Interview

Interview with Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar by Anthony Taberna & Gerry Baja (DZMM – DOS POR DOS)


BAJA:   Eh baka tinatanong ng ating mga kababayan combachero, “Eh ba’t ba ‘andyan ang Secretary ng PCOO at bigla kayong dinalaw?” Eh ang totoo ho niyan bukod ho sa birthday ni combachero [laughs], 16th birthday ni combachero ngayong January 18, eh mayroon hong ikukuwento sa atin si Secretary Andanar tungkol sa mga nagawa na ng Duterte administration.

TABERNA:  Parang ito po ay legacy ano, may ilulunsad silang legacy campaign ng Pangulo. Ang unang tanong ko po eh, bakit pa kayo maglo-launch ng legacy campaign eh mayroon pang mahigit dalawang taon ang Presidente?

SEC. ANDANAR:  Kasi usually kapag halfway to the mark, eh legacy-building na ang ginagawa ng isang administrasyon. Now, base rin sa mandato namin eh kailangan namin ma-inform ang ating publiko kung ano ‘yung mga nagawa na ni Presidente at kung ano pa ‘yung mga gagawin ni Presidente sa susunod na tatlong taon. Kaya mayroon tayong Duterte Legacy Campaign na ilulunsad natin bukas sa PICC.

TABERNA:  Ano ‘to, parang SONA o pre-SONA ganoon, iyong mga ginagawa ninyo dati kapag tuwing July ay may SONA ang Pangulo?

SEC. ANDANAR:  Ang sa SONA kasi Anthony usually iyong one year, kung anong ginawa noong—halimbawa 2019, kung anong ginawa noong 2019 o 18. Ito, kung ano talaga iyong ginawa for the last three years, tapos… Ang programa magsisimula bukas sa PICC pero iikot kami sa walumpu’t isang probinsiya sa buong Pilipinas at pupunta kami sa mga kanayunan na hindi, you know, hindi nararating usually ng gobyerno or ng media.

BAJA:   Para?

SEC. ANDANAR:  Para i-inform natin iyong publiko kung ano ‘yung mga legasiya ni Presidente Duterte for the last three years. For example alam naman nating lahat, iyong ating war on criminality and war on drugs, peace and order, iyong ating poverty alleviation at itong ating infrastructure development.

TABERNA:  So parang more on information campaign po pala ito, information drive. Teka muna, natatalo ho ba kayo sa information—doon sa propaganda, kontra-propaganda sa mga nakikipag—o sabihin natin iyong bumabakbak sa administrasyon?

SEC. ANDANAR:  Well sa amin, ang mandato namin Anthony at sinisiguro namin, right from the very beginning ‘no noong 2016; kasi mayroong mga reklamo ‘di ba, imperial Manila, hindi nakakarating sa probinsiya… So ang ginawa natin sa PCOO ay simula’t sapul tayo’y umikot sa probinsiya, kinakausap natin ang iba’t ibang sektor at pati iyong media sa regional ay kinakausap natin. So ang ginagawa lang ay pinapaigting na natin kung anong mga nasimulan namin noong 2016, ’17, ’18, ’19 at ngayon mayroon tayong comprehensive talaga na Duterte Legacy na hindi lang ang PCOO, kasama natin iyong iba’t ibang mga departamento – DILG, DENR, etcetera sa pag-ikot sa buong Pilipinas.

BAJA:   Okay. So, mahigit palang sa kalahati ang Duterte administration, paano iyon, eh ‘di hindi na makakasama iyong mga magagawa pa for the next two years, Secretary?

SEC. ANDANAR:  Magandang tanong ‘yan. Actually kasama ‘yan sa ilalatag bukas ng mga Sekretaryo ng DPWH, DENR, DepEd… ilalatag nila kung anong gagawin for the next three years. Mahalaga kasi sa atin sa gobyerno, kasi hindi naman kaya ng gobyerno alone eh, kailangan natin iyong—tinatawag na civic responsibility ng bawat isa. Iyong pagsuporta sa mga programa ng gobyerno.

Sa pamamagitan ng Duterte Legacy, Gerry at Anthony, ay magiging knowledgeable at informed iyong ating citizenry at mahikayat/ma-inspire na lalong tulungan ang gobyerno sa nation-building na tinatawag. So mayroon tayong ‘whole-of-nation approach’ na tinatawag, na hindi lang ang gobyerno ang nagtatrabaho, kailangan ang suporta ng taumbayan. So this is really the entire goal of the Duterte Legacy campaign.

And number two sa mga accomplishments ni Presidente Duterte, mahalaga kasi na maitatak/maitaga sa bato ‘yung mga legacy na ‘yan. Kasi sa 2022, iyong mga pipili ng bagong Presidente eh either mag-iisip sila: “Ano itutuloy ba or maghahanap ako ng kandidato na kayang higitan pa.” Kasi tumaas na iyong standards natin eh, so mahalaga na alam nila para pagpili nila sa 2022 eh sisiguraduhin na either tatapatan o hihigitan pa iyong ginawa ni Presidente para mas lalong umasenso iyong bansa natin.

BAJA:   Uhum. At kung anuman iyong mga hindi pa natapos ay itutuloy?

TABERNA:  Puwedeng ituloy.

SEC. ANDANAR:  Iyon, puwedeng ituloy. Kasi tao na mismo ang magsasabi na ituloy na ‘yan.

TABERNA:  Tangibles ang pag-uusapan natin dito ha.

BAJA:   Oo, iyong kitang-kita kaagad, ramdam kaagad… ‘pag biglang sinabi: “Ano ba ang legacy, ano iyong pinakauna?

TABERNA:  Top of mind, ano ang pinaka—‘pag sinabi mong ‘Duterte’, ano ‘yun?

SEC. ANDANAR:  Number one, nakita naman natin iyong poverty alleviation; mula sa 23% na poverty incidence ay bumaba na nang 16%. Ang target natin 14% lang ha, ibig sabihin nito 5.9 million Filipinos ang nai-ahon mula sa kahirapan. Number two nandiyan iyong sa mga Build, Build, Build natin na nakalikha ng more than four million jobs; nandiyan iyong mga 9,000 bridges—o 9,000 kilometers of highway, tapos nandiyan iyong mga 2,000 plus bridges etcetera; Nandiyan din iyong ating war on drugs of course, iyong ating war on criminality, bumaba iyong crime incidence at saka iyong crime volume ng ating bansa.

Sa peace and order nandiyan iyong Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao, iyong Bangsamoro Organic Law. Pagdating naman sa peace and order sa mga kaliwa, nandiyan iyong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na marami nang sumu-surrender.

TABERNA:  So ang mga bagay po na ‘to ay puwede po nating i-check. Halimbawa sinabi ninyo, mayroon po kayong ginawang—sa ilalim ng Duterte administration may bagong 9,000 kilometers na kalsada. Puwede ninyo ba sabihin, halimbawa kapag—mayroon ba kayong website doon? “Ito oh, ito ‘yung kalsada oh…” Eh baka katulad noong iba combachero, noong mga nakaraang panahon, “May ginawa ‘ika kaming tulay dito, ganito karami na mga tulay.” Pagpunta mo doon sa lugar, wala palang ilog tapos gumawa ng tulay…

BAJA:   Kaya sabi tuloy noong nag-picture, “Ito ayos na ‘yung tulay dito, ilog na lang ang kulang.” [laughter]

SEC. ANDANAR:  [Laughs]

TABERNA:  So ito po bang mga sinasabi ninyo eh nahahawakan/tangible?

SEC. ANDANAR:  Opo, opo. Talagang nahahawakan/tangible, makikita mo na mayroong tulay natapos, mayroong kalye na natapos. Kasama rin diyan Anthony, iyong ating free tertiary education, libreng edukasyon sa college, ‘ayan talagang tangible ‘yan, makikita natin sa mga graduates natin. As a matter of fact doon sa Cagayan De Oro, nagrereklamo iyong isang unibersidad doon dahil nababawasan na iyong kanilang enrollees, private university, dahil nga sa public na nagpupunta. So iyong mga ganito—

TABERNA:  Oo mayroon akong mga kilala ganun, iyong mga anak nila nasa private school, naglipatan ng public na kuwan, iyong state universities and colleges, oo.

SEC. ANDANAR:  Oo, iyong mga ganiyang mga tangible na programa. Halimbawa iyong sa maternity leave nadagdagan, ‘di ba ngayon more than 100 days na puwedeng mag-leave ang isang nanganak.

TABERNA:  Puwede na pala combachero iyong…

BAJA:   Oo, puwede na.

SEC. ANDANAR:  Kasama ka, siyempre kasama lalaki. Pati paternity mayroon, oo!

TABERNA:  Isa na lang pala kailangan ko, makabuntis ako ng misis ko [laughs].

BAJA:   Ito, ang problema kasi natin dito Secretary sa Metro Manila ay traffic talaga. Ang hinihintay ng mga kababayan natin ay makita iyong solusyon sa napakatinding traffic natin dito sa Metro Manila. Part ba ng legacy ng Pangulo itong magiging solusyon sa problema natin sa traffic, ‘andiyan ho ba iyon?

SEC. ANDANAR:  Oo. Kasama, kasi halimbawa iyong Skyway na napakatagal nang hinihintay natin dahil hindi matapos dahil doon sa mga right-of-way na problema, nagawan ng solusyon ng administrasyon kaya itutuloy. Pero again like what I’ve mentioned earlier, iyong mga legacy naman puwede naman noong nakaraan, tinuloy o iyong legacy ngayon tinuloy noong sunod na administrasyon. Nandiyan din iyong underground, iyong subway.

TABERNA:  Iyong subway kuwan na pala, nagbubutas na pala diyan sa bandang Valenzuela.

SEC. ANDANAR:  Oo. Ang target niyan, Gerry at Anthony, ay tatlong istasyon.

TABERNA:  Opo, na bago matapos iyong administrasyon mayroong partial operability.

BAJA:   By 2022, bago bumaba ang Pangulong Duterte. So naghuhukay na diyan ngayon, Secretary?

SEC. ANDANAR:  Oo, nandiyan na iyong boring equipment eh para butasin iyong—

TABERNA:  Mayroon nang earth-moving na nangyayari.

SEC. ANDANAR:  Oo, mayroon na.

TABERNA:  Saka iyong sa depot yata, iyong depot mayroon nang activity kinukuwento ng DOTr combachero, iyong depot ng tren doon sa bandang Valenzuela.

SEC. ANDANAR:  Oo, tapos iyong mahalagang construction, iyong railway institute, kasi kailangan mo talaga ng institute para mayroong continuity iyong programa. Tulad nitong PNR natin, wala namang institute kaya nasisira at nasisira! Isa sa mga tangible din itong bridge na ginagawa, iyong Panguil Bridge na nagdugdugtong sa Lanao Del Norte at Misamis Occidental – this is the longest bridge. Mas mahaba pa ito sa San Juanico.

TABERNA:  Ah ganoon, gaano kahaba?

SEC. ANDANAR: Hindi ko tiyak iyong eksaktong kilometro, pero mas mahaba ito—

TABERNA: Mas mahaba sa San Juanico Bridge?

SEC. ANDANAR: Oo, mas mahaba ito—

TABERNA: Baka may tumalon uli diyan parang si Dante Varona?

BAJA: Dante Varona.

SEC. ANDANAR: Dante Varona. [laughs] Baka ‘yung magpa—eh, baka si ano—

TABERNA: Hari ng stunt. [laughs]

SEC. ANDANAR: Baka si ‘Probinsiyano’ ang tumakbo ay ang—si Coco ang tuma—

TABERNA: Ano nga ulit pinagdurugtong sa dalawang probinsiya?

SEC. ANDANAR: Probinsya.

TABERNA: Ah, probinsiya ng—

SEC. ANDANAR: Lanao del Norte

TABERNA: Ah, at—

SEC. ANDANAR: ‘Tsaka Misamis Occidental.

TABERNA: Ah… ang galing ‘no?

SEC. ANDANAR: Kasi ngayon ‘pag bibiyahe ka galing Lanao del Norte, Cagayan de Oro – Lanao del Norte, sasakay ka pa ng ferry mga fifteen to twenty minutes, eh ngayon idudugtong na ‘yan, kapag dinugtong ‘yan eh lalakas ang negosyo diyan

TABERNA: Mabuti binanggit n’yo ‘yan ano, kasi parang ang laging naire-report sa publiko ‘yung mga infrastructure projects sa Metro Manila, sa Luzon—

BAJA: Oo eh…

TABERNA: Pero ito, Mindanao po ito ha, ‘yung binabanggit ni… ni Secretary Andanar ha.

SEC. ANDANAR: Mindanao. Mayroon ding isa, mayroon pang mahaba din na bridge na nagdudugtong ng Cordova City at Mactan if I’m not mistaken—

TABERNA: Sa Visayas naman?

SEC. ANDANAR: Diyan naman sa Visayas—Oo, mahabang bridge din.

TABERNA: So, ito po ay ginagawa po ninyo kasi, noong unang nakita ko ‘yung isa sa mga puwede nating pag-usapan, sinabi legacy. Bakit, titigilan na ba ng Pangulo ang pagiging Pangulo? Mag-ii-step down na ba siya nang mas maaga sa 2022?

SEC. ANDANAR: ‘Eto para ma-inspire lang nang husto ang ating mga kababayan, pati ‘yung mga bureaucrats, mga government workers, para ma-inspire sila na ang Duterte Administration, ang Executive Branch, ay talagang pukpukan ‘yung trabaho.

TABERNA: ‘Eto po, nag-text po sa atin si Direk Don Remo, magaling pong direktor ‘to, sabi niya, maganda po ay igawa ‘yang legacy ng Admin ng isang TV special. Mayroon po ba kayong ganung plano? Iyong para may visual po ba na ipinapakita ‘yung, ‘eto dati ‘yan, rough road ‘yan biglang nilagyan namin ng magandang highway, mayroon ba kayong mga ganung plano?

SEC. ANDANAR: Opo, mayroon po. Mayroon po tayong mga documentary na gagawin sa ating state—

BAJA: ‘Eto! ‘Eto! May ipinapakita tayo sa teleradyo natin—

SEC. ANDANAR: ‘Yan o!

BAJA: Mga highway—

TABERNA: ‘Eto, kuwan ‘yun ‘yung Clark City ‘yan, ‘yung SEA Games!

BAJA: Sa Clark!

SEC. ANDANAR: ‘Yan… Mayroon po tayong TV show na gagawin, mga documentary. Mayroon tayong quarterly, mayroon tayong weekly—

TABERNA: Puwede ba kami diyan ni combachero?

BAJA: Sa-sideline, sa-sideline…

SEC. ANDANAR: Baka puwede ‘to sa ABS-CBN, puwede rin – ilagay natin ‘yung programa dito tuwing once a week. [laughs]

TABERNA:  [laughs] So, mayroong ganun ano po? TV special, documentary…

SEC. ANDANAR: Radio…

TABERNA: Ah, radio.

SEC. ANDANAR: Broadcast…

TABERNA: Saka ‘yung kuwan—

SEC. ANDANAR: Magazine…

TABERNA: Magazine.

SEC. ANDANAR: Online… Oo.

TABERNA: O, ayun puwedeng gamitin ‘yung digital. Kailangan lang ay maakit—kaakit-akit ‘yung palabas eh! Alam n’yo, kapagka kasi-‘eto, tutal nandiyan po kayo-kapagka ang presentasyon ay para bang self-serving, parang ‘yung nagbabasa o nanonood, agad na iisipin ay kuwan ‘to… PR ‘to! PR campaign lang ‘to.

SEC. ANDANAR: Pampaganda.

TABERNA: Pero sa isang banda kapagka ang inyong presentasyon siguro ay para siyang isang pang karaniwang TV special na—puwede siguro kayong manghiram ng mga sikat na artista!

SEC. ANDANAR: Uhm.

TABERNA: O kaya eh—nagbabayad ba kayo ng artista? Palagay ko ‘pag gobyerno magbabayad sa artista may discount eh! Baka nga ang magpi-present—Hindi ba may mga ganun combachero?

SEC. ANDANAR: Hingin natin ang discount doon sa BIR! [laughs]

TABERNA: [laughs] Para may tax rebate?

BAJA: [laughs] Puwede, puwede.

SEC. ANDANAR: Tax rebate. [laughs]

TABERNA: Oo! Kapagka nakita ng publiko na ang paborito niyang artista, halimbawa si Coco Martin-sample lang ha-siya ang—

SEC. ANDANAR: Tumalon?

TABERNA: Tumalon doon sa kuwan tapos sabi, “Ito! Ito pinakama—”

SEC. ANDANAR: Duterte Legacy!

TABERNA: Hindi po ba—

BAJA: “Mas mahaba ito sa San Juanico Bridge!”

TABERNA: O, hindi ba? “Kaya Dante Varona, burado ko na ang record mo!” ‘Yun ‘yung mga ganun po para inviting sa ating mga kababayan na ‘pag nakuha mo na atensiyon nila eh babasahin na ‘yung—

SEC. ANDANAR: Magandang ideya ‘yan, Anthony. Siguro—‘yung mga biggest stars nandito naman sa ABS-CBN.

TABERNA: Opo.

BAJA: Oo…

SEC. ANDANAR: Siguro puwede natin—

TABERNA: I-tap, ano?

SEC. ANDANAR: I-negotiate ‘yan kung papaano.

TABERNA: Opo.

SEC. ANDANAR: Paano i-tap na ‘yung kaya natin ‘yung kanilang—kasi talent fee…talent fee pa lang, hirap-hirap na.

TABERNA: Medyo mahal ‘yan… medyo mahal.

SEC. ANDANAR: Maco-COA tayo niyan!

BAJA: Baka gusto n’yo dito na rin natin ipalabas sa…

TABERNA: ABS-CBN.

SEC. ANDANAR: Puwede rin!

TABERNA: Kahit sa April!

BAJA: Oo, dire-diretso para walang problema.

SEC. ANDANAR: April – May – June – July…

BAJA: Oo, after March!

SEC. ANDANAR: Hanggang 2022 na? [laughs]

TABERNA: Puwede naman ‘yan. Hindi, pero sinasabi natin dito ‘no, ito’y suggestion lang naman at basa rin naman natin ‘yung damdamin ng ibang kababayan pagka halimbawa: Okay, channel 4… PTV 4, magagaling ‘yung mga nagbo-broadcast diyan. Tanggapin natin ang totoo. Pero kapag sasabihin, “hindi, propaganda lang ‘to channel 4 ‘to.” Automatic eh—

BAJA: ‘Yan ang dating eh.

TABERNA: May ganung—

BAJA: Pero ‘pag sa ABS-CBN natin ipinalabas ‘yan…

TABERNA: Ayun… iba na ang—

SEC. ANDANAR: Ibang klase, ibang usapan ‘yun.

BAJA: At saka hindi lang ‘yung mai-propaganda nang husto eh, iba ‘yung nalalaman, Secretary, ng mga kababayan natin eh. Ilang beses naming pinag-uusapan dito ni combachero, hirap na hirap ang marami nating kababayan sa traffic, buwisit na buwisit! Pero kapag nakakarinig tayo ng balitang  — “by April ay bubuksan na itong—“

TABERNA: SLEX – NLEX Connector.

BAJA: Kahit nata-traffic eh napapangiti eh! “Naku, ‘eto, malapit na.”

TABERNA: Nabibigyan ng pag-asa.

BAJA: Kaunti na lang, nabibigyan tayo ng pag-asa – Iyang ganiyang materyales ninyo, ‘yang Duterte legacy, ganun sigurado ‘yan ang magiging dating niyan, Secretary?

SEC. ANDANAR: Lalong-lalo na kung naka-broadcast dito.

TABERNA: Opo!

BAJA: ‘Yun! After March ha, sigurado dire-diretso ‘yan ha! [laughs.]

SEC. ANDANAR: Oo, sigurado!. [laughs]

TABERNA: Okay, bukas po ano po ulit ‘yung mangyayari at saan po ito, Secretary?

SEC. ANDANAR: Okay. Bukas, Anthony at Gerry, ito’y magla-launch nang alas-nuwebe y media nang umaga sa PICC—

TABERNA: Okay… uhuh..

SEC. ANDANAR: Kung gusto n’yong pumunta doon, i-drop n’yo lang ‘yung pangalan ko pero—

TABERNA: “Pinapunta kami Secretary dito.”

SEC. ANDANAR: —Tubig lang po ‘yung libre [laughs] – hindi, libre po ‘yung puwedeng manood as long as kasya at ito po ay hanggang mga alas-tres hanggang alas-kuwatro nang hapon. Nandoon po ‘yung DPWH, ang kanilang departamento, nandoon din po ‘yung Department of Health, DENR, Department of Education, ‘yung Presidential Task Force on Media Security, FOI, at marami pang mga magpi-present doon ng mga accomplishments from the last three years at kung ano pa ‘yung mga plano for the next three years.

At… again, I would like to repeat, ito’y launching lamang pagkatapos nito ay mayroon na kaming schedule sa Biliran at iba-ibang mga probinsiya, iikutin natin ‘yung buong Pilipinas. Tapos mayroon din tayong, as you mentioned earlier, mayroon tayong mga documentary na ipo-produce; mayroon din tayong ipo-produce na monthly, weekly documentary; mga magazine, tabloid. We will work with broadcasting companies and mga diyaryo.

TABERNA: Palagay ko po maganda ‘yun at saka naalala ko combachero, mayroong mga—hindi ko lang alam kung government ito ‘no. May mga campaign ang—dati na sabay-sabay inilalabas sa lahat ng TV network. Halimbawa, alas-otso nang gabi, ang ipapalabas lang-mga three to five-minuter na patalastas, na short film-na lahat ng nanonood sa iba’t-ibang channel.

BAJA: Lahat, sabay-sabay – kahit maglipat ng channel, ‘yun pa rin ang mapapanood.

TABERNA: Oo! Nanonood ka ng TV Patrol biglang pumasok iyong documentary na ‘yun bigla sa kabilang istasyon, lipat ka kay Mike Enriquez sa 24 Oras , ganoon din siya—

BAJA: Ganun din!

TABERNA: Biglang—Palagay ko, puwede namang gamitin ng gobyerno siguro ‘yung ganung klase ng—‘yun bang—

SEC. ANDANAR: Simulcast.

TABERNA: Power to encourage these networks na baka puwede naman bigyan n’yo kami ng five minutes diyan, sabay-sabay na i-ere.

SEC. ANDANAR: Magandang idea ‘yan. Actually, sa ngayon usually sa mga emergency ginagawa ‘yan eh. At lalong-lalo na sa mga bagong technology, ‘yung mga digital channel ‘di ba?

TABERNA: Opo.

SEC. ANDANAR: Na puwede niyang patayin ‘yung ano—o puwede niyang i-on ‘yung TV mo tapos mapapanood mo kung ano ‘yung dapat mong panoorin base sa gusto ng gobyerno.

BAJA: Puwede siguro.

TABERNA: Puwede makatulong ‘yan! Halimbawa, nabanggit ko ‘yung TV Patrol, ang TV Patrol at any given time ang viewership nito mga nasa thirty percent, mataas po ‘yun. Tapos halimbawa ‘yung 24 Oras, mga two percent ‘yan—

BAJA: Ganun na ka-laki diperensiya?

TABERNA: Hindi! Sample lang ‘to. Sample lang… sample lang ‘to kasi—Isip-isipin mo, thirty-two percent na kaagad ‘yun dalawa pa lang!

BAJA:  Oo.

SEC. ANDANAR: Thirty ‘yung sa ano… TV Patrol?

BAJA: Pinagsabay mo kasi kaya ganun kalawak kaagad.

TABERNA: Malawak! Imagine, kung mayroon tayong viewing public na sabihin nating mga eighty million, eighty million ang nanonood – bata, matanda – eh thirty percent—

BAJA: Sapul kaagad!

TABERNA: —May twenty-four million ka kaagad na nanonood doon sa five-minuter na sinasabi ko na legacy.

BAJA: ‘Yung gusto mong mangyaring mai-paabot kaagad sa mga tao—

TABERNA: Sapul yun!

BAJA: Sa maliit na panahon, narating kaagad.

TABERNA: Ang tanong… ang tanong: Gagastos ba nang malaki ang gobyerno para sa—hindi! Sapagkat ang mga TV networks na ‘to ay mayroon silang responsibilidad sa mamamayan to inform the public na walang babayaran ang gobyerno in the form of public service.

BAJA: O, ayos na? Nagkasundo na tayo?

SEC. ANDANAR: O, nagkasundo na tayo eh! In fact, sa NTC mayroon niyan, ‘yung… ‘di ba ‘yung public service?

TABERNA: Yes!

BAJA: Uhm, uhm.

SEC. ANDANAR: Ibibigay mo nang libre sa gobyerno.

TABERNA: Ayos! Umpisahan natin sa April ‘to ha! [laughs]

SEC. ANDANAR: [laughs] Puwede ba mga… kahit mga isang oras kada gabi? [laughs]

TABERNA: Palagay ko ‘yung mga short lang combachero?

BAJA: Oo!

TABERNA: Say, ‘yung mga five to ten minutes.

SEC. ANDANAR: Oo.

TABERNA: ‘Yun! Kasi alam n’yo naman ang listening span—

SEC. ANDANAR: Tolerance!

TABERNA: Tolerance ng tao—

BAJA: Maikli lang talaga.

TABERNA: Pagka lumampas na nang fifteen minutes ‘yan eh—

BAJA: Wala na.

TABERNA: Nakatulog na ‘yan.

SEC. ANDANAR: Wala na, nasa—nag-a-iPad na.

TABERNA: Ayun po siguro. Tapos ang boses mong gagamitin eh boses ni Joonee Gamboa, ‘di ba, ang ganda ng boses niyon?

SEC. ANDANAR: Parang national [unclear]

BAJA: O kaya boses ni Boss Peter!

TABERNA: Oo, Boss Peter! Eh ang mura lang naman… si Boss Peter lalo sa mga [unclear].

BAJA: Eh, ‘pag narinig mo pa naman ang boses ni Boss Peter, boses ABS-CBN iyan.

TABERNA: Yes! Yes…

BAJA: Ibig sabihin, talagang after March ‘yan, tuloy-tuloy.

SEC. ANDANAR: Oo, tuloy-tuloy na ‘yan. [laughs]

TABERNA: Naaalala ko, tama ka ‘yung “National Steel Corporation. We’re building a country.” Sir, maraming salamat! Mag-imbita uli kayo ng ating mga kababayan na nanonood at nakikinig.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po! Anthony, happy birthday to you!

TABERNA: Thank you po, thank you po.

SEC. ANDANAR: Salamat din doon sa inihanda doon sa likod.

TABERNA: Thank you! Thank you! Ako ba naghanda nun?

SEC. ANDANAR: At least, nalangisan ang mga labi namin. [laughs] Thank you din, Gerry! Kinukumbida po namin, mga kababayan natin na manood po ng Duterte Legacy, bukas po ‘yun, alas-nuwebe y media nang umaga. Live po ‘yan sa inyong state television sa PTV. Mapapakinggan din po sa inyong state radio, sa Radyo Pilipinas at sa lahat po ng social media accounts ng Presidential Communications Operations Office; Ito po ay mula 9:30 hanggang alas-kuwatro ng hapon at magkakaroon po ito ng mga replay; Ito po ay para sa mga kababayan natin para malaman n’yo po kung ano ‘yung mga accomplishments ni Presidente Duterte for the last three years at kung pa ‘yung mga gagawin for the next three years. Salamat po!

TABERNA: Yes, sir. Secretary, maraming salamat po at magandang gabi po sa inyo. Thank you po sa pagbibigay n’yo sa amin ng oras – may lakad pa pala ito si Secretary eh. Thank you po, mabuhay po kayo!

SEC. ANDANAR: Thank you, thank you.

##

Source: PCOO-PND (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource