President Benigno S. Aquino III’s Speech at the unveiling ceremony of the Angat Water Transmission Improvement Project (AWTIP)
Ipo Dam, Sitio Ipo, Brgy. San Mateo, Norzagaray Bulacan
26 May 2016
 
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.

His Excellency Massimo Roscigno, proud ambassador of Italy,  who is our very friendly, very efficient partner; Secretary Mel Sarmiento; Administrator Gerry Esquivel; Administrator Ibarra—Andy, kailangan nakangiti ka public servant ka; (laughter) Governor Willy Sy-Alvarado—tularan mo si Governor Willy; Mayor Fred Germar; Vice Governor Dan Fernando; Mr. Richard Bolt of the Asian Development Bank; officials and employees of the Metropolitan Waterworks and Sewerage System and its concessionaires; fellow workers in government; mga minamahal kong kababayan:  Magandang umaga po sa inyong lahat.

Hanggang sa mga huling sandali po ng ating termino, narito po tayo tuloy ang daloy ng serbisyo para sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Patunay po dito ang pagtitipon natin ngayon para sa unveiling ng Angat Water Transmission Improvement Project.

Sa halos anim na taon po natin sa Daang Matuwid, alam na ninyo ang ating estilo, pinag-aaralan natin nang husto ang mga problema nang sa gayon ay matukoy natin ang tamang solusyon para sa mga ito. Nabanggit nga ni Administrator Esquivel 1940’s pa naitayo ang Ipo Dam bilang pangunahin pinagmumulan ng tubig ng Metro Manila at ng mga karatig nitong lugar. Ilang dekada na itong dinadaluyan ng tubig, siguro nga ho, yung mga batong dinadaanan nito na dating magaspang puro makikinis na kung nandiyan pa. At siyempre, yung mga pasilidad nito kapag matagal at labis na ang gamit dumaan na rin sa tinatawag na napakaraming ‘wear and tear.’ Kung may leakage hindi naman kusang matatapalan ang mga ito.

Natural din pong tumataas ang ating populasyon kada taon. Noong 1960 sa Bulacan pa lang, ang populasyon ay naitala sa 515,000 katao. Nito pong 2010, lumobo na ito sa 2.9 milyong katao. Siyempre, habang lumalaki ang populasyon, lumalaki din ang pangangailangan sa supply ng tubig. Kaya naman napakahalaga pong makumpuni’t maisaayos ang mga pasilidad tulad po ng Angat Dam.           

Pinag-aralan nga po natin ang kailangang gawin para matugunan ang mga pangangailangan hindi lang ngayon kundi maging sa mga darating na panahon. Nagkaroon po tayo ng pagsusuri sa Umiray-Angat-Ipo system, partikular na sa Tunnels 1 to 3, at Aqueducts 3 to 5. Ang natuklasan po ang mga tunnels ay marupok na dahil sa kalumaan, kaya kailangan nang patibayin. Ang aqueducts naman, may tagas na. Ang leakage po raw nito, tinataya sa 2.2 cubic meters per second o nasa 5 percent ng total water flow.

Maraming tubig po ang nasasayang dito, na dapat sana, buong natatanggap ng ating mga Boss. Ang atin pong solusyon magtatayo tayo ng panibagong tunnel para maisaayos ang mga pasilidad, at ang maganda nga po gagawin natin ito sa paraang hindi maaantala ang supply ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-lugar. Saklaw nga po ng proyekto ang pagtatayo ng isang 6.4 kilometers na tunnel mula Ipo Dam hanggang Bigte Basin, o ang tinatawag na Tunnel 4. Magbibigay-daan ito sa halinhinang pagsasara ng Tunnels 1 to 3 at Aqueducts 3 to 5, habang sila naman ay sinusuri at isinasaayos. Oras na makumpleto, magkakaroon ng kapasidad ang Tunnel 4 na maghatid ng 1,600 million liters ng tubig kada araw. Sa kabuuan masisiguro ng proyektong ito na mayroong sapat, malinis, at maaasahang supply ng tubig mula sa Angat Dam para sa tinatayang 14 na milyong residente ng Metro Manila at mga iba pa natin mga kababayan  sa mga bahagi ng Rizal, Bulacan, at Cavite.

Noong ika-29 ng Mayo noong taong 2014 po, naaprubahan ng NEDA Board ang proyektong ito, na pinopondohan naman ng Asian Development Bank sa halagang 3.3 billion pesos. Ngayong buwan sisimulan na ang detailed design at iba pang pre-construction activities para sa pagtatayo nito at inaasahang makukumpleto ang proyekto sa Setyembre ng taong 2020.

Lahat naman ng ito bahagi ng tinatawag nating Water Security Legacy Program, para siguruhin ang malawakan, episyente, at pangmatagalang serbisyo ng patubig sa ating bansa. Natapos ang Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project Phase 2, kung saan nagtayo ng bagong aqueduct, at tinapalan ang tumatagas na tubig sa isang aqueduct. Isinasagawa na rin natin ang Angat Dam and Dike Strengthening Project, para naman patibayin ang struktura at maging ligtas ito sa lindol at pagbaha.

Para naman sa Bulacan Bulk Water Supply Project, nagtayo na tayo ng water treatment plants, pumping stations, at water reservoir, para direktang makapag-supply ng tubig dito sa inyo pong minamahal na probinsya. Ang Kaliwa Dam Project naman, magsisilbing karagdagang pagkukunan ng tubig para sa Metro Manila. Kita niyo naman po magkaka-ugnay ang ating mga proyekto at naka-angkla sa iisang diwa—ang tubig ay bukal ng buhay, at mahalagang matugunan ang pangangailangan nito ng ating mga Boss.

Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng nagtulong-tulong para marating natin ang araw na ito. Siyempre po, sa mga bumubuo ng MWSS, sa pangunguna ni Administrator Gerry Esquivel, hindi lamang para sa proyektong ito, kundi lalo’t higit sa pagkayod upang maitaguyod ang bagong mukha ng kanila pong tanggapan.

Ang proyekto naman pong ito ay bahagi lamang ng malawakan nating pagsisikap para lalong mapaarangkada ang Bulacan. Kasama na ang National Capital Region nariyan din ang pagbubuhos natin ng pondo sa imprastruktura para sa Bulacan po mula 2005 hanggang 2010, sa ilalim po ng ating pinalitan, 5 bilyong piso po ang nailaan. Sa atin po, mula 2011 hanggang 2016, pumalo na po ito sa 19.04 billion pesos. Mahigit triple pong pagtaas yan.

 

Para sa agrikultura mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng 2.1 billion pesos para sa farm-to-market roads at irigasyon. Bukod dito tinututukan din natin ang serbisyong panlipunan. Sa Pantawid Pamilya, ang dinatnan nating kabahayang benepisyaryo dito noong 2010, nasa 5,542 lang. Ngayon po nasa 68,952 kabahayan na po ang natutulungan ng programa.

Sa kalusugan naman sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program, 181.43 million pesos na ang inilaan natin para mapaunlad ang inyong barangay health stations, rural health units, urban health centers at mga ospital. Habang sa PhilHealth po, nasa 2.47 milyong indibidwal na po ang saklaw sa Bulacan. Kita naman po ninyo sa  Daang Matuwid, ang Bulacan, hindi namin kailanman nakaligtaan.

35 araw na lang po, bababa na tayo sa puwesto. Sa paglipas ng panahon, di po mawawalay sa aking isip ang mga tagumpay na tulad nito, kung saan talagang nagpapamalas ng bayanihan at malasakit sa isa’t isa ang mga Pilipino, para makamit natin po ang ating kolektibong mithiin.

Sa halos anim na taon nating pagkakapit-bisig sa pagbagtas sa Daang Matuwid, ipinakita natin sa buong mundo ang kayang makamit ng nagkakaisa at nagtutulungang Pilipino. Hanggang sa huli po, isang napakalaking karangalan para sa akin ang makapaglingkod sa ating Inang Bayan, at sa ating dakilang lahi.

Maraming salamat po at magandang umaga sa inyong lahat.