News Release

Kamara, pormal na bubuksan ang 19th Congress ngayong araw; Bubuo sa bagong House leadership, inaabangan



Alas-10 ng umaga pormal na bubuksan ng House of Representatives ang 1st regular session ng 19th Congress.

Batay sa abiso ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, ang mga mambabatas na pisikal na dadalo sa pagbubukas ng sesyon ay kailangang nasa loob na ng plenaryo ng 9:30am.

May ipadadala naman na Zoom link ngayong umaga para sa mga kongresista na hindi makakadalo ng personal.

Isa sa mga pinaka-highlight ng pagbubukas ng sesyon ang pagboto sa mga magiging bagong liderato ng Kamara.

Batay sa House Rules, ang Secretary General ang magpe-preside o mangunguna sa inaugural session hanggang sa makaboto ng bagong House Speaker.

Oras naman na mayroon nang manalong speaker ay ihahayag nito ang tradisyonal na Acceptance Speech.

Matapos nito ay magpapasa sila ng resolusyon upang ipaalam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-convene na ang Kamara at handa na para siya ay tanggapin para sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Sa ngayon ang tanging matunog na pangalan pa lamang ay si Leyte Representative Martin Romualdez na top contender sa speakership post.

Hindi pa naman malinaw kung sino ang mangunguna at bubuo sa Minority bloc.

Batay sa House rules, ang matatalo sa speakership ang siyang magiging Minority leader.

Ang mga mambababtas naman na bumoto sa mananalong Speaker ang bubuo sa Majority bloc habang ang mga bumoto sa hindi nanalong kandidato sa pagka-speaker ang bubuo sa Minorya.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/kamara-pormal-na-bubuksan-ang-19th-congress-ngayong-araw-bubuo-sa-bagong-house-leadership-inaabangan

By Kathleen Jean Forbes – July 25, 2022 , 7:28 am

###