Maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Public Works and Highways, Secretary Manny Bonoan. [Magsi-upo po tayo.]
Bago ako tumuloy, magbibilad ba talaga kayo sa araw hanggang ano? Ha? [Crowd: Yes.] Masisira ‘yung mga kutis ninyong napakagandang mga Bikolanang kutis. [laughter] Magmumukha kayong Ilocano pagkatapos ng araw na ito. [laughter]
Ang ating butihing Senate President, Senate President Chiz Escudero; nandito rin po kasama ko rin po ang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go; kakarating na ni Senator Francis Tolentino at naghabol siya mula sa Maynila; Sorsogon 1st District Representative Marie Bernadette Escudero; Sorsogon 2nd District Representative Manuel Fortes; nandito rin po ang isa – siguro ngayon niyo lang po makikilala ngunit talagang makilala niyo po dahil itong batang ito ay matagal ko nang kilala at ngayon ay siya ay tumatakbo bilang senador at masasabi ko naman po sa inyo sa pagkakilala ko sa kanya ay isa sa pinakamabuting tao ito na nakilala ko at pinakamasipag at nakakaunawa sa mga problema ng… Kahit na ‘yung pamilya nila ay may kayamanan, eh sila ho ay hindi lumayo sa taong-bayan. Sila po ay nakaapak sa lupa. Hindi po lumilipad ang mga ulo. Ito po si Congressman, Congressman Camille Villar na ihahalal po natin sa tulong ninyo bilang senador.
Sorsogon Provincial Governor, Governor Bobby Hamor; Sorsogon City Mayor Ma. Ester Hamor; lahat po ng ating mga bisita na nandito ngayon; mga minamahal kong kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat.
Dios marhay na aga sa indo gabos! (Magandang umaga sa inyong lahat!) [applause]
Maraming, maraming salamat po sa napaka-init po na pagtanggap at pagsalubong ninyo sa akin dito sa Sorsogon.
At ngayon lang po ako nakakita ng ganito nagsasayaw na ganito karaming tao. [applause] At akala ko ‘yung sumasayaw lamang ang nandito sa baba. Bago napuna ko pati ‘yung mga naka-upo eh sabay-sabay gumagalaw ‘yung mga kamay. [cheers and applause]
Kaya magbabago ang ibig sabihin ng tinatawag na audience participation dahil hindi na kayo audience kasi kasama na kayo sa mga dancer. Maraming, maraming salamat po. [applause] Kaya’t tinitiyak ko ulit sigurado ba kayo na diyan kayo sa araw? [laughter] Ako ang nahihirapan sa inyo eh.
Bago ang lahat, nais ko munang batiin ang lahat ng mga Sorsoganon sa inyong ika-isandaan at tatlumpung anibersaryo ng pagkakatatag ng inyong lalawigan at sa ika-limampung Kasanggayahan Festival. [applause]
Sa araw na ito, muli tayong nagsama-sama upang pasinayaan ang Sorsogon Sports Arena na ipinagmamalaki ng buong Bicol Region ngayon.
Sa pagtataya, kaya ng arena na ito na maiupo ang aabot sa labindalawang libong katao. [Maaari] rin itong [gamitin] bilang National Training Camp sa mga atletang Pilipino. At saka pagka-unawa ko ‘yung sinasabing 12,000 doon lang sa taas. Kung isasama mo ‘yung dito sa baba, napakalaki. Kaya’t totoo nga hindi tayo magtataka na ito ang pinag-uusapan ng mga Bicolano pagka tinatanong kung ano ‘yung bagong mga naitatayo – ang bagong pangyayari dito sa inyong region.
Ito ay isang mahalagang hakbang upang maitaguyod natin ang ating mga kababayan na may angking galing sa larangan ng palakasan. Sa tulong nito, mabibigyan sila ng pagkakataon upang mahasa pa ang kanilang mga talento.
Harinawa ay maidagdag pa natin sila sa hanay ng ating Olympian at atletang Pinoy.
Lalayo pa ba tayo? Sa inyong lalawigan, mayroon tayong manlalaro mula sa Cagang —si Ginoong Isidro Del Prado. Siya ay nagpamalas ng galing sa 400-meter dash noong 1984 Olympics na ginanap sa Los Angeles sa USA.
Sa bawat hakbang ng kanyang karera, itinampok niya ang tapang, katatagan, at determinasyon—mga katangiang nagbubuklod at nagtataguyod sa atin bilang nagkakaisang bansa.
Tulad din ng mga Olympians natin na lumahok nitong 2024 na Paris Olympics, hangarin natin sa pamamagitan ng arena na ito, lalo pang dumami ang mga kababayan natin na magbibigay ng dangal sa ating bansa.
Bagama’t sports arena ang tawag dito, hindi lamang ito para sa larangan ng palakasan. Maaari din itong gamitin para sa pagpupulong, mga summit, konsiyerto, mga patimpalak.
Kaya hindi natin maikakailang simbolo ng progreso ang Sorsogon Sports Arena. [Sumasalamin] ito sa patuloy na pagsisikap, pagtitiyaga, at pag-unlad ng mga Sorsoganon at mga Bikolano.
Sa pagkakatanda ko pa, noong ginagawa pa lamang ang arena halos dalawang taon na ang nakakalipas, si dating Governor at ngayong Senate President si Chiz Escudero ang nagpasyal sa akin sa probinsya ninyo.
At ngayon, sa pamumuno ni Governor Hamor, masaya akong makita na pinagpapatuloy ninyo na siguradong matatapos ito.
Tunay ngang isang halimbawa ito na kung tayo ay nagkakaisa para sa kapakanan ng taumbayan, aasenso hindi lamang ang isang lalawigan, kundi ang buong bansa. [applause]
Kanina po ay nasaksihan ko sa aking pag-ikot, kung paano tayong pinagbubuklod ng ating mga hangarin para sa bayan natin.
Isang patunay dito ang Sorsogon National Government Center. Isang one-stop shop government center na maglalapit at magpapabilis ng serbisyo sa taumbayan.
Ito ay sumusuporta sa layunin ng ating Administrasyon na mapadali ang serbisyo publiko at mapadami pa ang namumuhunan sa bansa.
Isa pang halimbawa ng pagkakaisa ng layunin ng lokal at nasyunal na pamahalaan ay ang Sampaloc Tenement.
Ito ay magsisilbing kanlungan ng ating mga benepisyaryo mula sa Barangay Sampaloc, na naaayon naman sa ating hangarin na mabigyan ng maayos at ligtas na pabahay ang ating mga kababayan.
Nag-uumapaw ang aking kasiyahan dahil sa tuwing bumibisita ako sa iba’t ibang lalawigan, nakikita ko ang pagtatapos ng mga proyekto at pagsisimula ng mga programang aagapay sa ating sambayanan tungo sa tagumpay.
Ngunit, parati ko ngang sinasabi na marami pa tayong gagawin.
Mula pa sa simula, pagkakaisa ang hangad ko para sa isang mas mabisa at epektibong pamamahala. Kailangan nating magtulungan upang mas marami pang mga bata ang mabakunahan, higit pang mapabuti ang seguridad [at] kapayapaan, at mapababa ang kahirapan sa Sorsogon.
Ang ating pagbubuklod-buklod ang magbibigay din sa atin ng daan upang matapos ang ibang proyekto sa inyong lugar katulad ng Sorsogon Provincial Sanitarium Facilities at ‘yung pagpapaganda ng kalsada na papunta sa Bacon Airport.
Maaaring may pagkakaiba tayo sa paniniwala at sa opinyon, ngunit alam ko na tayo ay pinagbubuklod ng iisang hangarin—na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isang Pilipino.
Kaya naman umaasa ako sa suporta ng mga Pilipino. Sa tulong ninyo, alam kong makakamit natin ang mga hangarin natin para sa ikauunlad ng bansa.
Muli, binabati ko po kayo [ng] isang maligayang pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival!
Mabuhay ang Sorsogon!
Mabuhay ang Bicol Region!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas!
Maraming salamat po at magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
— END —