Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Radyo Pilipinas – Tutok Tulfo Reload)


Event Media Interview

TULFO: Secretary, magandang umaga po.

SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin. Magandang umaga, Pilipinas.

TULFO: Unahin ko na po muna, from medyo hard news ito, medyo may nakakakiliti na balita. Unahin ko na itong motorcycle shield Secretary dahil kausap po namin iyong Motorcycle Manufacturer’s Association. Mukhang mayroon silang agam-agam dito sa ipapatupad sa Lunes na motorcycle shield na naka-welding dahil mukhang hindi sila nakonsulta una; pangalawa, kulang sa pag-aaral; pangatlo, takaw aksidente. Puwede po ba—sumulat na raw sila sa IATF Secretary sa kanilang posisyon dito, Sec.?

SEC. ROQUE: Well, siguro po hahanapin ko iyong sulat nila at ilalabas ko pong muli sa susunod na pagpupulong ng IATF at kung hindi po ako nagkakamali, ngayon po iyong susunod na meeting namin, alas dos nang hapon. So, hahalungkatin ko po kung nasaan iyong kanilang liham, bagama’t ang posisyon po ng IATF ay pinag-aaralan pa rin iyong ibang mga disenyo ‘no. Bagama’t dalawa iyong naaprubahan na, eh open naman po ang IATF sa iba pang disenyo. So, kung mayroong suhestiyon iyang mga motorcycle manufacturers eh ‘di sila na ang gumawa ng design para sigurado sa tingin nila eh ligtas para sa mga mananakay.

TULFO: All right. Secretary, second topic, sir. Nabanggit ninyo kahapon at ginamit po ng mga news organization na sinabi ninyo kapag umabot na sa 85,000 ang may COVID sa ating bayan by July 31, mapipilitan ang gobyerno na iakyat tayong muli sa MECQ or ECQ na ho yata. Bakit po, Sec.?

SEC. ROQUE: Well, unang-una po, ang pinagbabasehan natin ng classification hindi po iyong numero alone: Ang tinitingnan po natin iyong case doubling rate, at saka iyong critical care capacity. So bagama’t naman po tumaas ang numero kung ang case doubling rate naman po ay within one week—minimum of one week, GCQ pa rin po iyan.

Bagama’t kahit anong klasipikasyon, tingin ko hindi na talaga tayo pupuwedeng maging as is, where is; kinakailangan po paiigtingin talaga natin ang testing at ang ninanais po natin dito sa Metro Manila, bagama’t mayroon na tayong 1,200,000 na indibidwal na na-test, eh kung kakayanin po mag-test pa tayo at least nang 25% ng mga tao dito sa Metro Manila dahil ito naman po talaga ang epicenter.

TULFO: Speaking of epicenter, Secretary Roque, nakarating na ho ba sa inyo, kasi mukhang may panukala po ang PNP Region VIl, sir, medyo seryoso ho si Brig. Gen. Ferro ng PNP Region Vll na puwede raw i-tap ang mga tsismosa at tsismoso bilang contact tracer? Nakarating na po ba sa IATF ito, sir? [Laughs] Iyon po iyong sinasabi kong light [laughs].

SEC. ROQUE: [Laughs] Wala akong ganoong panukalang batas kasi napakahirap naman kung sino talaga ang tsismoso at tsismosa. Pero sang-ayon po sa ating tracing czar na si General Magalong, ang importante po talaga ay mayroong background sa investigation lalung-lalo na criminal investigation. Kasi ang contact tracing wala daw pagkakaiba sa criminal investigation tulad ng ginagawa ng CIDG. So imbes na siguro mga tsismoso eh mag-train na lang iyong mga pulis kung paano ginagawa nila sa imbestigasyon nang magamit po ng mga kukunin nating mga contact tracers.

TULFO: Kasi, sir, eh iyong mga tsismosa, sir, sabi nga nila kung walang—laging may impormasyon sila, pala-duda daw po itong mga ito. Kapag hindi nila nakita kunwari kayo, sir, kapag bigla na lang hindi kayo narinig, “Naku si Secretary Roque wala na iyan sa TV, baka may sakit.” Nagiging pala-duda sila, so parang ang pagiging pala-duda nila, may impormasyon sila hindi nga lang tama siguro. Siguro kailangang i-counter check pa ng NBI o PNP intelligence, Sec. [laughs]

SEC. ROQUE: Oo. Mayroon na pong standard training na binubuo ang ating contact tracers at iyon po ang susundin natin, dahil ang sinusundan nga natin is iyong ginagawa ng mga pulis investigators, para sa tracing. So mas mabuti po siguro iyon kaysa iyong tsismis.

TULFO: [Laughs] Kasi raw po, sir, eh everybody naman daw according to Gen. Ferro, he explained it further, na anybody can become a contact tracer to report immediately to the authorities.

SEC. ROQUE: Opo, tama po iyan. Wala naman pong special na qualification para maging contract tracer, kinakailangan lamang marunong mag-isip, marunong mag-analisa para makita niya kung sino talaga iyong network na nakahalubilo ng isang tao na nag-test na positive.

TULFO: Akala ko ho eh nai-submit na ni Gen. Ferro itong kaniyang idea sa IATF na i-tap ang mga tsismosa at tsismoso sa buong Pilipinas para contact tracer [laughs].

SEC. ROQUE: Oo. Sumusunod naman po tayo sa kumpas ni Mayor Magalong pagdating po sa tracing.

TULFO: Panghuli na lamang, Secretary. May pinalabas po na press release ang Department of Science and Technology, and they’re still studying right now pero very—sabi nga nila “very promising” itong virgin coconut oil na prevention versus COVID-19 at mas mabilis na gumaling ang mga tinamaan ng COVID sa mga gumamit or uminom nitong virgin coconut oil. Ito po ba ay nakarating sa inyo?

SEC. ROQUE: Sana nga po matuloy na ito dahil ito po ay makakatulong hindi lang doon sa mga nagkakasakit dito sa Pilipinas kung hindi sa ating ekonomiya, dahil alam naman na napakadami nating mga magsasaka na nakasandal pa rin sa industriya ng coconut.

TULFO: Secretary Harry Roque, Presidential Spokesperson, sir, mag-ingat po kayo. Stay safe. Stay healthy. Thank you.

SEC. ROQUE: Okay. Maraming salamat po. Magandang umaga po.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)