SEC. ANDANAR: Magandang umaga, Pilipinas. Isang umagang siksik sa balita at impormasyon ang muli ninyong matutunghayan ngayong Huwebes patungkol sa ating laban kontra COVID-19. Good morning, Rocky.
USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary Andanar. Kasama pa rin ang mga kawani ng pamahalaan na handang sumagot sa mga katanungan ng ating bayan, ako po si Undersecretary Rocky Ignacio.
SEC. ANDANAR: Ako naman po si Secretary Martin Andanar, at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Upang sumagot sa mga tanong ng bayan, maya-maya ay makakasama natin sa programa sina Col. Gabriel Chaclag, Spokesperson ng Bureau of Corrections; Commissioner Raymund Enriquez Liboro ng National Privacy Commission; at lead convener ng Hatid Tulong project at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo.
USEC. IGNACIO: Makakasama rin natin sa paghahatid ng ulat ang mga PTV correspondents mula po iyan sa iba’t ibang probinsiya at ang Philippine Broadcasting Service.
Samantala, para naman po sa inyong mga katanungan, maaari kayong mag-comment sa livestreaming ng ating programa sa PTV Facebook page.
Una po sa ating mga balita, hinimok ni Senator Bong Go ang Health Department na siguruhing available, accessible at affordable ang mga gamot ngayong may pandemyang dulot ng COVID-19. Dapat aniyang rebyuhin ng DOH at DTI ang listahan ng mga gamot na nakapaloob sa Executive Order 104 na nag-i-impose ng maximum drug retail price sa mga partikular na gamot at medisina alinsunod sa Cheaper Medicines Act.
Samantala, ang EO 104 ay nailabas bago ang deklarasyon ng public health emergency kaya ang mga medisinang relative sa paggagamot sa COVID-19 at sa iba pang related conditions ay maaaring hindi kasali noon, ngunit dapat na ikonsidera ngayon para masiguro sa mga Pilipino na mayroong access at available at affordable na medisina.
Sa iba pang balita, muling iginiit ni Senator Bong Go ang kaniyang stand patungkol sa limited face-to-face classes. Aniya, importanteng makapag-aral pa rin ang mga estudyante sa paraan na hindi mapipilitang ma-expose ang mga bata sa sakit. Kaya naman hinihikayat ng Senador ang Department of Education na magkaroon ng ibang mode of learning maliban sa limited face-to-face na maaari pa ring makasunod sa health and safety protocols kagaya ng physical distancing. Narito ang naging pahayag ni Senator Bong Go. [VTR]
SEC. ANDANAR: Samantala, maraming mga katanungan ang taumbayan sa totoong sitwasyon ngayon sa loob ng ating mga bilangguan lalo na sa New Bilibid Prisons. Para sagutin ang mga ito, makakasama natin si Col. Gabriel Chaclag mula sa Bureau of Corrections. Kumusta po ang sitwasyon ngayon sa loob ng mga prison facilities, sir?
COLONEL CHACLAG: Magandang umaga Sir Martin at Ma’am Rocky, at magandang umaga sa inyong mga tagasubaybay – naririnig ninyo ako, sir?
SEC. ANDANAR: Loud and clear, sir.
COLONEL CHACLAG: So far ay pinaparating po natin sa ating mga kababayan na sa security situation sa mga prison facilities under BuCor ay normal security situation naman po and manageable.
And with regard to the COVID situation, COVID-19 situation sa mga prison facilities ng BuCor ay sa ngayon po ay marami na rin po tayong natutunan at manageable po as of this time ang ating pag-handle sa COVID-19 cases, Sir Martin.
SEC. ANDANAR: Sir, ilan na po iyong biktima ng COVID-19, sir, sa inyong huling tala?
COLONEL CHACLAG: Sa huling tala namin as of July 22, sir, ay mayroon tayong 350 confirmed cases both PDL and personnel, at ang death po ay 21; and we have total recoveries also, 315. Now, if we go to the number of PDLs, mayroon po tayong 260 na confirmed cases at ang recovery po ay 232, at we have a record of death na 21 po.
So i-emphasize ko lang sir, na these 260 na naging positive sa COVID-19 na confirmed cases, ito po ay mula sa kabuuang bilang ng mga prison numbers natin na almost 29,000. So nakita po natin na maliit lamang po from the general population ay iyong nag-test na positive ay maliit lamang; and of that 260 ay mataas po ang ating recovery. Sana po ay iyon ang palagi nating titingnan dahil it shows na iyong ating mga interventions mula po noong nag-umpisa ay sa tingin natin ay effective. At lalo na ngayon na towards these days, marami tayong natututunan at natutunan mula pa noong sa umpisa ng COVID.
So right now, masasabi natin, sir, na maganda ang ating intervention, ang ating mga response. At dito lang naman po sa NBP tayo may problema. Ikinatutuwa naming sabihin na lahat po ng regional prisons outside of Metro Manila ay COVID-free po as of now.
SEC. ANDANAR: Ano po ang mga protocols na ipinapatupad ng Bureau of Corrections para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga bilangguan?
COLONEL CHACLAG: Sir, as early as March, kahit pa noong June 29, sir, ay nagkaroon na po ng pagpupulong at naihanda po natin lahat ng prison facilities upang matugunan ang pagdating ng COVID-19 na ito.
At dahil si Director General Bantag ay galing naman siya sa jail facilities, sir, na matagal na warden, na-anticipate niya sir ito, early part of this year. Hindi lamang po ang COVID-19, nakita nila po iyong perennial problem sa jail towards the summer ay napaghandaan po.
So iyong pagdating ng COVID-19 situation ay masasabi po natin na, more or less, medyo handa ang Bureau of Corrections. So kapag tiningnan natin sir, iyong history ay makikita natin na medyo matagal po bago dumapo iyong COVID-19 disease sa NBP. Nagkaroon po ng maraming cases sa labas pero dito po ay napanatili nating free and until it came a time na dumating talaga [garbled] siguro [garbled] at iyong mga advice [garbled].
So unang-una po ay binigyan natin ng kautusan ang mga superintendents ng prisons na maghanap ng ideal isolation area within the camps so that, kapag na-identify iyong mga PDL na may symptoms, flu-like symptoms similar to COVID ay naa-isolate kaagad natin at ma-test natin kung kinakailangan – at iyon po iyong una.
And then [garbled] PDL natin ay ang naririnig lang nila ay iyong mga haka-haka. So ang ginawa po natin, being part of our protocol was to conduct—
USEC. IGNACIO: Colonel, medyo bumitiw-bitiw po iyong ating linya ng komunikasyon sa inyo, sana naririnig po ang magiging katanungan ko sana ngayon. Colonel?
COL. CHACLAG: Yes go ahead, Ma’am Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Kasi kanina po medyo hindi po namin naiintindihan iyong mga sinasabi ninyo, napuputol po. Pero ito na lang po iyong tanong ko: Niri-report po ba ninyo kaagad ang COVID-19 situation sa Department of Health at sa LGU kung nasaan po iyong jail facility? At kumusta po iyong coordination ninyo sa kanila?
COL. CHACLAG: Tama po ito, Ma’am Rocky. We have a protocol on that. Once we have cases of COVID-19 na confirmed, then we also inform the local government, the City Health Office of Muntinlupa, at iyon po ay palaging ginagawa ng ating health service. At bukod roon ay mayroon din pong reporting to the DOH. At kapag mayroon naman pong transfer of PDL outside the NBP Compound, ito rin po ay iniri-report natin sa DOJ and DOH, so ganoon po.
We have a very good relationship with the City Health Office as of now, noong una lang po ay medyo nagkaroon po ng differences in opinion, pero na-reconcile natin lahat iyon at tayo po ay nagtutulungan. We Heal as One, sabi nga natin, Ma’am Rocky. So, rest assured that we have good protocols on communication with the City Health Office and the DOH.
USEC. IGNACIO: Colonel, alam naman po natin na mainit na isyu po ngayon iyong pagkamatay po ng siyam na high profile inmates. Ano po ba ang totoong sitwasyon dito at ano po iyong mga dahilan ng pagkamatay talaga nila? Paano sila nag-positibo sa COVID-19? Sino po ang nagbe-verify ng mga impormasyon dito?
COL. CHACLAG: Ma’am Rocky, salamat ano. Nabibigyan lang ng diin iyong siyam na namatay na high profile, pero we have 21 deaths. Palagi nga nating sinasabi, pare-parehas ang tingin natin, paano naman iyong 12 na namatay din sa COVID-19 cases. So, binibigyan po natin sila ng pare-parehas na tingin, at rest assured na naipapaabot natin sa kanilang mga pamilya ang situation nitong mga COVID-19 victims.
At doon naman po sa high profile na nabanggit natin ay rest assured po na we have documentation at properly documented lahat from the admission to the isolation area and then going to the hospital up to the time of their death. At iyong pagdala din sa kanila, proper handling of the remains pagpunta sa cremation, Ma’am Rocky.
SEC. ANDANAR: Totoo po bang mas mataas ang bilang ng COVID-19 cases sa Building 14, kung saan may separate cells ang mga PDLs ng Bilibid kumpara sa ibang maximum and medium security compound na mas crowded?
COL. CHACLAG: Hindi po natin masasabi iyan, Sec. Martin. Kasi iyong Building 14, they have about almost a hundred population at marami din silang nag-positive doon. Pero may mga building din na maraming pinanggalingan ng COVID patients natin. Remember, sir, na 258 na iyong na-confirm na cases. So marami din po sa ibang building, hindi lang po sa Building 14.
SEC. ANDANAR: Ano po ang protocols na sinusunod ninyo kaugnay sa mga high profile inmates na namatay?
COL. CHACLAG: Katulad din po ng protocol na sinusunod natin sa mga handling of remains, parehas din po iyong ating tingin at protocol sa pag-handle ng mga high profile cases na iyan at sinusunod po natin iyong algorithm na ginawa ng ating health service. At binibigyan lang natin ng diin kasi, of course, we know that they are high profile inmates, dinadagdagan natin din ng security dahil ayaw nga natin na mapagdudahan na mayroong hindi nasunod na procedure.
Kaya nga po, tama nga po iyong pangamba namin dati na mayroong ngang magkukuwestyon at kami naman po ay handang magpaliwanag at ilahad lahat ng evidence at documents na magpapatunay po na lahat po ng procedure na dapat gawin ay nagawa dito sa nine high profile inmates.
USEC. IGNACIO: Colonel, mayroon pong mga reklamo mula po sa pamilya ng mga PDLs na hindi daw po sila kaagad na-inform sa totoong sitwasyon ng kanilang mga mahal sa buhay kapag nagkakasakit at namamatay. Ano po ang reaksyon ninyo dito?
COL. CHACLAG: Ma’am Rocky, mayroon talaga tayong challenge and difficulty sa pag-contact ng mga relatives ng PDL. May mga PDL po na hindi updated iyong kanilang mga contact numbers. At iyon naman pong mga nako-contact, kaagad naman ay tumutugon naman po sila at nakikipag-ugnayan. Ginagawa po natin lahat through cellphone, landline kung mayroong social media and we also use the registered mail. Ginagamit na nga namin, Ma’am Rocky, na kinukontak iyong barangay mismo at nakkipag-ugnayan tayo sa local officials ng barangay at kung minsan ay sila mismo iyong nakikipag-ugnayan kung mahanap nila iyong family ng PDL.
On the other hand, mayroon namang mga PDLs na totally wala pong kaugnayan sa kanilang mga mahal sa buhay. At kung minsan naman nakontak namin sila, pero ang sabi ng relatives ay iyong BuCor na lang ang bahala dahil wala silang kakayahan at wala silang balak na kunin o bisitahin ang kanilang PDL. So ganoon po iyong difficulty.
Pero rest assured na dito sa nine high profile inmates or the rest of the 21 ay nag-exert po tayo lahat ng efforts para ma-inform ang kanilang next of kin, Ma’am Rocky.
USEC. IGNACIO: Colonel, bibigyan-daan lang po natin ang tanong ng ating mga kasamahan sa media. Pero uunahin ko na si Reymund Tinaza ng Bombo Radyo. Ito po iyong tanong niya bago iyong kay Liela Salaverria ng Inquirer. Pakisagot, dahil naglalabasan sa social media, aware naman daw po siguro kayo ang mga speculation baka daw po ginamit ang COVID-19 para sa umano’y great escape lalo si JV Sebastian?
COL. CHACLAG: Salamat, Ma’am Rocky. At iyon nga iyong haka-haka na nakakaubos lang ng ating energy at time at resources sa pagsagot dahil hindi naman po totoo iyan. Marami pong nakakakita at napakaimposible po na mangyari dahil kung conspiracy, talagang grand conspiracy because it will involve hundreds of personnel. So hindi naman pupuwede iyon, Ma’am Rocky.
So, we want to assure the public na hindi po totoo iyon. At sana ay we disabuse ourselves from insinuation at huwag na nating isipin iyong ganoon dahil totoo po ang pagseserbisyo ng BuCor at kami po ay sumusunod lahat sa patakaran at hindi po tayo nasisilaw sa anumang monetary consideration kung iyon ang insinuation nila. Tayo po ay nagpunta rito, si General Director Bantag ay wala pong ibang consideration kung hindi ayusin ang BuCor at maglingkod para sa bayan.
USEC. IGNACIO: Okay. Colonel, tanong po mula kay Liela Salaverria ng Inquirer: Bakit po hindi dinala ang mga preso sa ospital na accredited mag-handle ng COVID-19?
COL. CHACLAG: Mayroon tayong sinusunod, Ma’am Rocky, na DOH guidelines, hindi po tayo basta-basta nagdadala ng patient sa ating mga partner na ospital. Ang ating mga partner hospital, nakita naman ninyo pati private hospitals ay umaapila sila na kung maaari ay huwag nating dalhin ang mga patients na hindi naman severe and critical ang symptoms.
So, mayroon tayong isolation area na doon natin nilalagay iyong mga mild at kapag kaunti lang naman ang symptoms. Marami pong naka-recover sa kanila. So ganoon po ang sinusunod natin But when the symptoms of a patient ay lumala, dinadala po natin iyan as per our doctors’ and medical practitioners’ recommendation.
USEC. IGNACIO: Pangalawang tanong po ni Leila Salaverria ng Inquirer: Bakit daw po hindi ipinakita sa iba ang katawan nito bago ito na-cremate?
COL. CHACLAG: Nasabi ko kanina, Ma’am Rocky, marami pong nakakakita at hindi lang po personnel ng BuCor kung hindi personnel din ng mga agencies na partners natin at ito naman po ay marami ding nakakakita na PDL at kung puwede nga po ay isama natin ang kanilang mga next of kin. Pero following again the DOH guideline, hindi naman po basta-basta nakakalapit ang sinuman kapag ito ay COVID-19 remains.
So again, ma’am, mayroon tayong documentation: We have pictures and we have our doctors whom we trust. Hindi naman po natin matatawaran siguro iyong reputation ng ating mga doctors and medical practitioners just to do some shenanigans, so to speak, ma’am. So, documented po lahat, pati photos.
USEC. IGNACIO: Colonel, mula naman po kay Trish Terada ng CNN Philippines: Contrary to the belief of many others that inmate Jaybee Sebastian is still alive, inmates believed that he is dead but ang sinisisi po nila is Director Bantag. They and their families are alleging that Director Bantag is allegedly behind the death of Sebastian. They claim ginagamit lang daw po ang COVId-19 as excuse to execute high profile inmates. May we get your reaction on this?
COL. CHACLAG: Ma’am, ang COVID-19 ay wala pong pinipili – mapa-mayaman, mahirap, bata nga, matanda, kahit babae, lalaki ay hindi po namimili ang COVID-19 and nakita naman natin sa labas. At napakaimposible po ang ganiyang haka-haka kasi marami tayong partners na palaging nagbi-visit sa ating mga facilities. And we can always assure the public that we are—BuCor is doing its job na nasa regulasyon at wala pong hangarin o isipin man lang iyong ganoon na pag-iisip. Huwag po natin iisipin iyong ganoon, hindi naman po kami siguro napakasamang tao na magplano ng mga ganoon. Ni sa isipin ay hindi po sumasagi at rest assured that everything that the BuCor is doing or its response to COVID-19 ay nasa regulasyon po and above board.
SEC. ANDANAR: According to other officials, lawmakers and DOJ, exempted daw po sa Data Privacy Act ang pag-disclose ng mga pangalan ng high profile inmates. May plano po ba tayo na i-disclose ang mga pangalan na hinihingi ng publiko?
COL. CHACLAG: That is our original contention, Sir Martin, kaya nga po tayo hindi kaagad nag-disclose ng names sa public discourse dahil paramount po sa amin iyong Data Privacy Act at right to privacy of all PDL, and nirerespeto natin iyon kasi under the Data Privacy Act. Ito po ay transferable din to their heirs, so ganoon po. Pero ngayon na lumabas na po, nagbigay na rin po ng opinyon iyong National Privacy Commission na puwede nating ilabas dahil it’s a public issue now, public safety na ang pinag-uusapan kaya po nailabas natin iyong siyam na pangalan and even the proof of their hospitalization or isolation and death.
SEC. ANDANAR: Mayroon pong official investigation na magaganap ukol po dito, paano ninyo po ito pinaghahandaan?
COL. CHACLAG: Tinatanggap po natin at welcome po any entity na tumingin at mag-conduct ng investigation or inquiry. At tinanggap po natin iyong team ng NBI kahapon, nagpunta po sila dito and we have had an initial engagement. At lahat naman po ng questions na dapat na iparating nila sa amin ay tinanggap po natin at in due time, we will give all documents that they have asked this agency. So welcome po lahat po ng puwedeng mag-inquire, Sir Martin.
SEC. ANDANAR: Marami pong salamat, Col. Gabriel Chaclag mula sa Bureau of Corrections.
COL. CHACLAG: Maraming salamat din po, sir. Maraming salamat, ma’am at sa inyong mga tagasubaybay.
USEC. IGNACIO: At para linawin naman po ang mga usapin tungkol sa data privacy makakausap natin si Data Privacy Commissioner Raymund Liboro. Magandang umaga po, sir.
COMMISSIONER LIBORO: Magandang umaga sa inyo, Usec. Rocky at Sec. Martin. Magandang umaga. Salamat po sa imbitasyon.
USEC. IGNACIO: Sir, ano po ba iyong sakop at limitasyon ng Data Privacy pagdating sa mga impormasyon kaugnay po sa mga PDLs?
COMMISSIONER LIBORO: All right. Pinakinggan ko nga iyong panayam ninyo kay Col. Chaclag, at siguro nais ko lang banggitin na dito sa bagay na ito ay hindi lamang po Data Privacy Act ang sumasakop or applicable law. Nandiyan po iyong ating Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act or iyong RA 1132; nandiyan po ang DPA, ang Data Privacy Act of 2012. At idadagdag ko na rin iyong Freedom of Information na EO na nilabas, ang second EO ng ating Pangulo nang siya po ay manungkulan, at sinasabi rin po diyan ano ba ang sakop po ng pagdi-disclose ng impormasyon.
Tama po rin iyong sinabi ni Col. Chaclag, mayroon hong unique provision ang atin pong DPA, ang tawag po diyan ay transmissibility of right of data subjects, iyan po ay under Section 17. At sinasabi nga po diyan na ang mga naiwan o mga naulila, legitimate heirs ng sinuman kung siya po ay pumanaw na ay maaari pong i-assert ang privacy rights ng pumanaw. But again, dahil nga dito sa issue ng high profile PDL, nais ko lang banggitin na sa lahat ng ito ang mas tumitimbang ay ang issue ng public concern or public interest at legitimate interest.
So, sinu-sino nga ba ang puwedeng recipient ng impormasyon tungkol sa isang PDL? Sa karaniwang PDL, of course, ang impormasyon ay kailangang malaman ng kaniyang pamilya – unang-una. Mayroon ding lehitimong interes ang pamilya halimbawa kung ito ay biktima or ito ay mga nagsakdal sa kaniya noong nauna na malaman din kung ano nga ba ang estado ng isang PDL. At ang pangatlo, ito nga, na maaaring isang kategorya rin ng mga dapat makaalam ay kung ito na nga po ay isang public concern at iyong publiko nga ba ay mayroong karapatan ding malaman ito.
Sa aking pagtaya po, may justification po iyong public interest sa bagay na ito sapagkat ang mga high-profile PDLs na matatawag nga po, by virtue of their association po doon sa mga nakaraang mga national issue, iyong pagkakadikit nila diyan ay naging public interest na po siya or public concern at naukit na sa kaalaman o kamulatan ng ating publiko. Kaya ho itong mga bagay na ito, ng detalye, na bumabalot sa kanilang status, kung ano man ang kanilang sinapit ay maaaring sabihin nga ng publiko na mayroon silang concern or interest na malaman.
So, with that, ang gusto ko lang sabihin nga po, ang Data Privacy Act po ay hindi ho ito nagbabawal ng paglalabas po ng impormasyon, bagkus inaalam natin dito, ano ba ang tamang batayan para po sabihin iyan. Kaya nilinaw po natin ito, Usec. Rocky, Sec. Martin, na sa bagay na ito, sa partikular din na issue na ito ay mayroon pong lehitimong public interest involved para ho malaman ho ng publiko kung ano ho itong mga detalyeng bumabalot dito po sa sinapit ng mga high profile PDLs.
USEC. IGNACIO: Para sa inyo po, talagang dapat i-disclose po, iyong mga pangalan—ng Bureau of Corrections ang mga pangalan ng mga namatay na mga high profile inmates po, at ano po ba iyong—para bigyang-diin po iyong sinasabi ninyo rin kanina?
COMMISSIONER LIBORO: Kabilang po iyan, Usec. Rocky, kasi pinakikinggan ko rin lamang iyong tanong mismo ng mga kasama nating mga mamamahayag. Kabilang po talaga riyan sa pinuprotektahan ng Data Privacy Act ay hindi lamang po—at gusto kong linawin nga ito na mabuti nabigyang-daan ninyo, hindi lamang po ang proteksiyon ng data ng isang indibidwal kung hindi kabilang po sa mandato ng DPA, ng Data Privacy Act ay ang pagsisiguro ho ano na mayroon hong malayang pagpapalitan po ng impormasyon, ensuring the free flow of information.
At mahalaga ho ang papel ‘no na ginagampanan po ninyo na nasa media, kayo nila Sec. Martin hinggil dito ‘no. At hindi ho kumot ‘no na puwedeng ipangbalabal po natin upang i-deny po ang freedom of the press or the right of the people to know.
At nais ko lamang ngang banggitin ano, kasi maging po iyong ating FOI, iyong Freedom of Information EO No. 2 at maliwanag po sa IRR po niyan na ang requested ho ng impormasyon, kung ito nga po ay sumasakop bilang personal information, na sensitive personal information, kapag ito ho ay nakitang a matter of public concern ‘no ay iyan po ay nilinaw mismo ng FOI na iyan po ay maaari [garbled] kailangan pong ilabas.
USEC. IGNACIO: Opo. Para po sa ating mga kababayan Commissioner, ano po ba talaga iyong tinatawag na data privacy? Sinu-sino po iyong dapat sumunod dito, ito sa sinasabi natin sa ilalim ng Data Privacy Act?
COMMISSIONER LIBORO: Lahat po ng—ito po sumasakop po sa lahat sa atin ano at iyong karapatan po natin sa bagong panahon ay dito nai-emphasize dito. Karapatan ho nating malaman ang impormasyon, iyong mga—dalawa ho ang ano ‘no, na audience po nito: tayo ho na may mga karapatan at iyon hong sa mga nagpoproseso po nito, iyon pong mga kumpanya/ahensiya lalo na ng gobyerno na nagpoproseso ng impormasyon.
Kaya malaki po ang responsibilidad ‘no, nito pong mga kumpanya kung siya po ay nasa pribado at ng gobyerno ‘no ho, napaka-specific ho ng sinasaad ng batas tungkol sa responsibilidad ho ng government dito at ng mga heads of agencies sa ganito, sa pagpapatupad po ng DPA kasi sila po ang magtitimbang din nito kung ito nga po ba, again ano, a matter of public interest or personal data na pagpapa-check na po ng indibidwal ‘no.
Nais ko lamang sabihin din ano na sa maraming pagkakataon na iyon pong pagtitimbang po nito ‘no ay hindi ho madali, hindi ho madali kaya naintindihan ko rin po ang nasa Bureau of Corrections dito sa ganitong banda. Hindi ho madali kaagad na minsan nakikita natin po ito. Pero again, ito pong ginawa ho natin, ito pong batas na ito ay napatupad; simple lamang po ang layunin po nito para po sa bansa, ito po ay upang pagtiwalaan po ‘no lahat ng proseso ho ng pangongolekta ng impormasyon sa atin. Pagtiwalaan natin ang mga ATMs, pagtiwalaan natin ang mga bangko, pagtiwalaan po natin ang e-commerce ngayon, pagtiwalaan po natin ang online education dahil iyan po ang, ika nga, diyan na po pupunta ang ating [UNCLEAR] muna ‘no.
At hindi ho natin pagtitiwalaan ito ‘no, kapag ho tayo nagdududa. Nakikita na may simpleng prinsipyo po dito kaya nga po maging sa mga online scam o kung mayroon pong katiwalian o mga hindi ho maganda na nangyayari online at ito po ay involved ang personal dito kung saan maaring mawalan ng tiwala ho ang mamamayan dito sa mga sistemang ito ay maari ho iyan pasukin po ng batas ‘no, ng Data Privacy Act.
So kayo rin po sa media ‘no, marami hong pagtitimbang ang ginagawa po ninyo dito dahil kayo po ay may hawak ng maraming personal data ng mga mamamayan kaya kayo rin po ay—sabi nga iyong responsibilidad din and the accountability po ninyo, nandiyan ho ang journalism ethics para sabihin ano ba ang maaaring ibunyag. So overall ang gusto ho natin, ang mga mamamayan po ay matiwasay na mabuhay dito po sa bagong digital na ginagalawan po nating lipunan at ang bansa din po natin ay tuluyang umunlad ano.
At sabi ko nga, ito pong personal data processing po ay malaking industriya ho ito ‘no. Iyong BPO lamang ho natin ano at ang dami hong bilyung-bilyong klase ho ng—laki ho ‘no ng data ang pino-process ho natin [UNCLEAR] na pino-process ho natin dito sa ating bansa. So kailangan din hong malaman din sa buong mundo ‘no na tayo po dito sa Pilipinas ay mapagkakatiwalaan ‘no when it comes to processing personal data.
USEC. IGNACIO: Opo. Ngayon naman Commissioner, dahil sa panahon nga ng pandemya, very useful po para sa maayos na contact tracing ang Data Privacy Act. So ano po iyong magiging guidelines dapat na sundin ng mga business establishment naman po kaugnay sa kanilang pangongolekta ng impormasyon sa kanilang mga customer o mga kliyente?
COMMISSIONER LIBORO: Magandang tanong iyan, Usec. Rocky ‘no at gusto ko nga sabihin sa lahat magmula ho itong pandemya na ito, may labinlimang kalatas na ho kaming nilalabas bilang gabay para po sa mga kumpanya ‘no, pati ang government at private po ‘no. Tama ka diyan, ito pong panahon ng COVID ay napakarami pong processing of data na nagaganap ‘no so ang sinasabi nga lamang natin dito ay tatlong bagay po ‘no siguro para matatandaan po natin.
Una, iyong transparency ‘no at kailangan po ay malinaw po na sinasaad natin sa publiko, sa ating mga customers kung para saan natin ginagawa itong pangongolektang ito, kung ang batayan po nito ay naaayon sa batas nga po, isasaad po natin iyan. Pero mahalagang malaman po dito ay ano nga ho ba ang ginagawa natin sa data na ito ‘no. Mayroon hong mga issuances na ang DTI tungkol po sa pangongolekta po niyan para po sa contact tracing. Kami rin po ay nakipag—mayroon din po kaming mga inilalabas na joint circular together with the Department of Health at nilinaw po namin iyan.
So sa mga kumpanya, kailangan po nating siguraduhin na iyong seguridad po mismo nitong data na ito, huwag ho natin naka-expose ho iyan sa publiko para ho lahat makakita noong mga detalye pong niyan, iyong polisiya po ng gaano katagal ito po tinatago at kailangan ho para lamang po diretso lamang o maliwanag na doon lamang po sa purpose ng contact tracing gagamitin. Hindi ho puwedeng gamitin sa mga marketing ho iyan or telemarketing at ilalagay ho nila doon sa mga customers list ho nila. Hindi ho dahil maliwanag po ang purpose po ng pangongolekta ng impormasyon sa bagay na ito.
So again, gusto ho natin iyong mga business establishments na pagtiwalaan po kayo sa panahon na ito. Kaya ho ako marami na hong kilala, sinasabi nga nila eh minsan eh nagdadalawang-isip na sila ‘no tulad ng pinapakita po ninyo na mga establishment kasi nakikita nga po nila na hindi ho maayos or hindi ho secured.
So again, nire-remind ho namin ang mga business establishments, naglabas na rin ho kami ng kalatas tungkol dito na kailangan po at isinaad ng ating DTI ang pangangailangan pong ito pero iyon hong dagdag na seguridad para po i-secure po itong mga data na ito ay mahalaga ‘no. At sabi nga iyong transparency ng impormasyon at iyong proportionality po, ito iyong panghuling sinasabi ho namin, iyong tama lang hong data na niri-require, hindi na ho kayo hihingi pa ng iba pa ‘no. Baka sabihin ninyo baka puwedeng magamit sa mga susunod pang pagkakataon, iyan po ay ipinagbabawal at hindi po pinapayagan. So legitimate purpose lamang po, ano ho ang tamang dahilan at may batayan ang ina-allow po ng Data Privacy Act.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, last question na lang. Ito, mahalaga rin kasi ito. Mayroon kayong binubuong code of conduct in preparation po para sa online learning na gagawin sa education sector. So ano po ba ito at paano po ito makakatulong sa pagkakaroon ng safe online environment for students, teachers and siyempre sa parents?
COMMISSIONER LIBORO: Yes, napakagandang tanong iyan, Usec. Rocky at Sec. Martin. Of course, dahil nga dito sa pinag-uusapan natin, itong pag-shift natin to online, iyan po ay bagong oportunidad para sa ating lahat, bago pong environment po iyan. Pero itong online ho ay oportunidad din for misuse ‘no at iba hong may mga masasamang balak. So kamakailan po ay tinipon po namin ang—mayroon ho kaming tinatawag na Data Privacy Council at ang isang pinakamalaking sektor po niyan ay ang sektor ng edukasyon at almost 45 hong mga universities and colleges ang tumugon po sa panawagan po namin, ang pinag-usapan, iyong sitwasyon nga po sa online learning.
At bumuo rin ho kami ng aming task force kasama po ang mga sektor na ito upang bumalangkas po ng code of conduct or code of practice sa online education at iyan po ay ilalabas po namin very soon. Pero kailangan hong gumabay… magabayan po tayo sa panahon na ito ‘no. At nais lamang naming sabihin, tandaan lang ho natin ano, iyong accountability at compliance at iyong pag-practice po ng ethics ‘no, iyong tama pong attitude ‘no at dito ho sa panahon ng online ay kailangan po nating ipatupad. So accountability po, lahat po ng ating mga educational institutions na naglulunsad po nito ay dapat hong ma-remind po sila na sila po ang ultimately responsible dito ho sa seguridad na personal data ng kanilang mga estudyante po. And then iyong compliance din po nila dito sa batas – so, itong batas po natin, again, pinatutupad po natin ito upang protektahan po ang sambayanan against misuse of personal data, tandaan po natin, gusto ho nating pagtiwalaan lalo itong ating online education platforms.
And pangatlo nga, iyong ethical ho ‘no, iyong ethical … don’t do unto others what you don’t want to be done unto you. Maliwanag po dito, this got to be a duty of care, iyon hong binabanggit namin na duty of care doon ho sa mga eskuwelahan na siguraduhin na protektado po at hindi po magagamit sa hindi maganda ang mga data na ito.
Kamakailan po ay nakita po namin ang pagtaas po ng breaches na involving ho ang mga universities and colleges. At patunay po ito na marami ho talagang nag-iinteres sa data ho ng ating kabataan which is a very vulnerable sector dito po sa atin. At sa amin pong pagtingin kaya po mas doble po iyong proteksiyon na kailangan po natin. And hopefully, with the response that we got, ito nga po, iyong sektor po ay talagang sila po ang gagawa po nitong codes of practice na ipapatupad naman po nila sa lahat po ng mga eskuwelahan.
USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, Commissioner Liboro ng National Privacy Commission.
COMMISSIONER LIBORO: Salamat, Usec. Rocky and Sec. Martin.
USEC. IGNACIO: Samantala, upang bigyan-daan ang Hatid Tulong Program na layong mapauwi ang mga na-stranded sa Maynila dahil sa umiiral na community quarantine, pansamantala munang ipinagpaliban ang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program. Para sa iba pang detalye, panoorin po natin ito.
[VTR]
SEC. ANDANAR: Sa darating na July 25 at 26, may gaganaping grand sendoff ng mga locally stranded individuals sa ilalim po ng Hatid Tulong Program. Para po alamin ang update ukol diyan, makakausap natin ang Hatid Tulong Program lead convener at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joy Encabo. Good morning, Joy.
ASEC. ENCABO: Magandang umaga po sa iyo, Secretary Martin at kay Usec. Rocky po.
SEC. ANDANAR: Asec., gaano po karami ang makakauwing LSIs sa darating na Sabado at Linggo?
ASEC. ENCABO: Well, sa darating na July 25, Sec. Mart, pagsi-serbisyuhan po natin ang ating mga kababayan na uuwi sa Mindanao. At ngayong July 26 ay ang mga kababayan natin sa Kabisayaan, lalung-lalo na po ang Region VIII – Samar at Leyte, at ang Region VI ‘no kung saan hindi po sila naka-avail ng sendoff noong nakaraang July 4 and 5.
So kagaya po ng sinabi ko noong nakaraang mga interviews ay pagsisilbihan na po natin ang ating mga kababayang Waray, mga Ilonggo, Antiqueño, mga Aklanon sa darating na July 26, at mga kababayan natin sa North Luzon.
SEC. ANDANAR: Ano po ang mga pinagdaanan nilang proseso at safety protocols bago makauwi sa kani-kanilang probinsiya?
ASEC. ENCABO: Well, gaya po ng pinaghandaan namin at sinang-ayunan ng IATF at ng mga LGUs, ang mga LSIs po ay dadaan sa isang medical protocol na kung saan pangangasiwaan ng Department of Health, at sila po ay mag-a-undergo ng rapid test. Iyon po ang mga hiling ng ating mga LGUs para tanggapin po sila at sa kanilang pagdating ay oobserbahan po nila ang 14-day quarantine pagkatapos ng isang swab test na ika-conduct sa kanila sa kanilang region or probinsiya.
And of course, parte po ng proseso ay pagbibigay po ng travel authority na iha-handle naman po ng ating Philippine National Police at ng DILG.
SEC. ANDANAR: Kumusta po ang coordination ninyo sa LGUs ng mga probinsiyang paghahatiran sa kanila para hindi po sila mag-aalala sa safety ng kanilang mga lugar?
ASEC. ENCABO: Well, Sec. Mart, nagkaroon po tayo ng mga iba’t ibang challenges sa pakikipag-ugnayan ng mga LGUs dahil marami po tayong mga local chief executives ang sumulat sa IATF para mag-request ng moratorium. Ngunit sa pakikipag-ugnayan ng ating DILG at ng PMS na kung puwede ay pagbigyan ay masaya po kaming ibalita sa inyo na may mga iilan na rin pong LGUs na nagbago po ang isip at handang-handa na po i-welcome at tanggapin ang ating mga locally stranded individuals galing po sa Kamaynilaan.
So ang mga LGUs po naman ay sumisikap para pagdating ng mga LSIs ay handang-handa na rin po ang kanilang mga quarantine facilities at ang kanilang mga medical [AUDIO CUT]
SEC. ANDANAR: So, May problema ang ating linya ng komunikasyon. Subukan nating balikan si ASec. Joy.
Puntahan naman natin si Alah Sungduan mula sa PTV Cordillera.
[NEWS REPORTING]
SEC. ANDANAR: Maraming salamat, Alah Sungduan mula sa PTV Cordillera.
USEC. IGNACIO: Update naman po tayo kaugnay sa COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa tala ng Department of Health as of July 22, 2020, umabot na po sa 72,269 ang total number of confirmed cases. 1,594 new cases po ang nai-report kahapon; nadagdagan ng anim na katao ang mga naitalang nasawi kaya umabot na sa 1,843 ang total COVID-19 deaths sa buong bansa.
Sa kabilang banda, ang bilang naman ng mga naka-recover po ay umakyat rin sa 23,623 with 342 new recoveries recorded as of yesterday. Ang kabuuang bilang ng ating mga active cases ay 46,803.
Hindi po kami magsasawang ipaalala sa lahat ang physical distancing, tamang pagsusuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng kamay. Tandaan, sa pagsunod at pakikiisa sa ipinatutupad na guidelines ng pamahalaan, makakatulong ka upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang ating laban sa COVID-19.
Bahay muna, buhay muna.
SEC. ANDANAR: Balikan natin si ASec. Joy Encabo. ASec., pagkatapos po ng send-off sa Sabado at Linggo, sa kabuuan, magiging ilan na pong total LSIs na natulungan ng ating Hatid Tulong Program?
ASEC. ENCABO: Well, kasalukuyan, nasa mga 123,000 na po ang napauwi natin at sa ngayon pong oras na ito, mayroon po tayong 9,000 na confirmed LSIs na uuwi sa [July] 25 and 26. Kung ia-add po natin iyan, Sec. Mart, ay aabot na po tayo sa mga 135,000 and more if magiging successful po tayo sa July 25 and 26. At pagkatapos po ng second leg ng send-off na ito, magkakaroon po tayo ng mga cluster send-offs lalung-lalo sa mga isla na malalayo kagaya ng Palawan at Batanes.
SEC. ANDANAR: Ilan pa po ba ang target natin na matulungan, ASec. Joy?
ASEC. ENCABO: Well, sa ngayon po, Sec. Mart, base sa listahan ng Presidential Management Staff, we’re still expecting around eight to ten thousands LSIs after the second send-off. Pero gaya po ng sinabi ko, pag-aaralan po naitn ngayon kung paano po magkakaroon ng maganda at maayos na implementasyon sa pamamagitan ng isang pocket send-off or clustered send-off.
Hindi na po pangkalahatan gaya ng ginawa natin noong July 4 and 5 at sa darating na 25 and 26 kung hindi by region na po ang ating approach dito para mas mapaayos at mapa-arrange natin ang mga government transportation asset at hindi po magiging abused ang kanilang paggamit ng mga assets natin.
SEC. ANDANAR: Ano po ang mensahe nila sa publiko, ASec. Joy?
ASEC. ENCABO: Well, unang-una, nais ko lang iparating sa ating mga LSIs na sana po ay sundin nila ang mga instructions na ibinigay ng secretariat, dahil noong Monday pa po ay mayroon na pong mga LSIs na pumunta dito sa Rizal Memorial Sports Complex Football Field at sila po ay matutulog ulit sa kalsada at iyon po, magkakaroon ng additional concerns sa atin kaya nakikiusap po ako na pumunta po kayo sa araw o schedule na ibinigay sa inyo ng secretariat o ng advisory group para hindi po kayo nahihirapan sa paghihintay.
Pangalawa po, nagpapasalamat po ako sa mga LGUs na iyong mga nagbukas ng kanilang mga pintuan at handang-handa na pong tanggapin at i-welcome ang kanilang mga LSIs sa 25 and 26. Kaya po malaki po ang pasasalamat namin dahil mababawasan na rin po ang mga LSIs dito sa Metro Manila.
And of course, sa national government po at sa mga iba’t-ibang ahensya na tumulong, maraming salamat po dahil sa patuloy ninyong sakripisyo at pag-unawa at pagbibigay ng serbisyo sa mga kapwa nating Filipino.
SEC. ANDANAR: Marami pong salamat, ASec. Joy Encabo ng Hatid Tulong Program. Mabuhay kayo!
ASEC. ENCABO: Maraming salamat po, Sec. Mart at USec. Rocky!
SEC. ANDANAR: At iyan po ang mga balitang nakalap natin ngayong araw. Maraming salamat sa mga naglaan ng kani-kanilang oras sa pagbibigay-linaw sa mga impormasyon na mahalagang malaman ng ating mga kababayan.
USEC. IGNACIO: Ang Public Briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t-ibang sangay ng Presidential Communications Operations Office sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
SEC. ANDANAR: Asahan ninyo ang aming patuloy na pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga updates sa ating paglaban sa COVID-19 pandemic.
Maraming salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19.
USEC. IGNACIO: Mula po sa Presidential Communications Operations Office, ako po si USec. Rocky Ignacio.
Mula rin po sa PCOO, ako po si Sec. Martin Andanar. Magkita-kita tayo muli bukas dito lang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
###
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)