News Release

Grupong BAYAN, pinayagan nang magkasa ng kilos-protesta sa Commonwealth Avenue


Matapos ang mahabang diskusyon at pakiusapan, pinayagan na ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN na makapagdaos ng kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Ito ang kinumpirma ni Department of Public Order and Safety Chief Elmo San Diego kasunod na rin ng isinagawang pagpupulong kahapon.

Batay sa napagkasunduan, papayagan ang grupo na makapagmartsa sa Commonwealth Avenue mula sa Quezon City Circle patungong Tandang Sora Ave. simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Una rito ay pinayagan na rin ng QC local government unit ang mga pro-Marcos rallyist na makapagkasa ng kanilang programa sa IBP road malapit sa Sinagtala street sa Brgy. Batasan Hills.

Samantala, hinikayat naman ni San Diego ang mga negosyo malapit sa Batasan Complex na hangga’t maaari ay magsuspinde ng pasok o magpatupad ng work from home setup upang makabawas sa bigat ng trapiko.

Mahigpit naman ang paalala ng LGU sa mga rallyista na mahigpit pa ring sundin ang minimum health protocols.

http://radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/grupong-bayan-pinayagan-nang-magkasa-ng-kilos-protesta-sa-commonwealth-avenue