News Release

Senado, handa na sa pagbubukas ng 19th Congress ngayong araw


Handang-handa na ang Senado para sa pagbubukas ng 19th Congress ngayong araw.

Mamayang alas-10 ng umaga, inaasahang pangungunahan ni Acting Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagbubukas ng first regular session at ang botohan ng mga officers sa Senate Plenary Hall.

Kabilang sa mga pagbobotohan ng mga senador ang magiging Senate president, Senate president pro-tempore, majority leader, secretary, at sergeant-at-arms.

Base sa tradisyon, ang matatalong kandidato sa pagka-Senate president ang awtomatikong magiging Minority leader.

Sa inisyal na pag-uusap ng mga senador, si Zubiri ang inaasahang ihahalal bilang Senate president ngayong 19th Congress.

Una nang sinabi ng senador na sa pagbubukas ng bagong Kongreso ay ipaprayoridad nila ang pagpapasa ng isang national budget kung saan nakapaloob ang isang stimulus package na tutulong sa mga sektor na apektado ng pandemya at ng economic crisis na kinakaharap ng bansa.

Pagtutuunan rin aniya ng pansin ng Senado ang pagpapasa ng legislative measure na tutugon sa inflation, magpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin, magpapasigla ng ekonomiya, at magpapalakas sa sektor ng edukasyon.

Matapos ang pagbubukas ng sesyon ay pansamantala itong sususpindehin saka lilipat sa Batasang Pambansa ang mga senador para sa Joint Sesion kasama ang Kamara at makikinig sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/senado-handa-na-sa-pagbubukas-ng-19th-congress-ngayong-araw

By Nimfa Mae Asuncion – July 25, 2022 , 6:56 am

###