Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Turnover of 90 PTVs to LGUs by the PCSO


Event Turnover of 90 PTVs to LGUs by the PCSO
Location Quirino Grandstand in Manila

Magandang hapon sa ating mga beneficiary na LGU.

And first, batiin ko ang PCSO Chairman Felix Reyes; PCSO General Manager Mel Robles; at ‘yung ating mga kasama sa pamahalaan; at ating mga bisita na nandito, magandang – well, hindi masyadong maganda pero magandang hapon sa inyong lahat.

Hindi ko na pahahabain pa, ito lang ay patuloy sa ating progama at pinipilit natin na ang bawat LGU ay magkaroon ng ambulansya, magkaroon ng ganitong tinatawag na Patient Transport Vehicle.

At ito naman ay project, programa ng PCSO na aming pinag-usapan mula — pag-upo na pag-upo ko at nandiyan na si Mel Robles at sinabi ko sa kanya noong siya’y nailagay sa PCSO, ang utos ko sa kanya ay ibalik ninyo ang PCSO sa charity work.

Dahil noong tinitingnan namin, tinitingnan namin ‘yung expenditure ng PCSO ay nababawasan ‘yung charity work at sa ibang trabaho napupunta ang PCSO. Kaya’t ito ang naging bunga niyan.

Kaya’t sabi ko pinakamadali diyan dahil noong senador ako, noong congressman ako, hanggang ngayon ay maraming mga – ating mga chief executive ng ating mga LGU ay panay hingi ng ganito — ng Patient Transport Vehicle, ambulansya, at lahat – ay ang sabi ko dapat siguro hindi ko naman malaman kung bakit napakahirap na magkaroon ng ganito.

At naalala ko noong governor ako eh nakukuha mo lang ‘yung ambulansya dati pagka medyo malapit ka kung sinoman o paki-usap, palakasan eh. Unahan, palakasan. Ika ko naman hindi naman siguro dapat ganoon.

Kaya’t sinabi ko kailangan sabihin na lang natin [applause] – kailangan na lang basta’t – sabi ko basta’t hangga’t kaya natin kuha nang kuha lang tayo nitong mga emergency vehicle na ganito at ikalat natin. Huwag na nating isipin kung saan pupunta. Kung ito’y “binoto ba tayo diyan?” “Nanalo ba tayo diyan?” Wala, wala ng ganoon. Kung saan man nangangailangan, magpapadala tayo.

At ginawa nila ay dahil, hindi niyo naitatanong, ito ang 90th anniversary ng PCSO. May kaunting handa doon sa Manila Hotel mamaya.

At kaya naman karapat-dapat na ang ipinamigay na itong mga emergency vehicle ang 90 rin ang ipinamigay ngayong araw na ito. [applause]

So, ako’y natutuwa na ating nagagawa ito at ipatuloy nating gagawa. Ang hihilingin ko lang sa ating mga chief executives, sa ating mga LGU heads ay alagaan ninyo, patagalin ninyo.

Matibay naman itong mga ito, basta’t alagaan natin nang mabuti. Ang maganda rito sa pagpili namin nitong modelong ito, madaming piyesa ito, madaling ayusin, kahit saan ay makakahanap kayo. Kahit sinong mekaniko kayang ayusin itong mga emergency vehicle na ito.

At kahit saan madaling makakuha ng piyesa. Dahil napakahirap pagka — ‘yung mga magaganda — masyadong magagandang ambulance kung minsan natatanggap namin, basta’t nasira, hindi mo na makikita, na nakaparada na doon habambuhay. Sayang naman.

Kaya’t tiniyak namin na itong mga emergency vehicle na ating ipinamimigay ay madali namang gamitin. Iyon lang alagaan natin nang mabuti, patagalin natin nang mabuti.

At sana pagka tuloy-tuloy itong programa na ito ay hindi lang 100 percent ang mabubuo natin. Ipinagmamalaki ng PCSO ‘ka nila kaya daw nilang mag-deliver ng tigalawa.

Kaya’t gagawin daw nating 200 percent. [applause] Kaya nasabi mo na ‘yan kaya’t pangako na ‘yan. Hindi na natin puwedeng — hindi na tayo… Kailangan matupad ‘yan. Mapapahiya ako rito, panay ang announce ko rito. [applause]

Kaya’t ulit, ako’y natutuwa na aming nagagawa ito na ang ating mga LGU ay hindi na nahihirapan.

Alam naman natin, lalo na sa outside ng mga malalaking siyudad, ay kailangan na kailangan ito. Patient transport, for — marami, ginagamit ‘yan sa maraming bagay.

Kaya’t magpasalamat tayo sa PCSO sa kanilang patuloy na trabaho [applause]

para sa pag-deliver ng mga emergency vehicle at ipagpatuloy natin itong programang ito.

Maraming, maraming salamat. Mabuhay po kayo! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

[applause]

— END —