News Release

3 freedom park sa QC, itinakda ng PNP para sa mga rally sa araw ng SONA ng Pangulo


Nagtakda ng tatlong freedom park sa Lungsod Quezon ang Philippine National Police (PNP) kung saan pahihintulutan na magtipon ang mga nagbabalak mag-rally, sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa Hulyo 25.

Kabilang dito ang Quezon Memorial Circle, loob ng compound ng Commission on Human Rights (CHR) sa Commonwealth Avenue, at loob ng UP Diliman Campus.

Umapela naman si PNP director for operations Police Major General Valeriano de Leon sa mga raliyista, na limitahan ang kanilang mga aktibidad sa mga naturang freedom park upang hindi maabala ang trapiko at maiwasan ang komprontasyon sa mga pulis.

Paalala pa ni de Leon na ipinagbabawal ng Batas Pambansa 880 ang pagsunog ng effigies, at mahigpit itong ipatutupad ng mga pulis.

Alinsunod sa direktiba ni PNP Officer in Charge Police Lieutenant General Vicente Danao, Jr. sinabi ni de Leon, na magde-deploy ang PNP ng Civil Disturbance Management Unit na binilinang ipatupad ang “maximum tolerance” sa mga raliyista na manggulo.

Inaalam naman ni de Leon kung pinagbigyan ng Quezon City Local Government ang kahilingan ng Grupong Bayan, na makapagsagawa ng protesta sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.