News Release

Basilan Rep. Hataman, umaasang babanggitin ni Pres. Marcos Jr. ang rehabilitasyon ng Marawi City sa kanyang SONA


Umaasa si Basilan Representative Mujiv Hataman na babanggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rehabilitasyon ng Marawi City at development ng Mindanao sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).

Ayon kay Hataman, kailangang tutukan ang usapin ng pagpapanatili ng kapayapaan at hakbang tungo sa kaunlaran ng Mindanao.

Nais din niyang ilatag ni Pangulong Marcos ang mga plano ukol sa pagpopondo ng Marawi Siege Compensation Act of 2022 upang makabangon na ang mga residente at unti-unting mabawi ang nasirang tahanan at ari-arian.

Sa datos ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, mahigit 23,000 displaced individuals ang pansamantalang naninirahan sa transitory sites.

Dagdag pa ng mambabatas, ayon sa Asian Development Bank ay nasa 36.2 percent ang poverty incidence sa Mindanao.

Samantala, bukod sa Marawi ay aabangan ni Hataman kung tatalakayin ng Punong Ehekutibo sa SONA ang pagpapayabong ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) gayundin ang pagpapalakas sa agriculture at fisheries sector at pagkamit ng food security.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/basilan-rep-hataman-umaasang-babanggitin-ni-pres-marcos-jr-ang-rehabilitasyon-ng-marawi-city-sa-kanyang-sona

By Hajji Kaamiño – July 25, 2022 , 6:32 am

###