News Release

Pres. Marcos Jr., magsasagawa ng post-SONA meeting kasama ang iba’t ibang stakeholders — Sen. Zubiri


Plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makikipagpulong sa iba’t ibang stakeholders ngayong linggo ayon kay Acting Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa isang panayam, sinabi ni Zubiri na balak sana ng Punong Ehekutibo na magkaroon ng mahabang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw na magtatagal sana ng tatlo hanggang apat na oras pero pinayuhana siya ng kanyang mga gabinete laban dito.

Sa halip, binahagi ng senador na magkakaroon na lang ng mala-‘stakeholders SONA’ maaaring sa Martes o Miyerkules.

Sa post-SONA meeting na ito aniya ay ipapaliwanag ng mga miyembro ng gabinete ng Pangulo ang kanilang mga plano at programa sa mga stakeholders na hindi makakadalo sa gagawing SONA mamayang hapon sa Batasang Pambansa.

Samantala, sa ngayon ay wala pang nakatakdang schedule para sa pagpupulong ng LEDAC  (Legislative  Executive Development Advisory Council).

Dito nalalaman ng Kongreso kung anong gustong panukalang batas na ipapasa ng Pangulo at ng buong executive branch.

Kasabay rin nito ay nanawagan si Zubiri kay Pangulong Marcos Jr. na magtalaga na ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) secretary.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/pres-marcos-jr-magsasagawa-ng-post-sona-meeting-kasama-ang-ibat-ibang-stakeholders-sen-zubiri

Nimfa Mae Asuncion – July 25, 2022 , 7:18 am

###