tell something na dinidikta ng nagbabayad sa inyo.
AYA MACALMA: Ma’am, on a different topic. Usec., ano naman po ang masasabi ninyo sa mga pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa diumano’y hindi pagbaba sa puwesto ni Pangulong Marcos Jr. nga ukol nga dito sa, you know, sa mga lumalabas na isyu?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una kasi, sabi nga natin, lawyer ako, lawyer din naman si dating Pangulong Duterte, sa bawat sanang salita na bibitawan niya, dapat mayroon siyang pang-back up, may ebidensiya siya; ano ang mga nakita ninyo na ebidensiya na ganiyan ang mangyayari? Okay. Lahat naman tayo hangga’t maaari ay ayaw natin ng martial law na mapang-abuso, okay, basta mapang-abuso na martial law. Now, mayroon ba siyang nakikita, mayroon ba tayong nakikita as of now na magiging diktador ang Pangulo natin as compared sa nakita natin noong anim na taon na siya ang nakaupo.
Maraming signs, Ms. Aya. Napag-aralan na ito. Although, sabi nga natin, kayo ang mag-decide. May mga pagkakataon hindi sumusunod ang ating dating Pangulo; may mga suggestions na in violation of the Constitution. Like what? Hindi ba ninais niya na mahiwalay ang Mindanao sa Pilipinas, at nag-encourage siya na huwag magbayad ng tax hangga’t ang House ay hindi magbibigay ng detalye, mga expenses. Tama ba iyon? Naaayon ba iyon sa Constitution?
Pangalawang senyales sa pagiging authoritarian: Ninais niya, nai-spread niya, pinakalat niya iyong violence, mismong siya ang nagsabi, sino ang kaniyang …- mukhang idol yata niya si Hitler. May ganiyang article na sinabi niya at willing siyang pumatay rin nang ganoong karami na katulad ng ginawa ni Hitler. So, these are signs na masasabi natin na ang isang leader ay authoritarian. He is also doing that in public. Sinasabi niya pa almost every week nga yata before eh noong time niya eh.
AYA MACALMA: However, ma’am, bakit naman po mahalagang pag-usapan natin at tugunan ang mga pahayag ni Pangulong Duterte nga sa planong dictatorship diumano nga na sinasabi niya?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Dapat kasi natin itong sagutin, Miss Aya, kasi iyon ang gusto nilang ipakita na pagkatao ng ating Pangulo. Nakakalimutan nila kung ano iyong ginawa noong nakaraang administrasyon especially tungkol sa EJK kung saan siya mismo ang nag-i-encourage sa mga pulis. Sinabi niya, inutos niya ito, inamin niya naman, “Sa mga suspects na nakikita ninyo, encourage them to fight.” So, kapag iyan nag-fight instead na posasan mo, dalhin mo – kapag in-encourage mo iyan to fight ibig sabihin ready kayong pumatay niyan. So, kapag ready kayong pumatay niyan, wala na kayong due process. So, sino ang nagdidikta?
And marami siyang nasagasaan na mga let’s say TV network. Sabi nga niya, kahit na ang House ay i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, sabi niya, kahit mayroon iyang prangkisa uutusan niya ang NTC – ito naman ay hindi gawa-gawang kuwento dahil siya mismo ang nagsabi nito – hindi niya papayagang mag-operate ang ABS-CBN. So, anong klase iyon? Hindi ba pagdidikta iyon?
AYA MACALMA: Bakit kaya, ma’am, binabaliktad palagay ninyo as a lawyer/abogado, ma’am, bakit parang binaliktad ngayon ni dating Pangulong Duterte iyong nagiging sitwasyon ngayon na obvious naman na hindi iyon ang nangyayari ngayon?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Iyon kasi ang gusto niyang ipakita sa tao para iyong tao ay magalit at kapag nagalit ang tao ang gusto yata nila is mag-alsa – iyon naman iyong madalas nilang panawagan – mag-alsa ang tao at binibigyan nila ng ganitong klaseng kuwento. Ang sabi naman natin, kung magbibigay kayo ng ganiyang klaseng kuwento just give us the evidence, huwag iyong puro salita lang kasi mahirap iyan lalo na kapag intriga-intriga lang ang sinasabi.
AYA MACALMA: So far, wala pa naman silang napapakitang ebidensiya, tama ba ako, ma’am?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Wala pa.
AYA MACALMA: Puro hearsay lang ‘no?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Yes. Kung may ebidensiya doon natin sasagutin natin nang maayos – may ebidensiya ka, o ‘di titingnan natin anong puwedeng i-counter act diyan or i-counter natin para malaman ng tao ano iyong totoo.
AYA MACALMA: Yes, okay. Maaari ninyo naman po bang ipaliwanag sa amin ukol nga sa usapin ng gold reserve na kung saan ay inaakusahan ang dating pamilyang Marcos sa pag-aangkin ng mga nito o sa mga allegedly pagbibenta nga ng mga gold reserves? Please enlighten us, Usec.
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Yes. Alam mo kung gagamitin natin talaga ang pagsusuri, pag-aaral, imposible kasi na sabihin na may pagnanakaw ng ginto. Tandaan natin, noong panahon ni dating Pangulong Duterte mayroong naisabatas kung saan ini-encourage nila iyong mga small miners na magbenta ng ginto sa Bangko Sentral kasi tax exempt siya – so, iyon iyong pang-encourage. Now, dadami iyong ginto natin because iyong mga small miners magbibenta niyan sa BSP instead sa black market. So, itong mga ginto na ito na nabili from the small miners hindi iyan puwedeng iimbak lang iyan, hindi siya magiging liquid so papaano mo iyan ipapautang sa mga investors. So, kinakailangan talaga regular strategy, routine strategy ng BSP na magbenta ng ginto para kapag naging cash iyan, naging liquid iyan ipapautang nila iyan sa investors. Aya, you cannot lend gold sa mga investors. Dapat liquid iyan, dapat cash iyan.
Now, kahit noong panahon ni dating Pangulong Duterte alam niya dapat ito, na ang BSP ay nagbibenta ng ginto. Paki-check ninyo po noong 2020, sinabi po ni Governor, at that time Governor Benjamin Diokno, na ready sila to trade. So, kapag sinabi nating trade, ano iyong trade? Buy and sell. So, dapat alam ito ni dating Pangulong Duterte. So, bakit ngayon nagtataka siya na nagbibenta ang BSP ng ginto? Kailangan iyon to pump up the economy at magamit para sa mga investors at kapag naiutang iyan, naipautang sa investors iyan definitely kikita iyong BSP, may interest iyan na pagbayad eh.
AYA MACALMA: Pero, ma’am, what do you think, ano ang nag-udyok kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na sabihin iyan sa current administration ngayon? Mayroon ba kayong nakikitang you know, kung bakit niya nasabi?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Unang-una, kadalasan kung mapapansin ninyo, sa speaking engagement niya halos lahat ang topic niya ay EJK/war on drugs lagi halos; wala siyang masyadong binabanggit tungkol sa ekonomiya – so, most probably hindi niya masyadong alam ang trabaho, ang nangyayari sa BSP patungkol sa ganitong klaseng pagbibenta ng gold.
At tandaan natin, hindi lang gold ang parte ng reserba ‘no, ang gold reserves. Hindi lang ito, kasama diyan ang cash, kasama diyan ang assets and gold so hindi pababayaan ng BSP na iyong gold reserves natin ay maliit lang na siyang ikababagsak ng ating ekonomiya – hindi ganoon. So, dapat iyan aralin muna bago magsalita.
AYA MACALMA: Mayroon ba kayong nakitang mga ebidensiya na baka sila ang nagbenta ng gold noong panahon niya, noong namumuno siya bilang presidente?
PCO USEC. CASTRO: Mayroong record ang BSP. Sabi nga natin regular itong ginagamit—ginagawa. So, may record din na malaki din ang naibenta nilang ginto. If you want, they can get it from the BSP. Nagbenta po noong panahon ni dating Pangulong Duterte, nagbenta po ng ginto rin.
AYA MACALMA: Would you know how much or how many and when did it start noong time niya na noong siya ay pangulo?
PCO USEC. CASTRO: May binigay sa atin ang BSP, hindi ko lang dala dito. Pero at that time… hindi ko matandaan iyong numero so—basta kapag po tayo ay pumunta at nagtanong sa BSP at kung ito naman ay puwedeng i-divulge, okay… mayroon pong mga numero diyan na talagang nagpakita po ng pagbibenta. Iyon po, hindi po nila ito mari-refute dahil nasa record po ng BSP na noong panahon ni dating Pangulong Duterte, nagbenta po rin ng ginto.
AYA MACALMA: I see. Ma’am, pakipaliwanag naman kung… liwanagin lang po natin, wala po bang kontrol ang Pangulong Marcos sa gold reserve ng bansa?
PCO USEC. CASTRO: Ah yes, wala.
AYA MACALMA: Please explain, ma’am, para ma-refute natin iyong mga sinasabi ng dating pangulo.
PCO USEC. CASTRO: Okay. Matagal na kasing nasagot ito, Ms. Aya eh. October 2024 naglabas na ng statement ang BSP na sila lang ang may—solely managed kasi ang GIR, hindi puwedeng makialam ang sinuman, okay. Kapag naibenta ang ginto, babalik pa rin ito sa BSP at gagamitin nga ‘no para magamit sa investment kaya imposible na sabihin niya na utos ito ni Pangulo at kumbaga nakakamkam.
Kaya ang sabi natin, kung mayroon kang ebidensiya diyan eh why not show to us para makita natin kung iyong sinasabi mo ay makatotohanan. Iyong pagbibintang kasi ng pagnanakaw… fiscal naman siya dati eh prove it. Hindi mo puwedeng sabi-sabi iyan, dapat dumadaan iyan sa proseso.
The problem is noong panahon siguro niya, mahirap iyong tinatawag nating due process especially kapag EJK, hindi iyan dumadaan sa due process. Isang salita lang niyan, K-I-L-L na iyan, kill na iyan so mahirap iyon.
AYA MACALMA: Ma’am, doon naman tayo sa anak kasi naglabas ng sentimyento si Davao City Mayor Sebastian Duterte sa diumano’y abusive and excessive government nga sa kasalukuyan. Your thoughts, ma’am?
PCO USEC. CASTRO: Nakakapagtaka lang na ngayon niya ba ito nakikita, iyong abusive and excessive? Maybe. Siguro sa tingin niya because sila iyong medyo natatamaan sa mga pag-iimbestiga ng QuadCom ha… sa mga nangyayaring pag-iimbestiga din ng Committee on Good Government so kaya sila sinasabing tinatamaan. Eh, isama na natin si Pastor Quiboloy, tinamaan din. So, iyon ba iyong sinasabi niyang abusive and excessive, eh parte ito eh ng proseso, nasa batas naman iyong ginagawa.
Ngayon, ang tanong natin: Iyong abusive ba kung ikukumpara ba natin ito sa panahon ng kaniyang ama, iyong EJK ba, iyong war on drugs ba na ginawa, iyong tokhang ba ay hindi abusive/excessive? So iyon lang, ibalik natin iyong anim na taon noong panahon ng tatay niya. Siguro doon muna siya tumingin at humarap siya sa salamin at tanungin niya, “Iyong aking ama ba ay hindi naging abusado noong kaniyang panahon?”
AYA MACALMA: Tama kayo diyan, ma’am. Pero, ma’am, ngayon kasi we’re gearing towards the limelight na nga ng campaign period. So, are we expecting o inaasahan ba natin na mas dadami at mas magiging grabe pa ang mga ganitong uri ng pahayag mula sa kampo ng mga Duterte?
PCO USEC. CASTRO: Malamang. Basta po tayo, Ms. Aya, kung ano lang iyong mga ginawang fake news, iyon lamang ang ating sasagutin. Itatama natin… para na rin ito sa taumbayan para malaman kung ano ba ang totoo at hindi totoo. Mahirap mabulag sa kasinungalingan ‘di ba?
AYA MACALMA: Pero I bet, we are ready for those remarks dahil siyempre iaano natin na hindi tayo ang fake news.
PCO USEC. CASTRO: Yes, ready tayo sa ganiyan. Kaya sabi nga natin, kailangan—sa taumbayan na rin ha, sa bawat sasabihin po ng inyong mga idolo or iyong kumbaga kayo ay fanatic ng isang tao, bago ninyo po iyan paniwalaan, mag-research muna kayo – ito ba’y galing sa mainstream, ito ba’y galing lang sa vlogger na wala rin namang basehan, sa vlogger na walang ginawa kung hindi magmura nang magmura, sa mga vlogger na walang ginawa kung hindi siraan na lang iyong kanilang kinaiinisang tao pero walang sustansiya, walang ebidensiya. So, ang sisirain lang iyong tao instead na mag-focus sa issue. Beware of that mga… sa mga taumbayan, beware of those people na walang ginawa, walang ebidensiya kung hindi manira noong tao mismo, noong personalidad instead of focusing on the issue concern.
AYA MACALMA: Ma’am, today is your fourth day as a Palace Press Officer under PCO, ma’am. Of course, marami na kayong mga public interviews sa Malacañang Press Corps ang sa mga ibang TV networks. Maraming nakapansin na agresibo at palaban ang inyong mga nagiging sagot sa mga issue na ibinibintang nga sa current administration. Kayo, ma’am, ano pong masasabi ninyo sa mga pahayag na ito na… attack dog daw kayo ng Palasyo.
PCO USEC. CASTRO: Ah, attack dog ba?
AYA MACALMA: So, can you—yes.
PCO USEC. CASTRO: Attack dog ba ang matatawag, iyong dumidepensa lang tayo. Sino ba iyong nauna? Kasi may issue, okay, kapag may issue tungkol—that the President is gearing towards dictatorship. Paano ito sasagutin? Magpapaka-“Ay, sorry po…” Hindi ako iyon eh, hindi tayo ganoon. So, tayo ang gagawa ng mga sagot na tamang sagot. Ididepensa lang natin… hindi naman ito pagdepensa lang sa Pangulo, hindi lang ito pagdepensa sa Palasyo – pagdepensa ito para sa katotohanan – iyon naman lagi eh. Kasi kapag hindi natin ito sinagot nang naaayon sa katotohanan, sabi ko nga mabubulag tayong lahat.
AYA MACALMA: Actually, ma’am, it’s just right that somebody is really defending the current administration. Pero bago kita pakawalan, ma’am, baka mayroon kayong mga panghuling mensahe para sa ating mga kababayan, sa media na rin and how to, you know, we can control the fake news nga ngayong administration?
PCO USEC. CASTRO: Well unang-una, siyempre sa mga kababayan natin diyan, gusto natin na samahan ninyo po—magsasama-sama po tayo, okay, na magdasal para magkaroon tayo ng tamang pagtingin, pag-i-evaluate, pag-a-assess kung ano ang tama at kung ano iyong fake news. Marami na po tayong magagamit, puwede tayong mag-research kung ang sinasabi ng taong ito ay may katotohanan.
Iyon lang po iyong dasal natin. Kailangan talaga natin ng tamang patnubay – huwag po tayong basta-basta maniniwala at huwag ninyo po sanang iidolo iyong mga nagba-vlog na puro mura, walang sustansiya, walang laman kung hindi magmura at manira ng personalidad ng tao. Wala po kayong matututunan doon kung hindi magmura lamang at kumbaga ang inyong intelligence ay bababa po.
So iyon lang po ang dasal natin, basta po tayo, sabay-sabay tayong babangon; sabay-sabay tayong bumangon sa ganitong klaseng mga istratehiya ng mga taong gustong magpabagsak sa pamahalaan.
AYA MACALMA: Maraming salamat at you’re always welcome here at PTV-4 para labanan nga natin ang fake news, ma’am. Thank you, Usec. Claire.
At iyan po, nakapanayam po natin si Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro. At ma’am, thank you for your time.
PCO USEC. CASTRO: Thank you, Ms. Aya.
###