Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Junry Hidalgo and Neil Badion – Radyo Patrol Balita, DZMM

Event Radio Interview

JUNRY: Good morning po, Sec.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po sa inyo, magandang umaga sa mga nanonood at nakikinig sa atin. Happy Sunday po sa inyong lahat.

NEIL: Happy Sunday po.

JUNRY: Happy Sunday po, si Junry Hidalgo po ito at si Neil Badion.

SEC. ROQUE: Ay Junry at Neil, magandang umaga sa inyo.

JUNRY: Kanina sa intro ko ay ang binabanggit po ni Senator Trillanes ay itong si Special Assistant to the President Bong Go sa tingin ninyo ay absuwelto daw ito doon sa—dapat i-absuwelto doon sa kontrobersiya sapagka’t napag-utusan lamang po ng mas mataas sa kaniya? Ano pong mababanggit ninyo doon, Secretary?

SEC. ROQUE: Well unang-una po, wala po talagang kinalaman si SAP Bong Go dahil itong kontrata pong ito ay natapos na noong panahon pa ng nakalipas na administrasyon. Ang ginawa po ng administrasyong ni President Duterte, pinirmahan na iyong notice of award pero sang-ayon po sa 9184, hindi naman pupuwedeng hindi mapirmahan iyan dahil mayroon lang mga basehan para huwag mapirmahan iyang notice of award na iyan.

At ang ginawa naman ni Secretary Delfin Lorenzana bago niya pinirmahan iyan ay kinonsulta niya lahat sa kaniyang mga abogado at lahat sa mga officers ng Philippine Navy. At dahil wala ngang balakid ay sang-ayon sa batas, dapat pirmahan na iyan. Pero itong kawalan ng pananagutan ni Bong Go ay hindi po dahil mayroong nag-utos sa kaniya na dapat na managot, kung hindi wala na talagang partisipasyon si SAP Bong Go o kahit sino man sa administrasyon na ito na baguhin pa iyong isang proyekto na na-award na sa isang bidder noong nakalipas na administrasyon.

Alam ninyo po ang katotohanan lang ay tinatanong pa ng Senado kung kinakailangan mag-close door executive session dahil sensitibo iyong nature na pag-uusapan at isang frigate, warship—

JUNRY: Oo, warship—

SEC. ROQUE: Pero ang paninindigan po ni SAP Bong Go at ng Presidente, hindi, gawin nating open iyan bukas dahil wala pong tinatago ang Presidente, wala pong tinatago si SAP Bong Go. Malinaw na malinaw po sa mga dokumento na kung mayroong pagkakamali sa pag-award diyan sa Hyundai ay ang nag-award po niyan ay bids and awards committee noong nakalipas na administrasyon.

JUNRY:So kasi dalawang isyu ang lumilitaw dito, iyong mismong barko at iyong… ma-technical lang, pero iyong pinag-uusapan dito na kasama si Secretary Bong Go ay iyong pinaka-utak noong warship—noong frigate. So kasama din ho pala sa kontrata noong dati iyong—past administration, Secretary?

SEC. ROQUE: Opo, noong tayo po ay—nagpa-bid ang Philippine Navy ng dalawang frigate, hindi lang naman po barko iyan, kasama po iyong Combat System, kasama iyong komunikasyon, kasama iyong navigation at saka integration. Hindi naman pupuwede kasing patse-patse mong bibilhin iyan, responsibilidad ng winning bidder na mapagana ang lahat ng sistema, dahil ang kinakailangan natin isang frigate, isang warship, at hindi iyong patse-patse na wala tayong kakayahan na tayo ang magbubuo niyan.

So kaya nga doon sa kontrata ay lahat po iyan mag sistema na ilalagay sa barko ay naka-identify na sa bid at iyan naman po ang naging commitment ng supplier na iyan ang isu-supply nila matapos silang manalo. So wala na po talagang aregluhan na pupuwedeng mangyari dahil lahat po ng terms and condition ay nakasaad doon sa bidding document. At hindi na po pupuwedeng mabago iyon.

JUNRY: At kontrata na siya?

SEC. ROQUE: At kontrata na po siya.

JUNRY: Na dapat sundin ano po?

SEC. ROQUE: Opo, kasi nga kapag nagbago sila ng kahit ano doon sa kanilang bidding document ay parang nagkaroon ng paglabag doon sa bidding. Hindi naman po ganiyan ang nangyari. Pinatupad lamang iyong nakasaad sa bidding document, doon sa combat system, ang sabi ng nanalong bidder na ang nagdeklara na panalo sila ay iyong administrasyon pa ni Presidente Aquino na ang isu-supply niya ay Tacticos o hindi naman kaya iyong Hanwha. At iyan naman po ang kinonsidera noong Hyundai na sila rin ang nag-i-integrate. Ang naging desisyon noong Hyundai ay mas mabuti itong Hanwa kasi may problema on integration pagdating doon sa Tacticos na ginugusto ng dating FOIC na si Mercado ng Philippine Navy.

JUNRY: So bukas po ay dadalo si Secretary Bong Go sa Senate hearing. Mayroon ho ba siyang kumbaga ay pasabog naman bilang parang pangontra doon sa mga akusasyon sa kaniya?

SEC. ROQUE: Well, ang dadalhin po ni SAP Bong Go doon ay katotohanan lamang, isisiwalat niya ang lahat, wala po kaming tinatago, kung mayroong kapalpakan po diyan sigurado po kami, hindi po iyan responsibilidad ng administrasyon ni Presidente Duterte dahil ang crucial na isyu po dito, mayroon pang kababalaghan doon sa pagpili doon sa Hyundai. At iyong proseso nga po malinaw na malinaw sa timeline, ang namili po ng Hyundai ay ang administrasyon ni Presidente Aquino.

NEIL: Opo Secretary, si Neil Badion po. Ang sabi po ni Secretary Bong Go ay hindi—according to Speaker Pantaleon Alvarez naman, maiba naman tayo. Dahil kinokonsidera niya itong si Secretary Bong Go para pumasok sa line up ng Senado pero sabi ni Bong Go, ‘Hindi, hindi, magsisilbi po ako kay Mayor Duterte hanggang kamatayan. Kung hindi man ako mauna, pero kung tutuparin ni Speaker Alvarez ang pangako niyang kunin akong ninong sa kasal niya ay baka magbago pa ho isip ko. Ano hong masasabi ninyo po dito? [laughs].

JUNRY: Hindi kahapon may development na Secretary Roque ‘di ba? Parang kumagat naman sa hamon si Speaker Alvarez—

NEIL: Oo—

JUNRY: Magpapakasal na nga.

NEIL: Oo. [laughs].

SEC. ROQUE: Well ang question lang po ay sinong maimbita at sinong hindi maimbita.

JUNRY: Iyon… [laughs]. Sandali pala Secretary ha, iwan na natin siguro iyong isyu ng frigate. Ini-enjoy pa ba ni Tourism Secretary Wanda Teo ang trust and confidence ni Pangulong Duterte?

SEC. ROQUE: Ay naku, lahat po ng miyembro ng Gabinete ay may tiwala ang Presidente. Nagbigay naman ng eksplenasyon na walang katotohanan iyong mga paratang kay Secretary Teo.

SEC. ROQUE: At naninindigan po kami na lahat naman po iyon dokumentado. So hindi po totoo iyong sinasabi na nagdala ng makeup artist, ang dala po niya ay isang executive assistant niya, at lalabas naman po ‘yan… Kasi dahil kasama siya sa official delegasyon, hindi iyan babayaran ng COA kung walang appointment ‘yan as executive assistant.

JUNRY: At nananatili pa rin ho iyong utos ng Pangulo hinggil sa mga biyahe-biyahe na ito na dapat ay hindi lalagpas ng labindalawa sa isang taon.

SEC. ROQUE: Well tingin ko po, ang numero unong patakaran ng Presidente ay kung ito ay related sa kaniyang katungkulan. At gaya ng sinabi ko na po dati bilang isang Department of Tourism Secretary, trabaho talaga ni Secretary Teo ibenta ang Pilipinas dahil kung hindi, magiging pabaya siya sa kaniyang katungkulan.

NEIL: Opo. Secretary, si Secretary Wanda Teo, siya po ang may hawak ng turismo. Kaugnay ho diyan sa issue ho diyan sa Boracay, ako ho’y napunta ho diyan sa Boracay, medyo matagal-tagal na ‘yan, siguro mga lima o anim na taon; at nakita ko ho iyong sinasabing mga… iyong—kasi maglalakad ka niyan, mahaba iyong lalakarin mo from station 1 hanggang sa—

SEC. ROQUE: Seven kilometers.

NEIL: Opo, mahaba-haba ‘yan. So mayroon kang makikita talaga doon, iyong mga medyo madudumi nang… iyong mga may algae-algae. Talaga palang noon, noon pa mayroon na at ‘yan ay medyo naipon na hanggang sa ngayon. Papaano ho ‘yan at may kautusan nga ho ang Pangulo na ipapasara, at kung mayroon nang napasara, papaano ho kaya ‘yan, iyong magiging turismo? Dahil may aaray din ho na mga ibang resort—

JUNRY: Baka may epekto sa tourism.

NEIL: Oo, makakaapekto ho sa kanila ‘yan.

SEC. ROQUE:Hintayin na muna po natin iyong anim na buwan, kasi ang mandato naman ni Presidente kay Secretary Cimatu, “Bigyan mo ako ng rekomendasyon matapos ang anim na buwan.” Pero panandalian, panagutin ang mga lokal na opisyales dahil alam niya na ang pangangalaga ng kalikasan ay responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan.

JUNRY: At ‘yan po ay nakaatang na sa balikat ni DENR Secretary Cimatu.

SEC. ROQUE: Opo. Anim na buwan po ang binigay, so ‘aantayin po natin.

NEIL: Simula ho ‘yan nitong buwan na ‘to, February. Tama po ba?

SEC. ROQUE: Opo. Noong Cabinet meeting po namin, noong February 5 kung hindi ako nagkakamali o February 6.

JUNRY: Oho. Secretary, doon sa issue ng International Criminal Court, ano ho ang position dito ng pamahalaan? Makikibahagi ho ba kayo? Ang PNP ho kasi ang sinasabi, hindi sila maglalabas ng mga tactical data ba ang sinasabi nila dito sa ICC.

SEC. ROQUE: Well unang-una po, wala pa naman pong kapangyarihan ang prosecutor na humingi ng kahit anong dokumento sa atin dahil ito po ay hindi pa imbestigasyon – ito’y preliminary examination pa lamang – so wala pa pong imbestigasyon, wala pa pong kaso. Ito po’y nagpapahiwatig lang na pag-aaralan ng prosecutor kung tutuloy sa preliminary investigation. At base po sa karanasan ng ibang bansa, sa Columbia, 13 years na po ay hindi pa rin natatapos ang preliminary examination.

NEIL: Opo. Secretary iyong tungkol naman po doon sa Benham Rise na binabanggit, ay may mga—parang pinangalanan na iyong mga Benham Rise features—

JUNRY: Lima…

NEIL: Opo, lima ho ‘yan. At kung… ang mga pangalan po ay—kung tama ho pagkakabanggit ko ha – Jinghao and Tianbao Seamounts, tapos mayroon din hong binabanggit na Haidonquing Seamount, mayroon ding Cuiqiao Hill at Jujiu Seamount.

JUNRY: Basta lima…

NEIL: Oho, lima ho ‘yan.

JUNRY: Hindi ko maintindihan ang pangalan… [laughs]

NEIL: Ito ho ba’y sa pag-aaral, sa imbestigasyon ay matatagal na ho itong binanggit ng China tungkol ho dito sa Benham Rise features?

SEC. ROQUE: Well, hindi po, pero gaya ng nasabi ko na noong nakalipas na linggo, hindi po natin kinikilala ngayon ang pangalan na binigay ng mga Amerikano diyan na Benham Rise – tinawag po natin ‘yang Philippine Rise. At hindi rin po natin kikilalanin iyong mga pangalan na binigay ng mga Tsino diyan, binigyan po natin ‘yan ng mga pangalan na Pilipino.

JUNRY: Saka ‘yan po’y ano… nakita ko noong isang araw sa pagsasaliksik ko dito sa issue na ito, ito’y hindi rin sa panahon ng Duterte administration – matagal na.

SEC. ROQUE: Hindi po. Ang tatlo po diyan ay talagang napangalanan ng mga Tsino panahon ni Presidente Aquino.

JUNRY: Oo nga ho, hindi sa panahong Duterte administration, oo. Okay… So hihintayin na lang natin itong issue na ito. At bukas po Secretary, naroon din ba kayo sa Senate hearing?

SEC. ROQUE: Ay nandoon po tayo para magpakita ng suporta, at para magpahiwatig na wala pong tinatago ang Presidente sa isyung ito.

JUNRY:Okay…

SEC. ROQUE: Kasama ko rin po si Secretary Martin Andanar, si Secretary Vit Aguirre at isa pang miyembro ng Gabinete.

JUNRY: Iyon pong mga Defense officials saka military, siyempre dadalo din ho.

SEC. ROQUE: Lahat po sila naroroon po, dahil gaya ng sinabi ko, wala pong tinatago ang administrasyon na ito.

NEIL: Opo. Follow up ko lang po Secretary, tungkol ho doon sa pangatlong telco. Ano na ho ba ang update tungkol po diyan?

JUNRY: Oo, maraming naghihintay diyan sa third telco na ‘yan Secretary, oo.

NEIL: Kasi ang dami nang nabubuwisit din doon sa sistema ho ng ating komunikasyon [laughs].

SEC. ROQUE: Nagulat nga ako…

JUNRY: Aba’y baka naka-cellphone si Secretary. Naka-cellphone ba kayo?

SEC. ROQUE: Sa totoo lang, nagugulat ako na hindi pa tayo napuputol ngayon—

JUNRY: Oo nga…

NEIL: Uy, baka ito na iyong bagong telco, hindi ho ba [laughs]…

SEC. ROQUE: Hindi po. Desidido po ang Presidente, at sinabi nga niya iyong mga maggagawa ng balakid dito sa pangatlong telco, binabalaan niya – huwag subukan ang gobyerno.

JUNRY: Oho… Ay sige, buti’t nabuo po iyong ating interview Secretary, hindi pumalya.

SEC. ROQUE: Okay. Oo maraming salamat po at—

NEIL: [Laughs] Hindi nagputol-putol ha…

SEC. ROQUE: Oo… Magandang Linggo sa inyong lahat.

JUNRY: Happy Sunday po. Si Secretary Harry Roque, ang Tagapagsalita po ng Pangulong Duterte.
###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource