Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the 121st Labor Day Celebration


Event 121st Labor Day Celebration
Location SMX Convention Center, Mall of Asia Complex in Pasay City

Maraming salamat sa ating Kalihim ng DOLE Secretary Benny Laguesma. [Pakiupo – hanggang ano ito mahaba-haba ito.] [laughter]

Ang mga kasamahan natin na ating katulong sa lahat ng ating ginagawa para mabigyan ng mga magagandang pagkakataon, magandang opportunity ang ating labor sector, nandito po ang ating Social Welfare and Development Secretary, Secretary  Rex Gatchalian; nandito rin po ang Tourism Secretary natin, Secretary Christina Frasco; nandito rin po si Secretary ng DOTr, Secretary Jimmy Bautista; at para naman sa mga pabahay ito po ang ating kalihim ng Department of Human Settlements ang ating butihing Secretary, Secretary Jerry Acuzar; nandito rin po ang ating representative ng 4th District ng Rizal, Congressman Juan Fidel Nograles; nandito rin po na kasama natin ang isang partner po natin sa development ito po nandito po ang galing SM na si Ms. Tessie Coson, she is here with us today. Napaka-supportive po niya at lahat po ng aming sinusubukan, lahat po ng ating magiging programa ay mabuti na lang mayroon tayong mga kaibigan kagaya ni Ma’am Tessie Coson na tumutulong sa atin.

Magandang araw po sa inyong lahat!

Ako naman po ay nagagalak na makasama kayo sa araw na ito upang salubungin at gunitain ang Araw ng Paggawa at ng mga Manggagawa. Ito ang aking unang pagkakataon sa aking termino bilang inyong Pangulo na gawin ito.

Tuwiran kong sasabihin sa inyong lahat na kasalukuyang nagdaraan ang ating bansa sa sari-saring mga suliranin at hamon na nagpapabigat sa buhay ng ating mga kababayan, lalo na ng ating mga manggagawa.

Alam nating lahat na tinamaan nang matindi ang ating ekonomiya dahil sa naging epekto ng pandemya, na nandirito pa rin, nagbabadya, at hindi pa nawawakasan.

Ramdam ng lahat ang tumataas na presyo ng mga bilihin at mga pangunahing serbisyo. Nariyan din ang problema ng transportasyon.

Marami pa rin ang naghihirap na makahanap ng trabaho, nahihirapan sa kanilang kasalukuyang hanapbuhay.

Marami rin sa ating mga manggagawa ang wala pang kaukulang proteksyon na galing sa SSS at sa GSIS, at iba pang mga mahahalagang serbisyo ng pamahalaan.

Batid ko ang lahat ng mga ito. Ako at ang inyong pamahalaan ay masugid na nakabantay dito at ginagawa ang aming makakaya upang malunasan ang mga ito.

Maingat at unti-unti nating binubuksan at pinapasigla ang ating ekonomiya upang magbalikan at dumami ang mga negosyo at mga namumuhunan, lalo na sa mga mahahalagang imprastraktura. Pinapalakas din natin ang ating agrikultura at ang ating pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa para naman matulungan ang ating mga OFWs. Dahil dito, inaasahan natin na dadami pa lalo ang hanapbuhay para sa ating mga kababayan. [applause]

Mataas ang ating kumpiyansa dahil malaki na rin ang itinaas ng ating employment rate, na naitala sa 95.2% nitong Pebrero lamang. Karagdagang 3.32 milyong Pilipino ang nagkaroon ng hanapbuhay mula noong nakalipas na taon.

Marami pa tayong ginagawa sa iba’t ibang larangan upang mapasigla ang kundisyon ng ating bansa at ng ating empleyo, tulad sa sistema ng ating edukasyon at programang pangkalusugan.

Asahan ninyo na patuloy akong magbibigay-ulat tungkol sa mga pagbabago at paglago ng larangan ng empleyo at paggawa sa ating mga susunod na pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.

Sa araw na ito, ating kinikilala ang kadakilaan at kabayanihan ng Manggagawang Pilipino: ang sandigan ng ating ekonomiya.

Bilang simbolo ng ating pagkilala at pagkalinga sa mga manggagawa, handog namin ang mga munting programa sa araw na ito. Kasabay natin po ngayon, kasalukuyan ding may pagdaraos ng ganitong programa sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.

Kasama ko ngayon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, sa pangunguna ng DOLE, upang maipaabot sa inyo ang mga benepisyo mula sa mga programa ng pamahalaan.

Bilang panimula, naririyan ang pamimigay ng DOLE ng ayuda na aabot sa mahigit 1 bilyong piso, mula sa mga programang panghanapbuhay nito.

Mayroon din tayong mga job and livelihood fairs — kagaya ‘yung nangyayari sa labas — para sa mga interesadong maghanap ng hanapbuhay o magtayo ng kanilang sariling negosyo.

Mahigit na 50,000 na hanapbuhay sa buong bansa ang dala-dala ng job fair na ito; at 12,000 ng mga trabahong ito ay nandito sa Metro Manila.

Nandidito rin ang Kadiwa ng Pangulo para sa mga Manggagawa, na atin nang napatunayan sa kakayahan nitong gawing mas mababa ang presyo ng bilihin at tulungan ang kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga MSMEs o maliliit na negosyo.

Masasaksihan din ninyo sa araw na ito ang paglagda sa ilang kasunduan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang pangalagaan ang kapakanan ng Manggagawang Pilipino. Ilan dito ay tungkol sa pagpapalawig ng ating programang pang-negosyo, panghanapbuhay, at pabahay para sa mga manggagawa.

At higit sa lahat, mayroon din po tayong pa-raffle, na kung saan mamamahagi din tayo ng house and lot package [applause] para sa tatlong – para sa mga mapalad na kalahok sa ating pagtitipong ito.

Ito ang aming munting handog ngayon sa Araw ng Paggawa upang madiin natin na maipakita at maipadama ang pagmamahal at pagkalinga ng pamahalaan para sa Pilipinong Manggagawa.

Ngunit hindi lamang ito at hindi rin natatapos sa araw na ito lamang ang tulong na hatid natin sa ating mga manggagawa. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga inisyatiba na ginagawa ng inyong pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga manggagawa.

Asahan po ninyo na hindi kailanman magpapabaya ang inyong pamahalaan sa larangan ng paggawa at empleyo, lalo na sa ilalim ng aking pamamalakad. Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking Administrasyon.

Kaya inaatasan ko ang lahat ng mga kaugnay na ahensya, lalong-lalo na ang DOLE, na manatiling nakatuon sa paghahatid ng mga maiinam na programang panghanapbuhay at sa paglinang sa kaalaman at kasanayan ng ating mga manggagawa.

Dalangin natin na ang mga programa at adhikain natin sa araw na ito at sa mga panahong darating ay makapagbibigay ng panibagong lakas sa hanay ng ating mga manggagawa, at makapagdudulot ng malawakang pagbabago sa ekonomiya ng ating bansa.

Sa ating mga manggagawa: sa kabila ng mga hamon ng buhay, huwag kayong mawalan ng lakas ng loob, ng kasipagan, at ng pag-asa. Nawa’y panatilihin ninyo ang pagsisikap, integridad, at pagmamahal sa lahat ng inyong mga gawain. Ipamalas natin ito at ipamana sa ating mga anak at susunod na salinlahi.

‘Ika nga ni Andres Bonifacio, ang pagsusumikap at paghahanapbuhay ay “pagpapahayag ng tunay na pagmamahal”.

Ang ating pagsusumikap ay may kakayahang makapagtaguyod ng ating sarili, pamilya, at pamayanan. Ito rin ay may kakayahang makapagpakita ng pagmamahal at makapaghatid ng ginhawa, kapanatagan at kasiyahan sa ating lahat, na lalong mapaunlad ang ating mga buhay.

Iisa lang naman ang ating hangarin; ito ay ang magkaroon ng isang mas magandang buhay [at] mas matatag na kinabukasan para sa ating lahat.

Kipkip ang lahat ng mga ito, magkaisa tayo at sama- samang maglakbay tungo sa isang bagong bukas—isang Bagong Pilipinas—na tigib sa biyaya at pag-asa.

Asahan po ninyo ang aking suporta sa lahat ng ating manggagawang Pilipino. [applause]

Maraming salamat po sa inyong mga pagpupunyagi!

Mabuhay ang Manggagawang Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas! [applause]

 

— END —