RET. GEN. PADILLA: Magandang gabi po sa inyong lahat! Ako po si General Padilla na itinalaga pong tagapagsalita ng NTF at tumatayo po para kay Secretary Galvez, ang ating Chief Implementer ng National Action Plan.
Nandito po ako ngayon muli upang magbigay ng mga ulat tungkol sa pinakahuling pangyayari sa ating pakikipaglaban sa COVID-19. Nais ko pong ipabatid na may karagdagang 12 mga gumaling na naman sa COVID-19 at umaabot na sa 96 ang kabuuan ng mga nagsi-galing sa COVID-19 sa buong bansa. Inaasahan po natin na sa mga susunod na araw ay tataas pa ang bilang na ito.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang banta sa kalusugan ng ating mga health workers sa mga ospital at ganun din po sa bawat isa sa atin kung tayo ay hindi susunod sa mga alituntunin ng Enhanced Community Quarantine.
Ang ating mga healthcare workers katuwang ang iba pang mga frontliners ay tapat na naglilingkod upang mapangalagaan ang mga may sakit. Sila po ang ating mga modern day heroes. Nagsasakripisyo po sila na malayo sa pamilya, pagod, puyat, at nalalagay sa mga alanganin at hindi komportableng sitwasyon para sa ating lahat. Kaya naman po sinisiguro po natin na mayroon silang sapat na proteksyon; at ang ating gobyerno po ay bumili ng isang milyong PPEs para sa kanila para maprotektahan.
Kamakailan, more than 12,000 na rin po ang nai-distribute sa lahat ng anim na ospital sa buong bansa lalo na po sa Maynila. Ang natitirang 985,000 na PPEs ay scheduled na dumating ngayong linggo hanggang Abril 24 para naman maipamahagi sa mga iba pa nating health workers na nasa iba pang ospital.
Pinapaalalahanan po ang lahat na ang pananakit o pag-discriminate sa ating mga healthcare workers, ganun din po sa ating mga OFWs at mga nagsisiuwing mga Pilipino galing sa kanilang trabaho sa ibang bansa ay hindi naaayon sa kagandahang asal ng isang tunay na Pilipino na maka-Diyos, makatao at makabayan. At kami po ay nakikiusap sa mga LGU na sana po maabisuhan po natin ang ating mga kababayan sa hindi tamang ugali na ito.
Kahapon din po nanggaling sina Secretary Galvez sa Research Institute for Tropical Medicine or RITM at nakita ng ating team ang dedikasyon ng mga medikal na personnel doon.
Napakalaking papel ang ginagampanan ng RITM sa kampanya ng gobyerno laban sa COVID-19. Isa ang pasilidad sa tinatawag nating systemic core na siyang nangunguna sa pag-identify ng mga COVID-19 positive patients sa buong bansa. Inaasahan na aakyat na sa ten thousand COVID-19 samples ang kayang i-proseso ng RITM sa isang araw.
Para maiwasang magkaroon ng backlog sa main office ng RITM, namahagi ito ng 300,000 testing kits sa mga accredited na COVID-19 testing centers sa buong bansa. Tutulungan po ng National Task Force ang RITM sa logistics needs nito upang mapabilis at maayos na maipadala ang mga testing kits sa mga accredited testing centers sa pinakamadaling panahon.
Kahapon, bumisita rin sina Secretary Galvez kasama sina SND o Secretary of National Defense and NTF chair Delfin Lorenzana, BCDA President and CEO Vince Dizon, at ang DOH Representative Dr. Gloria Balboa sa Philippine Arena na pagmamay-ari ng Iglesia ni Cristo upang alamin ang progreso ng pasilidad.
Ang pasilidad na ito ay kino-convert po natin upang maging isang mega-quarantine facility para sa mga COVID-19 patients. Base po sa ating schedule, matatapos na po ito sa susunod na linggo. May kapasidad ang pasilidad na ito na maka-accommodate ng 2,000 pasyente. Mayroon itong tatlong quarantine tents at kayang i-accommodate ang higit sa isang libong asymptomatic COVID-19 patients. Kaya nitong pagsilbihan ang mga pasyente na manggagaling sa Quezon City, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela at Bulacan.
Ito ay ilan lamang sa mga isinasagawa ng gobyerno upang agarang maresolba ang krisis na ito. Pero ang pinakamahalaga ay ang inyong pagsunod at pakikipagtulungan patungo sa pagkamit ng ating minimithing “flatten the curve.” Ano po ba ang ibig sabihin nito? We are going up the peak ngunit hindi pa natin ito nararating, ito ay ayon sa pag-aaral ng UP System at Johns Hopkins University.
Narito po ang ating NTF COVID-19 Medical Adviser na si Dr. Ted Herbosa ng University of the Philippines upang ipaliwanag ang konsepto ng “flattening of the curve.” Dr. Herbosa…
DR. HERBOSA: Salamat, General Padilla. Ang isa sa mga pangunahing layunin ng ating National Action Plan laban sa COVID-19 ay ang patuloy na pagpababa ng mga bilang ng mga taong may sakit ng COVID-19 sa Kalakhang Maynila, sa buong isla ng Luzon, at sa iba’t-ibang lugar ng ating bansa. Ito po ang ibig sabihin ng flattening the curve.
Pagkatapos ng mahigit na tatlong linggong Enhanced Community Quarantine, nakita na po natin ang kaunting pagbaba sa bilang ng mga may bagong may sakit na COVID-19. Maliban po dito ay ating sabay na pinapalakas at pinapalawak ang mga kapasidad ng ating mga ospital at ang buong health system.
Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtalaga ng mga COVID-19 referral hospital at pagtalaga ng temporary quarantine facilities para sa mga taong posibleng may sakit na COVID-19. Nagtalaga rin tayo ng mga community quarantine areas para sa mga taong na-expose o nagkaroon ng close contact sa taong may sakit na COVID-19.
Ituloy po natin ang pagtutulungan sa ating pamahalaan sa pagpapanatili sa ating mga tahanan upang lalong bumaba ang numero at bilang ng mga taong may sakit na COVID-19. Ito po ang ibig sabihin ng “flattening the curve.” Maraming salamat, General Padilla.
RET. GEN. PADILLA: Maraming salamat po, Dr. Ted! At sana naliwanagan natin sa lahat ang kahalagahan ng ating mithiing flatten the curve. At iyan ay mangyayari lamang kung tayong lahat ay magtutulungan.
Magiging matagumpay po tayo sa pagpupursige na maitulak ang curve pa-kanan upang magkaroon ng sapat na panahon na maihanda ang tinatawag na capacity ng ating healthcare system katulad ng mga sumusunod:
Una, ay ang mass testing. In fact, iyong RITM is looking forward to process about 10,000 COVID-19 test a day, katulad ng sinabi natin kanina, sa susunod na tatlong buwan, habang inihahanda nito ang pag-distribute ng mga 900,000 test kits sa lahat ng mga accredited testing facilities sa buong bansa.
Pangalawa, paghahanda ng quarantine facilities. The NTF o ang National Task Force is making sure that quarantine facilities designed to [de]congest hospitals are fully equipped and ready to receive patients in the near term. Ito po iyong mga iba natin.
Pangatlo, ang pagsasaayos ng pagtugon sa pangangailangan ng COVID hospitals katulad ng pagbibigay ng PPE, facemask at iba pang medical supplies para sa mga healthcare workers natin.
At ang panghuli, ay ang pagrerekomenda ng ating Pangulong Duterte sa extension ng Enhanced Community Quarantine hanggang sa katapusan ng Abril at ito ay naisakatuparan na.
Napakahalaga ng agarang pagdedeklara ng extension ng ECQ ng ating mahal na Pangulo. Sa halip na sa Abri 24 pa ito—or 14, April 14 if I may say, ibig sabihin, ngayon ay mayroon tayong tatlong linggo upang ating maisaayos ang mga pangangailangang kailangan nating gawin. We were able to buy time to prepare the measures needed in order to flatten the curve.
Sa susunod na mga araw, mula ngayon hanggang sa katapusan ng Abril, kami po ay nakikiusap na tayo po ay magsama-sama na umayon sa mga measures na ating kinakailangang ipatupad. Samakatuwid, we want to push these measures with excellence in execution ‘ika nga.
Malaki po ang parte na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan dito. May isa na pong nagiging mainam na ehemplo sa ngayon. Ito po ay ang Baguio City na pinamumunuan ni Mayor Benjie Magalong. Tatlo po ang direksyon na kaniyang tinatahak, ito po ay ang mga sumusunod:
Una, transparency and communication; pangalawa, mass testing; at ang pangatlo, effective contact tracing.
Lahat po ito ay sang-ayon sa ating National Action Plan template na ninanais po namin na sana ay maintindihan at magawa ng lahat ng ating mga LGUs sa iba’t-ibang panig ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Muli, nananawagan po ako sa bawat Pilipino na magtulungan po tayong maisakatuparan ang mga adhikain ng National Action Plan Against COVID-19. Sama-sama po nating labanan ang COVID-19 sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng bahay, pagpapahalaga sa personal hygiene at pagsuot ng masks sa tuwing lalabas ay kinakailangan ninyong gawin.
Kaya natin ito! Tapang, malasakit, bayanihan. We heal as one. Maraming salamat po at magandang gabi.
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)