INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Balita at Panayam by Allan Allanigue
23 February 2016
 
ALAN: Sec, malaking paghahanda po para dito sa 30th anniversary ng EDSA sa araw ng Huwebes, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Tama ang sinabi mo, Alan. Sa araw ng Huwebes gugunitain natin ang ika-tatlumpong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Kaya ang tawag natin ay EDSA Trenta. Pangungunahan ni Pangulong Aquino ang seremonya at programa sa harapan ng EDSA People Power Monument, doon sa panukala ng EDSA at ng White Plains Avenue. Magkakaroon nung ritwal na Salubungan, pero ngayon ang tampok doon ay iyon ngang mga kabataang anak ng mga lumahok sa EDSA at mga lider kabataan sa kasalukuyan. Dahil ang ating selebrasyon ngayon dedicated natin iyan sa mga kabataan, kaya ang tema ay “EDSA Ipinaglaban Ninyo, Itutuloy Ko.” Iyon ang ating focus sa ating selebrasyon ngayon. Para ipa-alam, ipamulat at ipaunawa sa ating mga kabataan at sambayanan muli iyong kahalagahan ng paglaban para sa ating kalayaan, karapatang pantao at malayang pamumuhay sa isang maaliwalas na demokrasya.

ALAN: Opo. At we understand na meron ding mga espesyal na parang museum na i-exhibit kasabay po ng paggunita natin sa EDSA Trenta, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Inaanyayahan din natin ang ating mga kababayan sa People Power Experiential Museum na matatagpuan sa Camp Aguinaldo Parade Grounds. Ito ay bukas ng dalawang araw, mula ika-walo ng umaga hanggang hatinggabi, sa Huwebes at sa Biyernes. At tampok dito iyong iba’t-ibang yugto ng ating pinagdaanan nung panahon ng Batas Militar – merong tungkol sa mga naulila, sa mga tinorture, sa mga nagpo-protesta, sa iba’t-ibang hamon na kinaharap ng sambayanang Pilipino. Mahalaga ito, Alan, dahil kinakailangang sariwain iyong alaala ng EDSA at mabatid ng ating mga mamamayan na hindi pa nagwawakas iyong patuloy na paglaban para tiyakin iyung katatagan ng ating demokrasya.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, nais po naming magpasalamat sa mga updates na iyan mula sa inyo sa Malacañang. We understand na kayo ho ay abalang-abala rin ngayong umaga. Salamat po ng marami, Sec. Sonny, for the opportunity and for the updates, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat, Alan, at sana ay makilahok ang lahat. Imbitado po ang lahat na lumahok sa paggunita natin sa EDSA Trenta. Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

SOURCE: NIB-Transcription