President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Cebu
Sec. Cerge Remonde Sports and Cultural Center (SCMRSCC), Brgy. Poblacion, Argao, Cebu
19 Apr 2016
 
Maupo ho tayong lahat. Maayong hapon sa tanan. (crowd cheering: “PNoy! Pnoy! PNoy”) Talaga namang napakainit ng pagsalubong niyo.

Kanina ho galing doon sa landing site ng helicopter, maraming mga taong nasa kalye. Tapos 72 days na lang ho ang natitira eh sa termino ko. At, di ba, parang siyempre hindi natin maiwasan may natuwa, may magagalit, pero ‘yung kanina ho pagsalubong sa atin, talagang nag-aabang sa kalye, marami hong bumati, sabi ‘nung iba: “Si Presidinti,” “Si PNoy,” “Si Noynoy,” tapos ‘yung isa ho sinabi: “Si Ninoy.” Kako, medyo anim na taon na ho ako dito hindi pa tayo kilala masyado pero okay na rin ho yun dahil kinumpara tayo sa idol kong tatay ko kaya: Thank you very much!

Hayaan lang po ninyong batiin ko ang ating kasamahan: si Mel Sarmiento, ating Kalihim ng Interior and Local Government. Mel, baka pwede kumaway ka lang ng konti. Mel, dito ka lang, huwag ka nang magtago diyan. Shy rin ho si Mel eh. Kalihim natin ng Interior and Local Government, si Mel Sarmiento; anak po ng susunod nating Pangulo ng Republika ng Pilipinas, si Paolo; representante at anak ng ating susunod na Pangalawang Pangulo, si Aika; siyempre ang isa pang idol rin natin si Junjun Davide. Nagpapasalamat tayo sa Argao na nagpalaki kayo ng isang sobrang tinong public servant na talaga naman pong sabi nga ni Kris “shy type.” Maganda ho ‘yung shy na pulitiko kasi ang baligtad ho nun makapal eh. ‘Di ba? Saan tayo pupunta sa shy na nagtatrabaho o sa makapal na puro bola? (crowd reply: “Sa shy.”) Dito na tayo sa shy; ating Vice Governor, si Agnes Magpale. Alam niyo ‘pag naiisip ko si Agnes naalala ko fighter, di ba? Fighter pero mother rin. Kaya talaga namang mapalad ang Cebu na meron tayong ganitong klaseng lingkod-bayan sa katauhan ni Agnes Magpale; butihing Congressman Willy Caminero; atin pong—baligtad ho ako, kailangan ko hong tanggalin para mabasa ‘pag maliit ang sulat eh—batiin ko rin po si Tata Salvador; ang ating pong Vice Mayor Stanley Caminero; Board member PJ Calderon; siyempre ang laking itinutulong ho sa akin ‘nung ating Ate Kris ‘no, kaya maraming salamat sa iyo Ate Kris; mga pinalangga kong kaigsuonan: Maayong hapon sa tanan.

Kailangan ko naman ho ‘yung salamin ko para makita ko naman kayo. Kung naalala ho niyo, nangako ako inyo na pagbaba ko sa puwesto di hamak na mas maganda ang iiwanan natin kaysa sa ating dinatnan.

Naalala ko rin po, turo sa akin ng tatay ko, lahat ng kalayaan na pinag-uusapan natin, ang pinakaimportanteng kalayaan, kalayaan mula sa kagutuman. Kapag ang tao hindi tiyak kung saan niya kukunin ang susunod na kakainin niya, lahat nung ibang kalayaan walang halaga sa kanya. Tama ho ba? So, binigyan niyo akong pagkakataon, sinuportahan niyo ako ‘nung tumakbo akong senador na naging tungtungan naman para maging Pangulo po at doon ho unang-una, maraming-maraming salamat sa inyo.

Kanina ho narinig ko, may isang nanay na nagsabi kung pwede ituloy ‘yung 4Ps. Sa akin po, aba’y ‘pag itinuloy natin si Mar Roxas sa Malakanyang, talagang hindi lang itutuloy ‘yung 4Ps, palalawakin pa. Paano ‘yung palalawakin? Kanina po may nag-testimonial, di ba, nag-graduate sa Normal University, problema niyang makapasok sa kolehiyo. So merong ilang libo po na natulungan ng 4Ps nakatuntong sa pagtulong ng CHED sa kolehiyo, nakapag-graduate. Kanina po tingnan niyo, nag-graduate na siya cum laude pa ‘no.

Pwedeng palawakin ‘yung tulong sa kolehiyo. Tatandaan lang po natin ‘no, ‘yung 4Ps ‘nung umpisa sa grade school lang. 2014 may pondo na tayo, napalawak natin ang tulong hanggang high school. Eh ngayon napatapos po ng high school, kung makatapos sa high school, tinataya po 40 percent ng income pwede idagdag kaysa grade school graduate. Kung kaya na nating tulungan sa high school, huwag lang tayo magbago ng direksyon, may pondo ang gobyerno para makatulong hanggang kolehiyo rin ho, at talaga namang maisagad natin ang pagkakataon ng bawat isa.

Ngayon po, samantalahin ko na rin, magpapaalam na po ako sa inyo, 72 days na lang po tayo sa pwesto: Ano ba ang napagtulung-tulungan natin sa Daang Matuwid? Kaya kung inyong mamarapatin po, mahirap pong imemorya lahat. Ito po sample lang kailangan ko lang po ‘yung ating kodigo: Pantawid Pamilya, tutal nabanggit na kanina, 2010 po, noong naupo tayo, ang miyembro lang sa Cebu: 5,600 na kabahayan. Ngayon po, halos 150,000 na kabahayan sa Cebu ang tinutulungan.

2010 po, buong Pilipinas bahagyang umabot sa 780,000, kapos ng konti actually. Ngayon po, 4.6 million ng kabahayan sa buong Pilipinas ang tinutulungan sa pamamagitan ng 4Ps, resulta: 7.7 million na pong Pilipino nai-angat sa tinatawag na poverty line. Hindi na po living below the poverty line. Iyan po ay dahil sa inyo. Noong ako po congressman, nanlilimos tayo sa budget para magkaroon ng classroom ang ating mga kabataan. Maswerte na ho makakuha ng walo, sampu, ‘pag 12 ang nakuha mo sa buong distrito, napakagaling mo na. Yung distrito ko po ‘nung congressman ko, second district ng Tarlac, 159 barangays. Tapos ‘pag hahatiin mo ngayon ‘yung walo o sampu o isang dosenang classroom. Ano po ang napala sa Daang Matuwid?

Sa lalawigan ng Cebu, meron na po tayong naipagawa at kasalukuyang ginagawang 7,889 classrooms para sa Cebu lang. Kabilang yan doon sa 185,000 classrooms sa buong Pilipinas. Ulitin ko po, noong ako ay congressman, at hindi naman ganun katagal po yun, walong libo paghahatian ng buong Pilipinas. Ngayon, Cebu pa lang halos 8,000 na, kaya may 185,000. Ulit, kayo ang gumawa nito.

Sa atin pong kalusugan, nakapaglaan na po tayo sa Health Facilities Enhancement Program, 444.51 million pesos para sa inyo pong mga barangay health center, rural health units at iba pa. May nadaanan ho ako kanina dito mga ating health workers at mukhang masayang-masaya sila. So, palagay ko po umabot na sa kanila ‘yung tulong.

Sa PhilHealth, meron na po tayong 4 million na Cebuanong kabilang ng PhilHealth. Kabilang po sila sa 93 milyong Pilipinong tinutulungan na ng PhilHealth.

Sa farm-to-market roads at irrigation, nakapaglaan na tayo ng 1.6 billion pesos, kasama po dito ‘yung Argao Communal Irrigation System Phase II.

Sitio electrification, sa pangunguna po ng isang anak niyo, una nating kalihim sa Energy si Rene Almendras, kapatid ni Agnes, tapos sinundan ni Icot Petilla at ngayon ipinagpatuloy ni Naidi Monsada, meron na pong 2,117 sitios sa lalawigan ng Cebu na-energize na. Ang report sa atin, 100 percent na pong may energy ang lahat ng sitio ng Cebu.

Sa totoo lang po, ‘yung unang target noong 2011, nilista: Sinong sitio ang walang kuryente?—32,441. Ang na-energize na po, 32,688 at meron pa hong susunod na 1,500 iyon talagang hindi pwede ikabit sa grid masyadong malayo. Sila ho magkakaroon ng renewable energy, solar ang gagamitin natin para magkakuryente na rin sila.

Sa infrastructure po, nabanggit na ng ating butihing gobernador, 2005 hanggang 2010, ang nailaan na pondo ng national government para sa Cebu, 12.6 billion. Sa Daang Matuwid po, 34.8 billion mula 2011 hanggang 2016 ang imprastruktura ninyo.

Nandiyan rin po ang mga bago nating mga proyekto tulad ‘nung Mactan Cebu International Airport. Mula ho 4.5 annual passenger capacity na dadaan sa Cebu-Mactan, ngayon po, tinataya aabot ng 15 million pag natapos na po itong proyektong ‘to. Ongoing na po ang construction ng inyong passenger terminal building.

Natapos na rin po ang Mactan Island Circumferential Road, Serging Osmeña Boulevard, kabilang sa 18,000 kilometers of national road, 107,000 lineal meters of bridges dahil ulit sa inyo pong pagtitiwala.

Ako ho ay hindi kandidato. Sabi ng nanay ko: “Huwag ka masyado mahaba magsalita.” Nandito yung tumatayo kung minsan nanay ko, si Kris, baka ipaalala sa akin yun. Kaya hindi tayo dapat masyado mahaba magsalita. Pero may mga puntong kailangan kong ibahagi sa inyo. Pasensiya na ho kayo kung hindi ako makakababa diyan ha. Iyong aking group commander po ng PSG kailan lang nagpunta kami ng Basilan. Sa Basilan po, bago kami dumating, may binombang detachment, tapos merong lumusob na Abu Sayyaf doon sa lugar na pupuntahan namin at may nahanap na IED device. Marami hong pressure ‘yung aking PSG commander, malapit na rin ho siyang mag-retire. Next year ho magre-retire na siya, gusto ko pong paabutin siya sa retirement niya na walang diperensiya yung puso niya. Kaya pagpapasensiyahan na ho muna kung hindi natin dadagdagan ang iniisip niya.

Mga kasama, magtatanong po ako sa inyo ano: Kunyari nag-isip tayo—hindi, bago po muna noon—babalikan ko ‘yung ipinangako: Ano ba ‘yung unang kailangan nating matugunan? Kalayaan sa kagutuman. Paano ang stratehiya diyan? Aba, subukan nating isagad ang pagkakaroon ng trabaho ng lahat. Hindi ho ako naniniwala doon sa bigyan natin ng bigas ngayon, ‘tong araw na ito may kakainin, bahala ka na bukas.

Hanapan natin ng solusyon na kaya niyang tumindig sa sariling mga paa, magkaroon ng hanapbuhay na marangal, mabuhay ang pamilya niya ng tama. Paano nating ginagawa ‘yan? Umpisahan ho natin 4Ps. Ano ba ang pangunahing kondisyon ng 4Ps? Iyong anak mo dapat nag-aaral. Siguraduhin mong pumapasok yung anak mo may sustento galing sa pamahalaan para matulungan kang panatilihin sa pag-aaral ang anak mo. Tama ho ba?
Pangalawa, ‘pag naka-graduate may trabaho ba? Una ho, tumutulong ang TESDA. Kung ayaw mo na magtuloy ng kolehiyo, may TESDA, at ang nag-graduate ho niyan 9 million course graduates na po. ‘Pag naka-graduate ng TESDA, dinatnan natin, 28.5 percent may trabaho sa loob ng anim na buwan pagka graduate. Ngayon po, 72 percent na po na nag-graduate ng TESDA may trabaho anim na buwan pagkatapos o bago umabot ng anim na buwan pagkatapos mag-training.

Bigyan ko kayo ng sample. Merong isang babae sa Pangasinan, siya ay nagtapos sa Accountancy. Inalok ng trabaho sa Gitnang Silangan, pagdating niya doon sabi sa kanya, paalis dito, gagawin kang kahera, cashier; pagdating doon naging domestic helper, contract substitution. Pinahirapan pa noong kanyang tinutuluyan. Nakatakas, natulungan ng embahada natin, nakauwi ng Pilipinas. Ang testimonya po niya, hindi niya alam kung ano pa ang mangyayari sa buhay niya. Malamang umutang siya para makabiyahe para mapuntahan itong trabahong sana magdudulot sa kanya ng kaginhawaan.

Minalas siya doon, malamang pag-uwi niya: Paano ko babayaran ang utang na ito? Gulung-gulo raw ho ang kaisipan niya. Ang sabi sa atin nag-iisip na siyang magpatiwakal dahil hindi niya makita paano ba siya aangat doon sa suliranin niya. Nabanggit sa kanya pag-uwi may mga scholarship program ang gobyerno, kasama na diyan ‘yung sa TESDA, pumasok siya sa wellness massage at saka… na therapy na dalawang kurso ang pinasukan niya. Nakakuha siya ng trabaho sa isang spa. Doon sa spa, magaling siyang trabahador naging operations manager. Pagkatapos niya naging operations manager natutunan niya ‘yung buong negosyo, nagtayo siya ng sarili niyang spa. Iyong spa po niyang negosyo, apat na po ang branch ngayon sa Pangasinan, may tatlo pa siyang franchise sa Tarlac naman. Mula sa hindi niya alam kung saan siya patutungo ngayon po entrepreneur na siya.

At parati pong ipinapaalala ni Joel Villanueva sa akin: “Boss, marami sa mga graduate namin pagkatapos mag-graduate, sa loob ng isang taon, tinatalo na yung sweldo mo.” Kako, “Eh, ganun talaga ang buhay. Hindi naman talaga papasok sa gobyerno para yumaman.” May mekaniko hong tinulungan ang TESDA, maging mekaniko, certified mechanic nasa Australia. Sweldo po niya 250,000 per month. Ang sweldo po ng Presidente ng Republika ng Pilipinas nasa 120,000, at ‘di hamak mas makapal ang buhok ‘nung mekanikong yun kaysa sa akin dahil mas konti ang problema niyang hinaharap.

So ulit, tinulungan nating mag-aral. May sustento para sa pamasahe, gamit. Kung saka-sakaling masama ang kalusugan, nandiyan ang DOH, nandiyan ang PhilHealth para tulungan. Bibigyan ng kakayahan para maghanapbuhay kasama ang TESDA. Ngayon po, gusto nating i-expand hanggang kolehiyo makapagtapos na.

Yung unang tinulungan na grupo na high school, nag-graduate ng 2015, last year po. Dalawa ang nagsalita para sa over 300,000 na natulungan sa batch na iyon. Mga higit-kumulang 14,000 po noong tinulungan nating iyon honors graduate. So, yung dalawang nagsalita, natanggap po sa University of the Philippines, Engineering course. Iyon po quota course, mahirap makapasok doon. Itong dalawa na tinulungan ng 4Ps, nakapasa doon sa masusing pagsusulit at sila nga po, bigyan natin ng mga apat na taon pa ay nakikinabang na po ang buong sambayanan dahil nabigyan sila ng pagkakataong maisagad ‘yung potensyal nila at ngayon ay nag-aaral na ng Engineering.

Ngayon ho, nangyari ba lahat ito dahil tayo’y tatamad tamad na hinuhulog na lang sa atin ‘yung biyaya? Aba, hindi ho. Paano natin napataas ‘yung placement rate ng graduate ng TESDA? Kinausap natin ang mga negosyante. Ang problema ho kasi noong araw, may papasok—ang dating kurso tawag nila occupational physical therapy maraming trabaho—pumasok, apat na taon, nag-graduate, nag-board, pagkatapos nila mag-board wala na yung trabaho. Lumipat sa nursing, ganun na naman: apat na taon, may board exams na naman, nag-graduate, nakapasa sa board, walang trabahong nursing. Sabi ko, “Puwede nating baguhin ito. Kausapin natin ‘yung mga negosyante, ano ba ang kailangan niyong trabahador two years from now, four years from now, six years from now?” Para ‘pag nag-graduate kayo: una, pumunta kayo sa kursong kakailanganin nila; sila masaya, kayo masayang may trabaho, lahat tayo masaya. Iyon ho yung tinatawag na plano.

Bago ko iwanan po iyan ‘no. Iyong BPO na nabanggit kanina ni Governor at saka ni Paolo. Sa BPO industry po, gumagastos ang gobyerno ng mga 7,000. Iyong ibabayad ‘nung nag-graduate sa TESDA nitong BPO na training, sa unang taon pa lang ang babayaran niyang buwis lampas sa ginastos natin para matraining siya. Ibig sabihin po, bawi kaagad ‘yung pinuhunan ng estado. Eh magtatrabaho siya ng 30 taon. Maski hindi na siya umasenso, every year, may isa na namang taong pwedeng tulungan na matuto, magkaroon ng trabahong maayos at marangal. Iyon po ang Daang Matuwid. Talagang pinaplano, plantsado lahat ho ito. At talagang lahat ng sektor tinitingnan natin kung paano maisasagad ang pagkakataon ng bawat isa.

Ito po ang pinakasimpleng mensahe: Mayo, malapit na. Ika-9 ng Mayo, mamimili tayo. Tulad ng ginawa natin ng 2010, namili tayo. Tama ba ‘yung palakad sa bansa ng halos sampung taon nung aking pinalitan? Palagay ko dito sa Cebu napakaliwanag ng boses: Hindi. Kaya tayo hong nasa oposisyon ang naupo.

Ngayon po, siyempre importante lahat ngayon, lahat ng kandidatong lumiligaw na sila ang pinakamagaling na anak ng Diyos. Tama po ‘yun? Importante po, kunyari, kunyari lang po tayo nag-isip magnegosyo, magtatayo tayo ng restaurant. Siyempre, iyong restaurant importante masarap ‘yung pagkain, tama po ba? ‘Pag ‘yung restaurant mo pangit ang pagkain, wala kang customer, maliwanag? So, una mong kailangan na empleyado pinakaimportante diyan kusinero na nakakaintindi. ‘Pag ikaw may mga nag-apply, may dumating na hindi kusinero pero mekaniko, pero magaling magpatawa, magaling kumanta, magaling tumula, magaling sumayaw, inarkila mo ‘yung serbisyo nitong mekaniko, ginawa mong kusinero, nagluto si mekaniko, palagay niyo aasenso ‘yung inyong restaurant? Malabo ho yata, hindi ho ba?

Iyon ang importante. Kaya palagay ko ho, bago natin pag-usapan ano ba ang binitawang salita nitong mga kandidatong ‘to? Tingnan muna natin, sino ba ang kwalipikado? Pasensiya na po kayo, palagay ko sa ika-9 ng Mayo ang pinakaimportante nating pagpipilian ‘yung presidente. Sa sistema po natin ‘yung presidente ang timon eh. Siya ang magdadala sa atin sana sa mas magandang pupuntahan. Mahirap ‘pag dinala tayong U-turn, balik tayo sa dati. So, ngayon ho, pag-usapan, tingnan lang po ninyo ‘yung tanong ko kung pwede ho ninyong pag-isipan na: Sino ang kwalipikado maging Pangulo ng Republika ng Pilpinas? (crowd shouting: “Si Mar Roxas.”)

Eh kung ganyan ho uuwi na ako hindi ko na kayo kailangang kumbinsihin pala eh. Hindi, pero konti na lang ho ito ano, patapusin lang po niyo ako. ‘Pag sinabi natin: Si Mar Roxas kwalipikado dahil sa BPO, binanggit kanina ni Paolo, siya ang nakapag-isip: Saan ba tayo papasok na may kakayahan ang Pinoy na talaga namang umangat? Iyang BPO, iyang call center binanggit po niya, one million na trabaho na ngayon. Nalampasan po natin last year ‘yan. Ang tinataya po itong taon na ‘to, 1.3 million ang magiging trabahador ng BPO sector. Iyon po ‘yung nasa call center mismo, direct employee. Eh yung kinakainan nila may empleyado rin. Yung transportasyon para makapunta sa tanggapan, may empleyado rin. Iyong convenience store, ‘yung parang 7/11, kung saan sila namimili ng gamit nila, may empleyado rin. So, bawat empleyado sa BPO nanganganak ng tatlo hanggang apat na trabaho sa sektor na tumutulong sa kanila o ‘yung kailangan para masustena sila.

So, yung isang milyon diretsuhang empleyado dagdagan mo pa ng tatlo hanggang apat na milyon na nabigyan ng trabaho dahil si Mar Roxas hindi nangako magbibigay ng trabaho, naghanap ng trabahong makukuha ng Pilipino ginawa at iyan po ang resulta. Kaya, alam ninyo 25 billion dollars ang estimate na ipapasok ng industriyang iyan dito sa taon na ito 2016. Kwalipikado si Mar Roxas dahil ‘pag may nangangako, hindi ba, susupilin ang krimen, si Mar Roxas ho nag-isip na ng mga paraan na ginagawa na nagpapababa ng ating crime rate.

Isa pong sample, merong tinatawag ang kapulisan ‘One Time Big Time.’ ‘Pag pinakinggan mong ganyan, parang iyon yata ang mungkahi ng mga may pa-lotto station. Hindi ho ganun pala ang ‘One time Big time.’ ‘One Time Big Time—inipon lahat ng mga may warrant, hinanap, sino ba ang may mga warrant? Tinukoy lahat ‘noong mga may warrant. ‘Pag sinilbi ‘yung warrant of arrest minsanan, hindi installment plan. Ibig sabihin po ‘nun, isang beses lang sa probinsiya, minsanan aarestuhin lahat wala ng warning ‘yung mga nagtatago na mahigpit ang kapulisan na hinahanap sila lahat. Resulta: ang dami po sa pinaka-most wanted natin, arestado na, at ‘pag nawala ‘yung kanilang mastermind, ang lakas ho ng pagbaba nung krimen. Iyon po hindi ipinangako na babawasan ang krimen, ginagawa ni Mar Roxas noong SILG siya ang pagbaba ng krimen. Kwalipikado na naman si Mar Roxas. Hindi ho tayo matatapos ‘pag sinabi ko sa inyo lahat na kwalipikasyon ni Mar Roxas. Palagay ko alam naman natin eh.

Dagdag ko na lang ‘yung tanong: Subukan po natin ha, kwalipikado si Jojo Binay maging Pangulo ng Republika ng Pilipinas dahil _____? Hindi, bahala na kayo, minumungkahi ko ho pag-isipan lang niyo.

Kwalipikado si Grace Poe maging Pangulo ng Pilipinas dahil _____? Bahala na ho kayo kung meron tayong mailalagay doon.

Kwalipikado si Digong Duterte maging Pangulo ng Pilipinas dahil _____? Hindi, balikan ko lang ho ito ha, ‘pag mamaya ho pag-uwi niyo, sinubukan nga ho niyong lagyan ng anumang laman yung blangkong yun. ‘Pag wala tayong mailagay doon sa blangkong iyon na pinaniniwalaan natin, balik tayo: Saan ba tayo sigurado? O, di Mar Roxas ho ang pangalan niyan sa akin pong pananaw.

Huwag naman ho sa Mayo a-nueve boboto tayo, ika-sampu ng Mayo sasabihin natin napaspasan kami hindi kami nakapag-isip niyan. Hindi ho, may oras pa, pag-isipan nating mabuti. Lahat ng nagawa natin sa Daang Matuwid tatandaan na niyo kayo ang gumawa, kaya kayo po ang Boss ko eh. Maski maganda ang plano ko noong araw hindi naman niyo ako binigyan ng pagkakataon, wala tayong nagawa.

Pero hindi lang niyo ako binigyan ng mandato, sinamahan pa niyo ako sa pagtahak ng Daang Matuwid, kaya naman po, maski anong kailangang bungguin, binunggo ko dahil iyon po ang panata ko sa inyong iiwan kong mas maganda kaysa sa dinatnan ko. At doon ho ulit, kung wala kayo, wala tayong nagawa dahil nandyan kayo, ang layo at ang dami ng ating nagawa kaya maraming-maraming salamat po muli sa inyo.

Talagang nadadama ko na po ‘yung ina ko bumubulong eh. Lampas 10 minutes na. Pero kailangan kong iwan sa inyo ito: Itong huling dalawang araw na ito talagang sobra po akong talagang nagagalak dahil talaga naipakita sa akin ‘yung resulta ‘nung lahat ‘nung pinagpaguran natin.

Alam niyo, nakita ko ho ‘yung litrato ko noong 2010 eh, June 30, 2010. Tapos tinitingnan ko ‘yung buhok ko at saka ‘yung buhok ko ngayon eh. Buhok ko noon, buhok ko ngayon. Sabi ko, ang hindi lang nagbago ‘yung suklay ko. Pero noong araw ho baka limang minutong suklayan, ngayon po pwede na sa isa’t kalahati. Ngayon ho, ano ang napala ‘nung pagod, pawis, sama ng loob, dugo na binuhos natin dito?

Galing po kami… nasa Bacolod ho kami… Ay, tumuloy kami ng Negros Occidental kahapon, nandun po ako sa airport nila—alam ninyo nasa Silay, wala na po sa Bacolod City—so, medyo gabi na ho noong dumating kami pero nagugulat ako sabi ko, “Hindi ko maalala itong kalsadang itong mala-highway, parang katulad na ‘nung STAR na tollway sa Southern Luzon.” Pagkatapos po ‘nun, di eh naka ilang balik-balik naman po tayo sa Bacolod eh. Dati ho nang nangampanya ako nung senador, parang iisang kalsada ‘yung binalik-balikan namin para makausap lahat ‘nung kakausapin. Mga 13 ang kinausap naming grupo, isang kalsada lang dinaanan namin nakausap na namin lahat.

Eh ngayon ho meron silang tinatawag na Bacolod East at saka Villa Angela ho yata ang pangalan na lugar sa Bacolod. Pinakain kami kagabi ni Governor Marañon doon sa kanilang lugar, marami hong mga restaurant ang pangalan Marketplace. Yung Marketplace ho may restaurant ang pangalan Enting’s. Ngayon ho, maliban doon sa masarap ‘yung pagkain, unang-una, parang kaliwa’t kanan ‘yung mall na dati, ‘di ba, parang sa probinsiya magkaroon ka ng isang mall malaking bagay. Ito kaliwa’t kanan. Siyempre ‘yung Cebu ho asensado na eh. Pero dito nga ho sa Bacolod, parang lumawak bigla ‘yung Bacolod. Nakausap ko si Governor Freddie Marañon, sabi ko: “Manong, hindi ko maalala itong kalyeng ito, iba ba ang dinadaanan natin?” Sabi niya, “Iyan ang bagong diversion road namin para mas maayos yung biyahe mula airport papunta ng Bacolod.”

Ano po ang importanteng nakita natin doon? Meron pong biniling lupa ang Megaworld at saka ang Ayala doon po sa bayan ng Talisay sa Negros Occidental. Iyong bayan po ng Talisay pangkaraniwang bayan na agricultural maski anong parte ng Pilipinas halos pare-pareho. Dahil magtatayo ‘yung Megaworld at saka ‘yung Ayala—itinatayo pa lang, bakod pa lang ho ang nandun eh—nagtaasan na ‘yung presyo ng lupa doon sa lugar. Nagtaasan ‘yung presyo, dumagdag ‘yung kita ng munisipyo ng Talisay sa kanilang real property tax. Dahil tumaas iyon meron silang sa special education fund kung saan tinutustusan nila ‘yung mga mag-aaral nila sa mga kagamitan. Merong free meals, ‘yung pinapakain ‘yung kanilang kabataan hanggang Grade 4. May dagdag na umento ‘yung kanilang mga teacher. Ulit, dahil nakikita na paasenso itong bayan nila inumpisahan ‘nung Megaworld, inumpisahan ‘nung Ayala, bakod pa lang nakatayo, medyo talagang naangat na ‘yung Talisay.

Ano ho ang punto ko nito? Bigyan ko pa ng isang halimbawa. Sa Maynila naman, Food Terminal Incorporated, pagkatagal-tagal nandiyan ‘yan, halos walang silbi. Tinanong ho ako noong unang parte ng termino natin sabi, “Sir, ibenta na natin ‘yan.” ‘Pag ibinenta natin yan makikita ‘yung assets sa gobyerno gusto natin ma-develop, ang magde-develop private sector. Sabi ko, magkano natin maibebenta? Sabi nila sa akin 11,000 per square meter. Sabi ko, “Sandali lang, FTI, ito; isang bakod ang pagitan, Bonifacio Global City. Bakod lang ang pinag-usapan 11,000 dito, 35,000 per square doon, lugi naman yata ang gobyerno. Ilan kaya ang ganyang lupa pa ng gobyerno sa gitna ng Metro Manila na puwedeng ibenta? Sabi ko, “Kung ganyan lang ang presyo, ayoko. Hindi pwede.”
Sabi ko sa kanila, “Sabi niyo sa akin gaganda ang ekonomiya?” Ito po ‘yung economic advisers natin, “Next year.” Eh di next year, maski wala tayong gawin tataas ang halaga ng lupa? So, naghintay ho kami. Isang taon. Binenta after one year, ‘yung 11,000 naging 33,000 per square meter noong binili ng Ayala. Noong binili ng Ayala pinagtawanan pa sila, “Ang mahal ng pagbili niyo diyan.” Ngayon po, 150,000 na per square meter, nagtatayo pa lang sila nung mga gusali diyan. Iyong ginawa doon sa Talisay, binakuran pa lang, iyan ang masasabi natin, noong pag-upo ko po, dapang dapa ang Pilipinas. Ngayon, ‘Asia’s Rising Tiger.’ Natuto na tayong tumayo, natuto na tayong lumakad, o di parang ganun, lumalakad na po ang ekonomiya, paasenso sa Talisay at marami pang ibang lugar sa Pilipinas.

Susunod namang mangyayari, aarangkada tayo. Tatakbo na tayo. Iyong lote pa lang ngayon na may bakod, magkakaroon ng mga gusali, magkakaroon ng trabaho, magkakaroon ng iba’t ibang paggamit na talaga naman pong makikita natin trabaho ng Pilipino, pag-angat ng kabuhayan ng Pilipino, pagdagdag ng kakayahan ng gobyernong makatulong ka, may pangpondo rin tayo diyan sa college na pagtutulungan nating mga nasa 4Ps ngayon.

Pero may pero. Paano kung iba ang pananaw? Paano kung baligtad sa Daang Matuwid ang gagawin? Paano kung puro pansarili lang ang itutulak? May mangyayari kaya sa atin? At ‘pag nadapa na naman tayo, sana magkaroon tayong tsambang na makatayo tayo ulit. Sana ‘pag nakatayo tayo pakinggan na naman tayo ng daigdig, ng komunidad, na pwede na ninyo kaming pagkatiwalaan ulit, na maganda kaming partner niyo.

Bakit natin kailangan pang isugal? Bakit pa tayong kailangan pang madapa para bumangon kung patakbo na tayo ngayon? Paarangkada na, at babalik ho ako, wala naman akong ipinagmamalaki, di ba, kung hindi kasama ko kayo. Kaya’t sa umpisa hanggang sa ngayon ang lakas namin simpleng-simple lang: Ang taumbayan ang lakas na aming sinasandalan. 72 days from now pababa na po ako sa pwesto, pareho tayong mga ordinaryong mga mamamayan. May idudulog kayo sa aking problema, kung kaya ko bakit hindi ko kayo tutulungan? Pero bawas na po ‘yung kakayahan ko dahil ordinaryo po akong mamamayan. Palagay ko po, huling beses ho makikiusap ako sa inyo.

Ako po pinayuhan, “Huwag ka nang mangampanya, wala ka ng kalaban. Mag-retire ka na. Mananahimik ka na.” Sabi ko, baka nga praktikal yun? Pero ang tanong, tama ba ‘yun? Tapos niyo akong tinulungan, tapos itong pinaghirapan natin, tapos ang naabot na nating ito, wala na akong pakialam? Hindi ko yata masabing ganun. Hindi yata maatim ng konsensiya ko. Kailangan ‘pag nagkahiwalay tayo at naiwan ko kayo, sigurado ang kalagayan niyo na hindi lang maganda na, pero talaga namang paarangkada na ang pag-angat natin dito sa buhay.

Paano natin gagawin iyan? Kayo pong nandito, kanina binanggit na nga ninyo si Mar Roxas ang kwalipikado. Baka pwede lapitan natin ‘yung mga ibang naliligaw. Ipaalala natin kung ano na ang dinaanan at pina… iyong, ‘di ba, may kasabihan ho, ‘para makita mo ang paroroonan, tingnan ang pinanggalingan.’ Ipaalala natin doon sa naliligaw nating mga kababayan kung saan sigurado tayong magpapatuloy ang pagbabagong nangyayari sa ating bansa. Kailangan ko po ang tulong niyo. Kailangan ko pong makalapit, makakatok sa bawat puso para masigurado natin ‘yung kinabukasan ng susunod na salinlahi hindi natin sinusugal, hindi natin dinadaan sa tsamba. Iyong sulit raw ho talaga ‘yung pinaghihirapan. Kailangan hong paghirapan natin ito para talaga namang hindi lang mapantayan ang ginawa natin sa pagtahak natin ngayon, malampasan pa.

Mangyayari iyan kung tayo po, tulad ng dati magsama-sama at magtulungan. Kayo na ho ang bahala. Ang sabi sa akin ng aking mga magulang: Magtiwala ka sa mga kababayan mo. Mangyari na ang mangyari parating tama ang gagawin nila. Iyon po ang paniniwala ko. Umaasa po ako sa inyo. Pagtulungan nating garantiyahan na talagang lalo pang gaganda ang ating minamahal na Inang Bayan at ang ating buhay ng ating mga kababayan ay talagang masisigurado.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.