Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Distribution of Land Titles and Support Services in Tacloban City, Leyte


Event Distribution of Land Titles and Turnover of Support Services in Region VIII
Location Tacloban City Convention Center, Tacloban City, Leyte

Maraming salamat sa ating kalihim ng Department of Agrarian Reform, Secretary Conrad Estrella.

[Please, take your seats.]

Ang representante ng Fourth District ng Leyte, Congressman Richard Gomez [applause and cheers] dami kang fans dito. [laughter] Alam niyo po, noong bata pa ako nag-umpisa pa lang ako mamulitika, ang payo sa akin ng magulang ko ‘wag kang aakyat ng entablado na may kasama kang mas gwapo sa iyo. [laughter]

[Hindi ko alam paano nangyari ito. Saan ba ang staff? bakit niyo pinayagan na umaakyat dito si Richard?] [laughter]

Second District Southern Leyte Representative Christopherson Yap; [applause and cheers] Provincial Governor ng Samar, Sharee Ann Tan; [applause and cheers] Southern Leyte Provincial Governor Damian Mercado; [applause and cheers] Eastern Samar Vice Governor Maria Caridad Goteesan; [applause and cheers] and of course, ang ating Mayor, Mayor Alfred Romualdez; lahat ng mga opisyal; lahat ng opisyal na kasama ko sa pamahalaan; at lalong-lalo na ang pinakamahalaga na bisita na kasama natin ngayon, ang mga ating DAR beneficiaries na tayo ay mabibigay ng titulo ngayong araw na ito. [applause and cheers]

Maupay nga adlaw ha iyo nga tanan sa mga kababayan kong Waraynon, lalo na sa ating mga masisipag na ating mga magsasaka.

Kahit kailan, hindi po ako magsasawang bumalik dito sa Tacloban at sa Leyte na nagsilbing pangalawang tahanan ko. [applause and cheers]

Ang dugong Waray-waray nananalaytay sa aking mga ugat, buhat sa aking ina, ang dating Unang Ginang, syempre si First Lady Imelda Romualdez Marcos, ang nagpapatibay sa aking determinasyon na maglingkod at iangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan. [applause]

Nasaksihan ko rin ng sarili ko ang lakas at katatagan ng mga Waray sa pagharap sa mga pagsubok at delubyo, at tungkulin kong tiyakin na ang inyong mga pangangailangan at pangarap, lalo na ang mga mahal nating magsasaka, ay matutugunan.

Kaya naman po hangad ko na sa loob ng aking termino, lahat ng benepisyaryo ng repormang agraryo ay makakatanggap ng titulo ng kanilang sariling lupa. Tatapusin po natin ito sa susunod na apat na taon. [applause]

Alam naman po nating lahat na napakatagal na ninyong inantay ang lupang sakahan, sinisiguro po ng administrasyong ito na ang pagtupad sa pangako nating repormang agraryo sa buong bansa.

Sa katunayan po, ngayong taon na ito, ay nakapamahagi na ang Department of Agrarian Reform ng mahigit labinlimang libong ektarya ng lupa sa mahigit na siyam na libong benepisyaryo sa buong bansa. [applause]

Hangad nating tapusin ‘yan at makapagbigay ng higit sa dalawampu’t tatlong libo na ektarya ng lupa bago pa matapos ang taon na ito.

Kaya naman inatasan ko at sinabihan ko ang Department of Agrarian Reform na pag-ibayuhin ang kanilang mga programa tulad ng Project SPLIT o Support to Parcelization of Lands for Individual Titling upang maibigay na agad ang lupa sa lahat ng kwalipikadong benepisyaryo.

Ito na po ang resulta ng aming ginagawa nila Secretary Estrella sa DAR. Ngayong araw, ipamamahagi natin ang higit sa limang libong titulo na sumasakop sa halos walong libong ektarya ng lupain para sa mga benepisyaryo dito sa Leyte, Biliran, Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar.

Para sa nakakarami sa inyo, ito ang katuparan ng inyong matagal nang pangarap – Ang pangarap na nakapangalan at nakarehistro na sa inyo ang titulo ng lupa na idineklara ng ilang ekada pa sa inyo na dapat alagaan at para sa inyong pagsaka.

Ang pangarap na paunlarin ang kalupaan upang mas magkaroon ng sagana at magandang ani.

Ang pangarap na makapagnegosyo sa lupang sinasaka, upang mapaunlad ang pamumuhay ng inyong mga pamilya at makatulong sa ating ekonomiya.

Ang lahat ng lupa at serbisyong matatanggap ninyo ngayon ay ang magiging pundasyon kung saan tayo nagtatayo ng isang mas maunlad na Bagong Pilipinas.

Ngunit hindi po sa pamamahagi ng lupa nagtatapos ang repormang agraryo. Kasama po sa batas sa Agrarian Reform ang pagbibigay ng suporta at extension services sa ating mga benepisyaryo.

Kaya po mayroon po tayo ding mga representative na nasa labas na nakatanggap ng mga thresher, ng mga traktor, at iba’t ibang gamit, pati na ‘yung kulungan ng manok para sa pagparami ng itlog, at lahat ng iba’t ibang gamit na aming binibigay.

Dahil po ang trabaho po ng Department of Agrarian Reform ay hindi lamang magbigay ng titulo, kung hindi kapag nakapagbigay na nga ng titulo ay tuloy pa rin ang parating na tulong na binibigay natin para makapagsimula ng mabuti ang ating mga naging benepisyaryo.

Gagawin po natin ito sa pamamagitan ng pagbigay ng access na tinatawag para sa mga pautang, pamamahagi ng mga farm equipment, at pagpapatayo pati na ng mga farm-to-market road na sinimulan na natin dito sa Region 8.

Nakapag-turnover na tayo ng ilang tulay ngayong araw na ito.

Una po dito ang mga farm-to-market road na pinaglaanan natin ng higit na tatlong [daang] milyong piso na pondo upang mas mapabilis ang kalakalan ng mga produktong aanihin ninyo.

Ilan lamang sa mga tinatapos na mga kalsada ang Cabarasan Daku-San Agustin at San Agustin-Cangumbang farm-to-market road na parehong nasa Palo.

Nariyan din ang ginagawang Brgy. Kawayan-Sto. Nino at Crossing San Roque-Sitio Kulapniton farm to market road, na parehong nasa Tacloban City naman.

‘Pag natapos na ito ay siguradong lalago ang sektor ng agrikultura dito sa iba’t ibang karatig na probinsya.

Pangalawa, ipinapatupad din natin ang PBBM Bridges o Pang-agraryong Tulay para sa Bagong Bayanihan ng mga Magsasaka.

Sa ilalim ng programang ito, halos walumpung milyong piso naman ang ating ilalaan para sa [pagpapatayo] ng mga tulay sa Southern Leyte, sa Samar, at sa Eastern Samar. [applause]

Kabilang po rito sa mga PBBM bridges na ito ang San Roque-Dayanog Bridge, Sigo Bridge, Barral 2 Bridge, at Cambukol Bridge.

Sa pamamagitan ng mga tulay na ito, masisigurong ligtas at mas mabilis na madadala ang mga ani at kalakal ng ating mga magsasaka sa merkado.

Pangatlo, upang masolusyunan naman ang problema na hinaharap natin, na dinadanasan natin na pagtuyot sa El Niño ay — [sa] inyong sektor ay naglalaan tayo ng higit sa 71 milyong piso para sa mga proyektong irigasyon at patubig.

Ilan sa mga ito ay natapos na tulad ng Cabibihan Small Irrigation Project sa Biliran, ang Solar Powered Pump Scheme, at saka ‘yung Construction of Irrigation Facilities sa Catubig, Northern Samar, at ang patuloy na tinatapos na Himay-angan Small Irrigation Project sa Southern Leyte. [applause]

Pang-apat at ang pinaka importante po, ang paghahatid ng mahigit dalawang-daang makinarya at kagamitan sa pagsasaka, na aabot ng sampung milyong piso ang halaga at higit sa isang libo at limang daang benepisyaryo ang mabibigyan nito sa Region 8.

Dagdag po pa rito, sinisiguro ng DAR na may pautang pang-agrikultura na maaaring lapitan ang ating mga magsasaka para makapagsimula ng maliit na negosyo at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Inutusan ko rin po ang ating DAR na makipagtulungan sa ibang ahensya ng gobyerno, tulad ng DSWD, ng DOLE, upang makapagbigay pa ng mas malaki na tulong at serbisyo sa ating mga magsasaka.

Talaga naman, siksik, liglig, at nag-uumapaw ang mga dala naming serbisyo sa inyo.

Ang mga ito ay hindi lamang para sa pagpataas ng inyong ani; ito rin ay naglalayong paghusayin ang kalidad ng inyong buhay.

Sa [inyo] nakasalalay [ang] seguridad sa pagkain sa bansa. Dahil dito, nais kong ipabatid ang aking taos-pusong suporta sa inyong mga pagsisikap.

Kayo ang tunay na mga bayani sa ating lupang pinagyaman ng inyong pawis at pagmamahal.

Ang hiling lamang po namin ay alagaan naman po ninyo ang — pagyamanin po ninyo ang mga binigay sa inyo ngayon.

Alam po ninyo, ito ay malapit sa puso naming dalawa ni Secretary Conrad Estrella.

Dahil po ang nagsimula ng Agrarian Reform Program ay — nagsimula ‘yan, isa sa una na ginawa ng aking ama noong siya ay umupo bilang Pangulo. At ang kasamahan naman niya na Secretary Conrado Esrella naman ay ang lolo ni Secretary Conrad Estrella.

Kaya’t naman ay sabi ko noong kami ay napasok na sa pag-Presidente at saka ginawa ko kaagad na Secretary dahil sabi ko, kahiya-hiya naman, tatlumpung taon na, lagpas pa sa tatlumpung taon nang nagaantay ang tao.

Ito ang inutos sa atin ng mga ninuno natin, kahiya-hiya naman na hindi natin matatapos. Ay napaka importante nitong ating ginagawa.

Kaya po kami’y nasisiyahan. Kung kayo po ay nasisiyahan, siguro kasama na naming kayo sa saya na [natupad] namin ang pangako ng tatlumpung taon nang inaantay na tuparin. [applause]

Kun magburubligay kita, mahimo naton nga mapadako an kita han aton mga parag-uma ug mawara an kapobrehan ha aton mga kabaryohan. [applause and cheers]

Basta’t [tayo’y] magsama-sama, magagawa natin po ito at mapapaganda natin ang ating mga rural [areas].

Hindi po ito huli, ang pagdalaw namin dito sa aking pangalawang tahanan, dito sa Leyte.

Sapagkat itong ating pagbibigay ng tulong at paghahatid ng serbisyo ay tuloy-tuloy na pasada.

Hindi isang pasada, isa na lilibot lamang sa buong kapuluan.

[Nanggaling] nga po kami kaninang umaga, nanggaling kami sa Dumaguete at ganito rin ang aming nagawa. Mayroon din kaming binigay na mga titulo.

Dahil minamadali po namin, sinabay na namin ‘yung Cebu, [ano ‘yung isa?], at Siquijor. Sabay-sabay na mayroon kaming telebisyon na nandoon sila, para kasama sila sa programa.

Kaya’t ‘yun po ang aming ginagawa, at tuloy tuloy po nating gagawin ‘yan.

Hindi po ito minsanan lamang. Kami po ay laging nandito na magsusuporta at nakikinig para malaman kung ano ang inyong mga hinaing, kung ano ang inyong mga pangalan.

Babalik po ako dito, at magdadala pa ng mas maraming tulong. [applause]

Kagaya po ng sabi ng ating kilala noong giyera, Eastern Visayas, I shall return. [applause and cheers]

Damo nga salamat ha iyo nga tanan!

Mabuhay ang mga parag-uma!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [applause and cheers]

Damong salamat.

—END—