Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Magandang araw po, Pilipinas. Magandang Lunes sa ating lahat, sa ating mga kababayan sa loob at labas ng ating bansa, maging sa ating mga media partners na nakatutok sa ating programa. Ako po si Secretary Martin Andanar mula sa PCOO. Good morning, Rocky.

USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary Martin – welcome back. Tuluy-tuloy pa rin po ang ating balitaan tungkol sa mahahalagang kaganapan sa ating bansa. Ako naman po si Usec. Rocky Ignacio.

SEC. ANDANAR: Ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

USEC. IGNACIO: Secretary Martin, simulan na natin ang balitaan ngayong umaga. Kaliwa’t kanan na po ang napapaulat na korapsiyon sa ilang national agencies gaya po ng DPWH, Bureau of Immigration, Bureau of Customs, PhilHealth at maging ang agricultural sector dahil sa talamak na umano’y rice smuggling. Kaya naman po irirekomenda ni Senator Bong Go kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng inter-agency task force na magsisiyasat sa mga nakatago at matagal nang korapsiyon sa mga ahensiya sa gobyerno.

Ang panukala ni Senator Go na task force ay katulad din nang itinayong task force na nag-iimbestiga sa PhilHealth. Ang sakop o lawak ng mabubuong task force ay isasakatuparan hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.

Ayon pa sa Senador, nabanggit din ng Pangulo na ang korapsiyong kaniyang nababalitaan sa iba’t ibang ahensiya ay kagaya lamang daw ng pandemya na sumisira sa ating normal na pamumuhay. Importante na matanggal sa serbisyo ang mapapatunayang corrupt para hindi makasira pa sa serbisyo ng gobyerno o makahawa sa iba pang kawani na nais lang magsilbi sa kapuwa Pilipino.

Samantala, binuksan ang ika-88 Malasakit Center sa Ubay, Bohol. Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop ng mga ahensiya ng gobyerno kung saan matatagpuan sa iisang bubong

ang DSWD, DOH, PCSO at PhilHealth upang magbigay ng medical assistance sa mga mahihirap at [inaudible] na Pilipino. Ito ang pangalawang Malasakit Center sa Bohol Province, at muling naimbitahan si Senator Bong Go sa pagbubukas nito sa Don Emilio Del Valle Memorial Hospital. Sa kaniyang speech, pinaalalahanan ni Senator Go ang mga dumalong empleyado ng gobyerno, partikular na ang mga nasa PhilHealth, na pagbutihin pa ang kanilang trabaho at pagsiserbisyo para sa taumbayan. Sa kabila kasi ng korapsiyon sa PhilHealth ay nagtitiwala ang Senador na mas marami pa ring matitinong empleyado na nais magsilbi at gustong unahin ang interes ng Pilipino bago ang kanilang sarili.

Pinuri at pinasalamatan naman ng Senador ang mga frontliners na nagsilbing bayani sa panahon ng pandemyang ito. Ilan pa nga sa kanila ay nabigyan ng bisikleta para hindi mahirapang mag-commute papasok sa ospital. Sa araw ding iyon ay nagpadala ng pagkain ang Senador sa mga pasyenteng naka-confine sa ospital at may magkahiwalay ding cash assistance ang Department of Social Welfare and Development sa bawat isa.

Si Senator Bong Go ang pangunahing nagpanukala ng batas sa Malasakit Center Act of 2019 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong December ng nakaraang taon.

Unti-unti naman pong nagbubukas ang turismo sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic kaya nagpaalala bilang Chairman ng Senate Committee on Health si Senator Bong Go sa local authorities at tourism stakeholders sa mga beach resort na protektahan ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng mamamayan. Gaya na lamang po ng isla ng Boracay na binuksan na sa mga turista.

Nakiusap ang Senador na sumunod ang lahat sa health protocols at huwag magpakakampante habang binabalanse ng pamahalaan ang ekonomiya at pangkabuhayan ng taumbayan.

Binanggit din ito ni Senator Go kasabay ng pagbibigay niya ng facemasks, face shields, grocery packs sa 300 individuals na biktima naman ng sunog sa Barangay Manocmanoc sa Malay, Aklan. Oktubre ng nakaraang taong din iyon nang personal na bumisita si Go matapos ang insidente ng sunog sa lugar. Bukod po sa tulong ng Senador, nandoon din ang National Housing Authority para mamigay ng housing assistance sa qualified beneficiaries.

Nagpapatuloy din ang distribution of assistance sa opisina ni Senator Bong Go sa mga pamilyang naapektuhan ng matinding pagragasa ng baha sa Quezon Province. Pagkatapos tumulong sa mga residente ng Lucena at Gumaca nitong mga nakaraang araw, dumiretso naman ang kaniyang staff sa munisipalidad ng Lopez, Quezon para mamigay ng grocery packs, facemasks, face shields, ilang tablets para sa mga estudyante, at bisikleta para sa empleyadong nahihirapang mag-commute papasok ng opisina.

Naroon din po si Secretary Rolando Bautista ng DSWD at sampu ng kaniyang mga kasamahan sa DSWD para magbigay ng cash assistance at food packs sa 300 individuals.

Good news naman po para sa barangay officials. Inanunsiyo ni Senator Go na planong muli ni Pangulong Duterte na mamigay ng karagdagang benepisyo ngayong darating na Kapaskuhan dahil sa serbisyong kanilang ginagampanan sa taumbayan.

Samantala, sa kabuuan ay nasa 35,015 na lamang po ang active cases ng COVID-19 sa buong kapuluan matapos makapagtala ang Department of Health ng karagdagang 14,944 sa mga gumaling o katumbas ng 328,036 total recoveries. Iyan ay base sa pinakahuling bulletin na Inilabas ng Department of Health kahapon, October 25, 2020. Apatnapu’t tatlo naman ang nadagdag sa mga nasawi sa kabuuang bilang na 6,977. Nasa 370,028 naman po ang total confirmed cases sa buong bansa matapos itong madagdagan ng 2,223 kahapon.

SEC. ANDANAR: Mapapansin po natin sa ating line graph na muli na namang umakyat ang COVID-19 cases matapos ang sunud-sunod na araw na mas mababa sa dalawang libo ang naitatala. Muli itong sumampa sa 2,000-mark noon Sabado.

Sa Quezon City pa rin nagmumula ang pinakamataas na bilang, kahapon po ay 112 na bagong kaso ang naitala sa lungsod. Nasa ikalawang puwesto naman ang Laguna na may 111 cases. Ang Rizal ay nasa ikatlong puwesto. Samantala, hindi naman nalalayo dito ang Batangas with 74 cases.

Malaki ang ibinababa sa mga active cases na ngayon nasa 9.5% na lamang ng total cases. Muli, ang malaking pagbaba ay dulot ng mataas na bilang ng recoveries na naitatala tuwing Linggo.

USEC. IGNACIO: Sa breakdown po ng active cases, malaking bahagi o 82% ay mild cases lamang; ang walang sintomas naman o asymptomatic ay nasa 11.3%; samantala, ang severe naman ay nasa 2.4%; at 4.2% naman ang nasa kritikal na kundisyon.

Bagama’t bumababa ang active cases, hindi pa rin tayo dapat maging kampante, bawal po ang walang mask. Ugaliin po natin ang pagsusuot nito lalo na kung tayo ay lalabas ng bahay. Sa pamamagitan kasi ng pagsusuot ng mask ay nababawasan nito ng 67% ang chance na tayo ay makahawa o ‘di kaya’y mahawa ng sakit. Muli, maging BIDA Solusyon sa COVID-19.

Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maaari ninyo pong i-dial ang 02-894-COVID o kaya ay 02-894-26843. Para naman sa mga PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial ang 1555.  Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.

SEC. ANDANAR: Kaugnay pa rin sa usapin ng turismo ay tuluy-tuloy ang pagbubukas ng ilang mga lokal na pamahalaan ng kanilang pintuan para sa mga gustung-gusto nang makapagbakasyon sa kabila pa rin ng banta ng COVID-19, at kabilang po diyan ang probinsiya ng Ilocos Sur. Alamin po natin ang ibang detalye mula mismo sa ama ng Ilocos Sur, si Governor Ryan Singson. Magandang umaga po sa inyo, Gov.

GOVERNOR SINGSON: Magandang umaga Secretary Martin Andanar at sa mga nakikinig at nanunood po.

SEC. ANDANAR: Sir, Governor, kumustahin muna namin ang lagay ng panahon diyan po sa inyong lalawigan. Kumusta po ang mga kababayan natin?

GOVERNOR SINGSON: Una, okay naman, Secretary. Hindi naman po dumaan po iyong bagyo dito. Makulimlim lang po, pero iyon nga, ang ating mga farmers ay kailangan na kailangan na po iyong ulan. Pero as of now po, wala pong ulan dito sa Ilocos Sur.

SEC. ANDANAR:   Governor, good news po itong COVID report sa inyong lalawigan dahil after three months ay COVID-free na po kayo diyan. Paano po ito naging posible, Governor?

GOV. SINGSON:   Yes, sir. Iyon po ay talagang tuwang-tuwa po kami dito sa lalawigan ng Ilocos sur dahil after how many months po ay naabot na po namin iyong matagal na po namin na talagang pangarap na maging zero, COVID-free po dito sa Ilocos Sur.

Ito po ay resulta ng aming pagtutulungan, kooperasyon po ng aming mga kababayan at iyong pag-strict implement ho ng ating mga guidelines and protocols lalung-lalo na po sa ating borders ng probinsiya ng Ilocos Sur.

SEC. ANDANAR:   Starting November 15 ay magbubukas na rin po ang inyong probinsiya sa mas marami pang turista na magmumula po dito sa atin sa Luzon. Ano po ang nagbunsod sa desisyong ito?

GOV. SINGSON:   Unang-una po, ako po ay nagpapasalamat kay Secretary Berna Romulo-Puyat dahil siya po ang nag-encourage po sa amin na maglakas ng loob para buksan na po iyong aming mga tourism sites dito po sa Ilocos Sur.

Noong una, kami po ay naimbitahan para pumunta po ng Baguio, imbitasyon po ni Mayor Magalong at ni Secretary Berna na tingnan po paano buksan ng Baguio ang kaniyang siyudad. Eh, noong nakita po namin na maganda po iyong implementasyon, kami na rin po ay sumunod sa desisyon ng Baguio na magbukas na rin ho katulad na rin po ng mga ibang probinsiya po dito sa Region l.

So, sa November 15, kami po ay nag-decide na magbukas. Mahirap po na desisyon po ito dahil kailangan po natin ibalanse iyong safety ng aming mga kababayan pero siyempre ho, kailangan na rin po naming magbukas ng ekonomiya dahil madami na hong nawalan ng trabaho, marami na rin pong nagsarang negosyo dito sa Ilocos Sur. Ang tourism po ang nagda-drive po sa aming ekonomiya kaya nag-decide na rin po na buksan para matulungan na rin po namin iyong mga nawalan ng trabaho at negosyo.

SEC. ANDANAR:   Governor, upang maiwasan po itong mga agam-agam na baka magkaroon ulit ng COVID-19 cases diyan, ano po ang measures na ipatutupad ng Provincial Government para maiwasan po ang COVID-19 sa pagdami ng ating turista?

GOV. SINGSON:   Kami po dito, hindi po dahil COVID-free na po kami ay we will put our guard down. Dapat ho mas maging istrikto pa po kami. Kung ano po iyong mga guidelines at protocols na ginagawa po namin noon para maabot po namin itong status na COVID-free, iyon po ay gagawin namin.

Kaya po ako ay nakikiusap sa ating mga kababayan na kung puwede ho, sundin lang po kung ano man iyong mga safety and health protocols and guidelines po ng Ilocos Sur. Marami po kaming mga guidelines na inilabas para po maprotektahan ang aming mga kababayan po dito sa Ilocos Sur.

Hindi man po ganoon kadali ang pumasok kasi iyon nga ho, we want to keep Ilocos Sur COVID-free. So, iyong mga turista ho, kailangan ipakita ninyo po na negative po kayo sa COVID test bago po pumasok dito sa Ilocos Sur at mababantayan po, sasamahan po kayo ng tour guide sa lahat ng destination na pupuntahan ninyo.

At before coming to Ilocos Sur, kailangan ho nakasulat na or nakalista na po iyong itinerary ninyo para iyon po ang susundin natin. Hindi po puwedeng mag-side trip or hindi po puwedeng biglaan na pumasok po dito sa Ilocos Sur. Kailangan ho naka-book na kayo at makipag-coordinate po sa LGU.

SEC. ANDANAR:   Okay. Napakadetalyado at istrikto po pala ng inyong mga panuntunan diyan po sa Ilocos Sur. Ano-ano pong mga lugar muli sa Luzon na panggagalingan ng mga turista ang papayagan lamang na makapasok sa Ilocos Sur?

GOV. SINGSON:   Well, sir, starting November 15, ang Ilocos Sur po ay magbubukas sa buong Luzon kasama na po ang NCR.

SEC. ANDANAR:   Sir, mayroon po bang mga limitations as to how many tourists iyong papayagan ninyo po sa bawat destinasyon sa Ilocos Sur? Halimbawa na lamang, diyan po sa napakagandang lugar ninyo sa Vigan?

GOV. SINGSON:   Yes, sir. Salamat po. Iyong sa guidelines and protocols po, nadesisyunan po ng Task Force COVID Ilocos Sur, kasama na po iyong mga mayor at saka mga MHO ho dito sa Ilocos Sur, we will only be allowing 50 tourists per day para po mas mabilis po iyong pag-monitor namin ng mga bisita. Pero once po na makita namin na very successful itong program, ma-maintain po namin na zero ang COVID cases dito sa Ilocos Sur, then puwede na po tayong pumunta sa phase 2 at dagdagan po iyong bilang ng mga turista na puwede pong pumasok ng Ilocos Sur.

SEC. ANDANAR:   Sir, ano-anong tourist sites muli, specifically, ang puwede nang bisitahin ng mga turista diyan po sa Ilocos Sur?

GOV. SINGSON:   Ito po, sir, iyong mga accredited na tourist sites ng Department of Tourism – iyong Baluarte Zoo, iyong Caniaw Heritage Forest Park, iyong Santiago Cove, iyong mga beach resorts po doon. Siyempre ho, ang Calle Crisologo at ang Vigan City, Bantay Bell Tower, Sta. Maria Church.

At ngayon po, marami pong nagpapa-accredit na establishments at tourist sites para po maisama po sila sa pagbukas ng Ilocos Sur.

SEC. ANDANAR:   Sir, balikan po natin iyong mga katanungan ng ating mga kasamahan sa media. Kasama po natin si Usec. Rocky Ignacio. USec.?

USEC. IGNACIO:   Thank you, Secretary Martin. Good morning, Governor. Tanong po mula kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror, ito po ang tanong niya: To date, Ilocos Sur is the only province in the Ilocos Region which is free from COVID-19? What is the reason behind the success of Ilocos Sur in containing the spread of COVID-19?

GOV. SINGSON:   Good morning, Usec. Rocky. Actually ho, marami na po ang nagagalit po sa akin dahil masyado po daw istrikto si Governor Ryan at saka ang Ilocos Sur. Pero iyong pag-istrikto po namin ng aming mg health protocols and guidelines lalung-lalo na po sa aming border, iyan po ang rason bakit COVID-free na ang Ilocos Sur. Talagang mahigpit po ang patakaran po diyan sa border ng La Union at Ilocos Sur; Ilocos Norte at Ilocos Sur; Abra at Ilocos Sur.

Talagang istrikto ho, hindi po puwedeng basta-basta pumasok. Talagang mino-monitor po namin, binabantayan po namin every day. May nakakalusot po, hindi naman po perfect, pero may nakakalusot pero once na malaman po namin na may nakalusot o may nagpuslit po sa ating borders, doon po papasok ang ating mga contact tracing team. Talagang contact tracing at ila-lockdown po kaagad ang barangay ng isang taong nakapasok.

Parang ngayon ho, mayroon po kaming issue na isang PNP personnel na nagpuslit po kahapon dito sa Ilocos Sur. Ang lumabas po ay nagpa-test po siya sa La Union kasi nagtatrabaho po siya sa PNP La Union eh bigla pong umuwi ng Ilocos Sur eh lumabas po iyong resulta positive po pala. Iyon po ang problema po namin ngayon.

Sana ma-maintain po namin iyong COVID-free ng Ilocos Sur pero kahapon pa lang ho ay sinabihan na po namin iyong mayor, iyong LGU na i-lockdown at contact tracing.

SEC. ANDANAR:   Governor Ryan, paalala na lamang sa mga turistang gustong-gusto nang magbakasyon sa inyong probinsiya.

GOV. SINGSON:   Well, again ho, kami po ay we will be accepting tourists by November 15, mga turista po galing ng Luzon at NCR. Ang hinihingi ko lang po ay sundin ninyo lang po ang mga guidelines and protocols na ilalabas po ng probinsiya ng Ilocos Sur. We are now finalizing our health protocols and guidelines, once po na ma-finalize ito, ilalabas po namin sa publiko para hindi na rin po mahirapan ang ating mga turista na gustong mamasyal po dito sa Ilocos Sur. Kami po ay handa na na buksan po namin ang aming pintuan para sa inyo. Sana po magtulungan po tayo para ma-maintain po na safe ang ating lalawigan ng Ilocos Sur.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat sa inyong panahon, Governor Ryan Singson mula sa probinsiya ng Ilocos Sur. Mabuhay po kayo, Governor.

GOV. SINGSON:   Maraming salamat, Secretary Andanar and Usec. Rocky.

SEC. ANDANAR: Marami pong sektor at industriya ang naapektuhan nang dahil sa COVID-19 at hindi po naging exemption ang ating pamahalaan. Kabilang ang sangay ng hudikatura sa panahon ngayon ng pandemya, patuloy pa ngang gumagana ang ngipin ng batas. Is the wheel of justice still grinding in the Philippines? Para sagutin po iyan, we are joined by no other than the 16th Court Administrator of the Supreme Court of the Philippines, Attorney Jose Midas Marquez. Magandang umaga po sa inyo sir, welcome po sa Public Briefing.

ATTORNEY MARQUEZ: Magandang umaga, Sec. Martin. At magandang umaga rin kay Usec. Rocky. Magandang umaga sa mga nakikinig at nanunood sa atin.

SEC. ANDANAR: Sir, paano po naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang court hearings o iyong mga judicial processes? Nagkaroon ba ng delay sa mga pagdinig sa mga kaso sa lower court dahil sa pandemya?

ATTORNEY MARQUEZ: Well, siyempre unang-una, noong nagdeklara ng community quarantine ang ating Pangulo, talagang kailangan natin isarado physically ang ating mga korte nationwide ‘no, nationwide at this is the first time that sinarado natin ang mga korte physically nationwide ‘no. Pero siyempre kailangan na tumuloy ang trabaho ng ating mga korte kaya noong una ay puwede lang tayong mag-file electronically ‘no. So naglagay tayo ng mga contact numbers at iyong kanilang email addresses ‘no sa ating website ng Supreme Court para maabot natin ang mga korte ‘no.

But eventually, nabigyan natin sila ng platform, eventually lahat ng mga korte kaya ngayon ay puwede na silang mag-video conferencing hearings ‘no, mga online hearings. So iyong ating huwes, iyong ating judge nasa loob ng court room, pero iyong mga litigants, iyong mga abogado puwede sila doon sa kani-kanilang mga opisina or bahay. So natutuloy pa rin ang ating mga hearings nitong mga nakaraang mga buwan.

SEC. ANDANAR: Ano po ang considered as most affected judicial region ng COVID-19? At ano po ang ginawa ng Korte Suprema to ease the effect of the pandemic sa mga pagdinig ng kaso?

ATTORNEY MARQUEZ: Well sa palagay ko ang talagang naapektuhan mabuti eh would be NCR ‘no kasi maraming nagsasabi noong simula—[signal cut]

SEC. ANDANAR: Okay, medyo naapektuhan po ang ating signal ng communications with Attorney Midas. Ang ating power sources po sa Metro Manila ay fluctuating during this time na mayroon pong bagyo. So balikan po natin mamaya si Attorney Midas Marquez.

Oras po natin is 11:28 in the morning, kayo pa rin po’y nanunood ng Public Briefing Laging Handa at maraming salamat Rocky sa iyong forever presence sa programang ito. Kahit ako’y nandoon sa Mindanao at nakakausap natin ang ating mga former rebel returnees ay ikaw naman ay nandiyan at pinapaalala mo sa akin dahil ikaw ay nakapula.

USEC. IGNACIO: [Laughs] Hindi, para maganda po ang ating buong linggo. Kami po ay—ako’y nagpapasalamat din, Secretary, na kahit naman po nandoon kayo sa ginagawa ninyong mga trabaho sa ibang mga lugar sa mga lalawigan ay nandito pa rin ang ating Laging Handa Public Briefing para ibigay pa rin po iyong mga pinakamahahalagang impormasyon para sa taumbayan.

SEC. ANDANAR: Okay. Balikan natin, Rocky, si Attorney Marquez. Sir, okay na ba ang ating linya ng komunikasyon? Sir, how about iyong filing ng petitions? Kumusta po ang filing ng petitions ng ating mga kababayan na mayroon pong mga kaso?

ATTORNEY MARQUEZ: Sec. Martin, iyong filing ganoon din ano, puwede tayong mag-file electronically. Halimbawa, magpa-file tayo let’s say sa Manila, ang ating gagawin pupunta lang tayo sa website ng Supreme Court, titingnan natin kung ano iyong email address ng Regional Trial Court ng Maynila and then you can already file electronically ‘no. Ganoon din sa ating Korte Suprema ‘no, puwede rin tayong mag-file electronically.

Pero doon sa ating mga kababayan na siguro nahirapan sa internet, sa signal, puwede rin silang dumulog ‘no personally sa ating mga korte para mag-file nang personal filing ‘no. Iniiwasan lang din natin ang—kasi dati talagang dapat personal filing ‘no pero ngayon pinapayagan na natin electronically kasi nga iniiwasan din natin na halos lahat ng mga tao pupunta sa ating mga korte.

SEC. ANDANAR: Are judges allowed to work-from-home via video conferencing?

ATTORNEY MARQUEZ: Puwede ‘no. Ang ating general rule is they should be in court ‘no. They should be presiding in court. So puwede silang mag-video conferencing provided the judges will be in court at tapos iyong mga abogado lamang at saka mga litigant [garbled] and will be appearing virtually or online ano, iyan ang general rule. Pero in some instances [garbled] mga health conditions o kaya ay medyo senior na siya ‘no, puwede naman siyang magpaalam sa ating Office of the Court Administrator to preside from home ‘no so pinapayagan din natin iyon.

SEC. ANDANAR: Saan-saang mga korte po pinapayagan ang ganitong setup?

ATTORNEY MARQUEZ: Well, sa lahat ng korte natin pinapayagan iyan, Sec. Martin, ano. Kasi lahat ng ating korte ngayon ay capable na ng video conferencing ‘no. Lahat ng mga judges binigyan natin ng platform ‘no so they can preside from inside their court rooms or they can preside from their respective homes ‘no provided mayroon nga silang prior permission or clearance from the Office of the Court Administrator to preside from home.

SEC. ANDANAR: Tungkol naman po sa mga Persons Deprived of Liberty, Justice Peralta mentioned na nasa higit 80,000 PDLs po ang pinalaya ng Supreme Court since March para i-decongest ang mga kulungan. Puwede ninyo po bang i-elaborate kung ano ang mga naging basis sa pagpili sa mga PDLs na ito para sila ay i-release?

ATTORNEY MARQUEZ: Tama po iyan, Sec. Martin ano, iyan po ay inulat ng ating Punong Mahistrado noong Friday ‘no sa kaniyang pagharap sa press dahil po sa kaniyang unang taong anibersaryo bilang Punong Mahistrado ‘no. Katulad po ng kaniyang naiulat, sa ating data po 81,888 PDLs po ‘no ang napalaya magmula March 17, 2020, noong nag-lockdown tayo hanggang October 16, 2020 ‘no.

Out of these 81,888 – 46,032 ‘no a little bit over 50% ‘no ang napalaya through video conferencing ‘no. So ibig sabihin iyong PDL hindi humarap ng court personally, nandoon siya sa BJMP o kaya nandoon sa PNP custodial cell at nag-hearing, napalaya siya ‘no.

Balikan ko lang iyong ating mga video conferencing hearings mula noong May 4, 2020 hanggang October 16, 2020, noong May 4 nang sinimulan natin itong video conferencing hearings, naitala natin dito 110,369 total video conferencing hearings ‘no at mayroon po tayong 88% success rate. Ibig sabihin 88% out of the 110,369 eh 88% noon eh ang successful ang ating video conferencing hearings ‘no. Iyong 12% ay ang dahilan dito ay mga connectivity issues ‘no so medyo mayroon pa rin tayong konting connectivity issue kaya hindi tayo maka-100%.

Pero balik tayo doon sa PDLs ‘no – 81,888 PDLs released from March 17, 2020 to October 16, 2020 and 46,032 out of the 81,888 were released through video conferencing.

Tapos mayroon pa po tayong 880 minors o ito iyong tinatawag nating children in conflict with the law, were also released through video conferencing. So maganda po ang ating mga numerong nakalap. Iba-iba po ang stages nito: Mayroon po bail hearing; mayroon sa simula pa lang eh, pagka-file pa lang ng information, nabigyan kaagad ng piyansa; mayroon naman nag-probation; mayroon ng plea bargaining; mayroon din naman talagang na-acquit, dahil natapos na iyong decision. So, iba-iba po ang dahilan kung bakit na-release ang ating mga persons deprived of liberty.

SEC. ANDANAR:  More than 800 children in conflict with the law ang na-release under this program. Tuluy-tuloy pa rin po ba ang gagawing pagpapalaya ng Supreme Court sa ilang PDLs as the pandemic continues? Okay, so may problema muli tayo sa ating telecommunication, pero susubukan nating tawagan si Atty. Midas Marquez dahil napakahalaga po ng mga katanungan ng ating mga kasamahan sa media.

So, far Usec. Rocky, ano ba iyong questions ng ating media?

USEC. IGNACIO:  Secretary Martin, sa pagkakataong ito ay upang magbigay po ng kaniyang mensahe sa mga kababayan nating labis na naapektuhan ng Bagyong Quinta. Mapalad po tayong makasama ngayong umaga si Senator Christopher Bong Go. Magandang umaga po Senator Go at welcome po sa public briefing.

SENATOR GO:  Magandang umaga, USec. Rocky at Secretary Martin at sa mga kapatid nating Pilipino na nakikinig. Magandang umaga po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO:    Senator, ano po iyong inaasahang tulong mula sa ating Pangulo sa mga kababayan natin na naapektuhan ng Bagyong Quinta? At kayo po ba ay kasama ng Pangulo na nag-monitor nitong naging galaw ni Quinta? Saan po kayo nag-monitor in Presidente?

SENATOR GO:  Nagkausap po kami kagabi ni Pangulong Duterte at siya po ay naka-monitor sa Bagyong Quinta, sa pananalasa ng Bagyong Quinta sa iba’t ibang rehiyon at sa lalawigan ng Luzon at Visayas. Sinisigurado ng Pangulo na laging handa ang mga ahensiya ng gobyerno na magbigay ng assistance sa lahat ng mga Pilipinong apektado, kasama na po rito iyong rescue and retrieval operation; even sa repair ng mga nasirang, kalsada at gusali; paghatid po ng mga relief goods at medisina; pag-restore ng kuryente at iba pang kailangang gagawin kaagad.

Kausap ko rin po si Secretary Lorenzana kagabi at (garbled) Executive Secretary Medialdea, at from time to time ay nag-a-update po sila sa ating Pangulo. At ako po ay nanawagan sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, especially po sa mga regional offices, na dapat ay lagi tayong handa na tumugon kaagad sa mga pangangailangan ng mga kababayan natin.

Sa mga kababayan ko, lalo na sa Bicol, sa CALABARZON, MIMAROPA at mga tinamaan ng Bagyong Quinta, patuloy lang po tayong makinig sa mga tamang impormasyon. Dapat po ay palagi rin po tayong handa sa anumang sakuna. Hindi po natin matatawaran ang ating mga local officials, they are on top of the situation naman po. (Garbled) kapag sinabing mag-evacuate gawin natin ito; kapag sinabing huwag munang maglayag ang mga bangka o mga barko, sundin natin ito. Huwag din tayong magpakalat ng fake news para matakot ang ating mga kababayan.

Ang Bagyong Quinta ay nakapag-landfall na po kaninang umaga sa Oriental Mindoro at inaasahang lalabas ito ng bansa. Ang mga malalakas na ulan ay maaaring magdulot po ito ng pagbaha at saka landslide. Nakita natin sa iba’t ibang litrato po na kumakalat, so kailangang pong mag-ingat tayo. Ako naman po bilang Chair ng Senate Committee on Health, nanawagan ako lalung-lalo na po sa mga local officials na siguraduhing hindi magkakahawaan po ng COVID-19 sa mga evacuation centers lalung-lalo na po iyong mga bata.

Kamakailan lang po, bago dumating iyong bagyong ito, umapela po ako sa NDRRMC at ibang ahensiya ng national government at sa mga LGUs, make sure na dapat ligtas ang evacuation centers sa COVID-19. Siguraduhin nating maipatupad ang minimum health protocol, katulad ng pagsuot ng mask, social distancing at palaging paghugas ng kamay. Ayaw po nating madagdagan pa ang pinapasan ng ating mga kababayan lalung-lalo na po sa panahon ng pandemya, itong krisis na ating kinakaharap. (Garbled) Mag-ingat po tayo.

USEC. IGNACIO:  Senator, siyempre alam po namin na talagang ang inyong tanggapan ay mabilis na nagpapaabot ng mga tulong ngayon pa po sa mga nasalanta ng naturang bagyo. Anu-ano po iyong mga nais ninyo talagang maipaabot sa kanila kaagad ngayong may nasalanta ng bagyo, Senator?

SENATOR GO:  Iyong mga nakaraang araw po, sa Lucena, sa Lopez, Quezon, throughout the Gumaca po ay nagpadala po ako ng tulong noong nagbaha po doon dahil sa parating pag-ulan lalo na po ngayon na naghahanda po kami. At sa abot po ng aming makakaya ay handa po kaming tumulong, iyong aking opisina at iyong mga national agencies po ay kinausap ko na po. Magtulungan tayo, hindi natin ito kayang mag-isa, lalung-lalo po iyong mga local government units natin ay kailangan po ng tulong ng national, iyong mga relief goods para mayroon kaagad makain ang ating mga nasalanta, iyong mga nasira na pamamahay ay mabigyan kaagad ng tulong mula sa gobyerno.

USEC. IGNACIO:  Senator, maiba lang ako, mag-aanunsyo po ba si Pangulong Duterte mamayang gabi ng panibagong community quarantine?

SENATOR GO: (Garbled) at nabanggit niya na iyong mga recommendations po ng ating mga mayors ay papakinggan at pinag-aralan niyang mabuti ang lahat. Yesterday (garbled) importante po sa ating Pangulo. Ang pera po ay ating kikitain, subalit ang perang kinita natin ay hindi po mabibili ang buhay ng ating kapuwa. So, pina(garbled) alam kong hirap tayong lahat, nahihirapan na din po ang Pangulo. But we should cooperate, kailangan nating mag-cooperate sa isa’t isa. Magtulungan po tayo.

USEC. IGNACIO:   Senator Go, kunin ko na lang po ang inyong mensahe sa ating mga kababayan partikular po sa naapektuhan ng Bagyong Quinta.   

SENATOR GO:  Sa mga naapektuhan po ng Bagyong Quinta, mag-ingat po tayo. Nakikiusap po ako, please cooperate with your local government officials. Parang active ang mga opisyales natin. Kami po dito sa abot ng aming makakaya ay handa po kaming tumulong sa inyo, bukas po ang aming tanggapan.

USEC. IGNACIO:   Maraming salamat po sa inyong panahon, Senator Bong Go. Mabuhay po, kaso. Stay safe, Senator.  

SEC. ANDANAR:  Balikan po natin si Atty. Midas Marquez. Tumungo na tayo sa mga katanungan ng ating mga kasamahan sa media. USec. Please go ahead.

USEC. IGNACIO:   Mula kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror. Ito po ang tanong niya. Supreme Court circular 45-2020 states that lower courts shall be physically open and may operate with a skeletal staff of not less than 50% as maybe directed by their respective heads of office. They are reportedly some courts requiring all of their staff to report for work. Can an employee of such court cite SC circular 45-2020 as a ground not to report for work every day?

ATTY. MARQUEZ:  Well, kung babasahin po natin iyong Circular 45-2020, ang sinasabi po natin doon, eh ang minimum staff dapat, nakalagay po doon at least 505, so within the discretion to the judge. Kasi kung ang isang korte po ay halimbawa eh medyo overloaded with cases, eh baka kailangan ni judge kumpletong pumasok, then we leave that to the sound discretion of the judge provided of course they will observe proper protocols – iyong pagsuot ng face mask at saka iyong physical distancing. So iniiwan po natin iyan sa ating mga judges. Basta ang sinasabi lang diyan po sa 45-2020 po eh at least 50% ang papasok. So, kung 100% silang papasok, nasa judge po iyon.

SEC. ANDANAR:  All right. Maraming salamat po sa inyo, USec. Rocky.

Ito pong kay Chief Justice Peralta he is urging Congress to pass a bill creating judiciary marshal services dahil daw po sa report na maraming mga Trial Court Judges ang nagiging subjected to violence. Ano po ang sa palagay ninyo, ano po iyong naiisip ninyo tungkol dito, Atty. Midas?

ATTY. MARQUEZ:  Actually, ano na iyan ‘no, nagtapos na kami ng mga committee hearings both sa representatives at sa Senate. Ako po mismo ang pumunta roon, para ipaliwanag kung bakit kailangan po talaga ng ating mga judges at mga korte ang judiciary marshals ‘no.

Last week lamang ‘no na laman po ng ating mga balita, isang judge po natin doon sa Libmanan, Camarines Sur ang in-ambush. At buti na lang po ay masuwerte po si judge, eh siya pa ho ang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan, katabi po niya sa kanan niya iyong kaniyang aide, eh pinapaputukan po sila sa right side, sa side niya, pinaputukan siya at masuwerte po si judge hindi siya tinamaan. Parang mga pitong bala po yata ang tumama doon sa kanilang sasakyan, pero kahit isa walang tumama sa kaniya. Pero hindi masyadong pinalad iyong kaniyang aide kasi iyon ang tinamaan at hanggang ngayon ay nagpapagaling pa sa ospital.

Ito ay isa pong dahilan na bakit natin talagang sinasabing kailangan ng ating mga judges itong marshals, parang tatayong security escorts ng ating mga judges. At kung halimbawa katulad niyan, nagkaroon ng pananambang sa ating isang hukom, eh sila na rin ang magpupursige sa imbestigasyon ano, para masigurado na talagang the investigation will proceed until we can get positive results.

So kami po ay mga umaasa sa ating Kongreso na itong batas na ito ay maipapasa na sa lalong madaling panahon.

SEC. ANDANAR:  Any final message po para sa ating mga kababayan na before we end the interview, Attorney?

ATTY. MARQUEZ:  Well, gusto ko lang pong ipaalam at siguraduhin sa ating mga kababayan na ating mga korte, lahat po ng ating mga korte ay bukas sa panahon ng pandemya. Mayroon po tayong mangilan-ngilan na nagsasarado physically kasi po mayroong isang halimbawang isang court employee na nag-register ng positive o kaya mayroon pong isang fiscal o kaya isang abogado na nag-positive nag-hearing doon.

Pero kahit po physically closed and mangilan-ngilan nating mga korte, itong mga physically closed courts may still be reached electronically. So puwede pa pong mag-file ng pleading, puwede pong mag-video conferencing hearings.

So, gusto ko pong ipaalam at siguraduhin sa ating mga kababayan na lahat po ng ating korte ay mananatiling bukas sa panahon ng pandemya. Maraming salamat po.

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat po sa inyong panahon at paglilinaw, Atty. Jose Midas Marquez. Mabuhay po kayo, sir. It’s good to see you again.

ATTY. MARQUEZ:  Maraming salamat din po, Sec. Martin at kay USec. Rocky. Maraming salamat po sa inyong lahat.

SEC. ANDANAR:  Puntahan naman natin ang mga balitang nakalap ng ating mga kasamahan mula sa Philippine Broadcasting Service, ihahatid sa atin ni John Mogol. John, good morning.

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat, John Mogol. Alamin natin ang pinakahuling balita mula sa PTV Cordillera kasama si Danielle Grace De Guzman. 

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat sa iyo, Danielle Grade De Guzman ng PTV Cordillera. Mula sa Cordillera puntahan naman natin ang kaganapan sa Cebu, kasama si John Aroa. John?

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat sa iyo, John Aroa ng PTV Cebu. Kaugnay pa rin ng Bagyong Quinta na kasalukuyang nananalasa sa ating bansa, puntahan natin si Patrick De Jesus live sa Albay. Kumusta na ang sitwasyon diyan, Patrick?

Okay. Babalikan natin si Patrick De Jesus kaugnay pa rin po ng bagyong nararanasan sa Kabikulan. Magbabalita naman sa Davao City si Regine Lanuza. Regine?

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Okay. Maraming salamat sa iyo, Regine Lanuza. Tuluy-tuloy pa rin po ang ating pagtutok sa mga pinakahuling balita tungkol sa pagbubukas ng local tourism sa bansa na sinasabing malaking contributor para makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas sa naging epekto ng COVID-19. Muli po nating makakausap sa kabilang linya ang tagapagsalita ng Department of Tourism, Usec. Benito Bengzon. Magandang umaga po, Usec?

USEC. BENGZON:   Good morning, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO:  Welcome po ulit sa Public Briefing. Hihingi lang po kami ng additional update sa mga guidelines, Usec, tungkol doon sa paglilipat ng IATF sa DOT ng kapangyarihan to decide sa operational capacity ng mga hotels? Mayroon na po bang amended guidelines ang DOT tungkol dito? Or does this mean na papayagan na pong mag-operate at 100% capacity ang mga hotel?

USEC. BENGZON:   Tama po iyan, naglabas na kami ng amended guidelines noong October 25, dalawa po iyong EO na inilabas namin. Iyong una is iyong 2020-002-3 which pertains to accommodation establishments; iyong pangalawa naman, iyong AO 2020-006-3, iyong doon sa staycation. So unahin ko muna doon sa accommodation establishments, papayagan na po iyong 100% operating capacity, of course, subject to the discretion of the management. Pagdating naman doon sa staycation, papayagan siyempre iyong 100% dito sa NCR for the 4 to 5-star category; at saka doon naman sa mga hotels outside of NCR, kapag nasa 3-star category, puwede na rin po ang staycation.

USEC. IGNACIO:  Usec, weekly ay may nababalitaan tayong mga LGU na nagpapasok na nang mas maraming turista sa kanilang lugar – kagaya nga po ng Baguio, Ilocos Sur, Palawan – iyon pong guidelines still remain o mas pahihigpitin po ang guidelines sa mga pagdami ng mga turista?

USEC. BENGZON:  Kumporme po iyan sa local executives. At mayroon tayong mga minimum requirements bago payagan itong cross border travel, at ito iyong mga minimum requirements: Unang-una, kailangan mayroong negative result ng RT-PCR, karamihan sa mga local destinations will require that 72 hours before you enter their destination. Pangalawa, kailangan mayroon tayong health declaration form na pi-fill up-an and most of these LGUs have their apps already. So bibigyan ka ng QR code kapag umiikot ka doon sa lugar nila. Pangatlo, kailangan doon ka lang mag-check-in sa mga DOT-accredited establishments na nakakuha na ng certificate of authority to operate. Pagdating doon sa number o iyong bilang na puwedeng papapasukin, kumporme po iyan sa local executives.

USEC. IGNACIO:  Usec., puntahan po natin iyong tanong ng ilang kasama natin sa media. Mula kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: Is the Tourism industries starting to pick up with the lifting of restrictions on travel or is there a continuing decline in tourism revenue?

USEC. BENGZON:   Well, nakita po natin sa pagbubukas ng mga local destinations, we have been able to turn the situation around. Ito naman kasi talaga ang instruction ni Secretary Berna Romulo-Puyat na tulungan natin iyong mga tourism enterprises; tulungan natin itong mga tourism workers. Ang approach natin will be slow, but steady kasi hindi natin puwedeng biglain ito. Ang mahalaga pa rin, sumunod tayo doon sa mga health and safety guidelines. But the good news is, nag-uumpisa na po ang ating recovery

USEC. IGNACIO:  Opo, ang proposed budget po ng Department of Tourism ay nasa 4 billion pesos. How important is it to get this proposal approved for 2021? Anu-ano daw po ang mga hakbang na gagawin ng inyong Kagawaran para po makabawi ang tourism sa epekto ng COVID-19 by next year?

USEC. BENGZON: Magkakaroon po tayo ng shift towards domestic tourism kasi alam naman natin maraming mga international borders na sarado pa. So ang instruction po sa amin ni Secretary Puyat, mag-concentrate tayo sa domestic tourism. Let’s work on iyong product development kasi may mga bagong hahanaping produkto ang ating mga travelers; they will prefer more of the low-density outdoor kind of activities. So magkakaroon po tayo ng shift, iyong budget na ilalaan natin will go to product development.

USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa pagpapaunlak, Usec. Benito Bengzon ng Department of Tourism. Stay safe po, Usec.

USEC. BENGZON:   Salamat po sa pagkakataon na binigay ninyo sa amin.  

USEC. IGNACIO:  Samantala puntahan natin si Patrick De Jesus live sa Albay. Kumusta na ang sitwasyon diyan, Patrick?

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat sa iyo, Patrick De Jesus.

Pasalamatan rin natin ang ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo!

SEC. ANDANAR:  At diyan po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar mula sa PCOO.

USEC. IGNACIO:  Secretary, 60 days na lang po Pasko na. Ako naman po si Usec. Rocky Ignacio mula pa rin po sa PCOO.

SEC. ANDANAR:  Samahan po ninyo kami ulit bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH. Ingat po kayo.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)