April 18, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Samar
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Samar |
Calbayog City Sports Center, Calbayog, Samar |
18 Apr 2016 |
Mga kasama, tingnan niyo, meron akong konting kodigo dito ah. Sa totoo lang, ang hirap pong magtalumpati ngayon dahil nagpapaalam na po ako. Kayong mga Boss ko, kailangan kong sabihin sa inyo, ano ba ang napala natin? Pag nilista ho natin kung ano ang napala natin, mas mahaba pa ho yung talumpati ko kaysa doon sa mga kandidato. Nakakahiya naman yata yun, so sabi ko, “Puwede ba, summary na lang?” Yung summary ho, tignan niyo, umabot pa ng lampas kalahating pahina; nagtawaran pa ho kami nito. Yung writer ko, malapit na yatang mag-resign. Sabi niya, “Gusto mong sabihin lahat, gusto mong sabihin nang maiksi, paano ko ba gagawin lahat yun?” Pero yung highlights lang po ano.
Alam niyo, sa Department of Agriculture, ang dinala raw po—ang report sa akin ah—kunwari farm-to-market roads po: P435 million mula 2011-2016 sa farm-to-market roads; irrigation: P2.32 billion; yung atin pong fishport and community fish landing centers–palagay ko, mali nang konti tong figure na ito–pero yung coconut industry rin po, yung tinutulong na P75.73 million; flood control lang ho: P2.4 billion; yung infraroads and bridges, ports, airports, school buildings, health facilities, government buildings–nung bago ho tayo naupo, 2005 to 2010: P6.17 billion. Sa pinagtulong-tulungan po natin: nasa P12.94 billion na po ang naihatid dito po sa inyo sa Samar. Pantawid Pamilya po: nasa 96 percent na tayo ng target dahil meron na tayong 57,711 na mga kabahayang tinutulungan. Yung TESDA po sa kanilang Training for Work Scholarship Program, ang graduate na po: 3,500. Classrooms ho, target sa Samar: 2,697 matatapos itong taon na to. PhilHealth po, dito lang po sa Samar, 785,000 na po ang miyembro ng PhilHealth; kabilang po yan dun sa 93 million na miyembro sa buong Pilipinas. Noong araw ho kasi, pag mataas, parang 51 million, yung mababang figure: 47 million ng mahigit isandaan milyong Pilipino lang ang miyembro ng PhilHealth. Ngayon po, 93 percent na, tinatrabaho nating pataasin pa. Ano ho bang gusto kong iwan na mensahe sa inyo? Yung kanina, pinapakinggan ko si Mel, at lahat ho ng sinabi niya ay totoo. Gusto ko sanang sabihing lahat ng sinabi niya, sang-ayon ako, totoo lahat yan, noong sinabi niyang parang humihingi siya sa national government ng tulong. Ako po, congressman, ’98 ako nag-umpisa, problema namin sa Tarlac yung baha. Baha pag tag-ulan, pag tagtuyot, wala namang tubig. Ngayon ho, pag tag-ulan, ultimo yung MacArthur Highway—yan po yung Manila North Road. Mataas yung Tarlac River, aapaw, pupunuin si aspaltadong MacArthur Highway, matutunaw, bako-bako. Bago mai-repair yun, palaki nang palaki ang butas. Yung mismong 10-wheeler truck, talagang tumatabingi habang dumadaan diyan, mahina ang daloy niyan. So, budget. Ang budget nanggagaling sa Kongreso—congressman ako e, ipinaglaban ko. Awa ng Diyos, wala hong maibigay na tulong. Ultimo PDAF namin, dinamay na namin para lang mapaayos yung Manila North Road na national road—noong araw po yun. Ngayon po kasi, napagtulong-tulungan natin: 18,000 kilometers ng national roads. Meron hong 2,500 na tourism roads. 3,000 plus naman ho yung farm-to-market roads na napagawa. Balikan ko po: Dati ho—Mel, nakuwento mo na siguro yung firetruck. Hindi pa? Baka humaba ho yung talumpati ko dito, nakakahiya, hindi ho ako kandidato e. O si Mel, mayor niyo, inimbita sa kumperensya sa abroad. Pagpunta ho doon, nauna raw ho sa kanya yung delegation ng Japan—Mel, sabihin mo lang kung nagkakamali ako ah—tinignan yung pasaporte, sinabi, “Uy! From Japan, please. Welcome to our country, you may proceed.” Dumating yung taga-Singapore, “From Singapore, again, we’re proud to have you as our visitors. Please proceed.” Dumating si Mel, tinignan yung passport, “From the Philippines,” tinignan si Mel, tinignan yung passport, tinignan si Mel ulit, tinignan yung litrato, tinanong si Mel, “Purpose of visit?” Sabi niya, “I was invited to this conference here,” “You have proof that you were invited?” So naglabas pa ng sulat si Mel. Madaling salita, medyo matagal-tagal pero pinapasok rin. Tapos siyempre sa mga kumperensyang yan, magne-network ka, makikipag-ugnayan ka sa ibang kapwa mo mayor, baka may maitulong ka sa kanila o kaya may maitulong sa iyo. So dala-dala ni Mel noon, 100 calling cards para dun sa kumperensya. Para madali, kokontakin siya. Pag-uwi raw niya, 101 ang dala-dala niyang calling card. Parang may nagsauli pa yata ng isang calling card na napamigay niya dati. Sabi niya, pag nagpupulong-pulong, pag nalamang taga-Pilipinas raw nung panahon na mayor siya, wala raw gustong lumapit, dahil akala raw nila pag galing sa Pilipinas, may mayor lumapit sayo, tatanungin ka, “May sobra ba kayong firetruck?” “May sobra ba kayong ambulansya?” So lahat ang umiiwas na baka mahingan, tatabi pag nalamang sa Pilipinas. Dumating nga ho ang isang punto, si Cesar Purisima, ating Secretary of Finance, merong kumperensya ring pinuntahan, may tinatawag na session, breakout session, maghihiwa-hiwalay, mag-uugnayan kayo. So bigyan kayo ng silya, mesa, lahat ng interesado sa bansa mo, pupunta dun, makikiupo, makikipag-usap sayo, talaga raw nilalangaw noong umpisa yung mesa ng Pilipino. Si Cesar Purisima, nandoon mula nung umaga, hapon na, wala pang kumakausap sa kanya. Maya-maya ho, talagang late afternoon na po, mga 2 o’clock, 3 o’clock raw ho yata, may lumapit sa kanya. Si Cesar, biglang nag-ayos ng konting kurbata, sabi niya, “Sa wakas, may kakausap na rin sa akin.” Pagdating sa kanya, nakangiti si Cesar, siyempre ang laki, nag-aakit ka ng investor e. Sabi ho sa kanya ng lumapit, “Puwede ho bang mahiram tong silyang to?” Ganoon ho ang reputasyon ng Pilipinas, kaya nung sinasabi ni Mel na nasasaktan siya pag sinasabing, parati ang Samar, one of the poorest provinces, damang-dama ho namin lahat yan. Ako po bilang Pangulo niyo, kailangan mag-attend ng ASEAN na meeting. Yun ang unang trabaho ng Pangulo na miyembro ng ASEAN na bansa, iikot ka sa mga kapwa miyembro ng ASEAN. At sa totoo lang ho, hindi lang sa kanila, pero may mga iba pa tayong heads of government na nakausap, heads of state, pag kinakausap ko, damang-dama ko para bang pinagbibigyan lang tayong kausapin. Yun bang, para bang, “Aksaya namang kausap tong mga to. Wala naman tayong mapapala kausapin ito.” Pero noong araw ho lahat yan. Balikan natin, noong araw, baka nilalayuan si Mel dahil hinahanapan, baka maghanap si Mel ng “Baka may sobra kayong lumang fire truck diyan, baka may luma kayong ambulansya diyan, baka may luma kayong police vehicle diyan.” Noong araw po yun. Ngayon na kalihim na si Mel Sarmiento ng DILG, siya na ang namumudmod ng fire truck, ng police vehicle. At hindi ho palakasan yan. Kung ano ang pangangailangan, binibigyan lahat, kapartido, hindi kapartido. Kasama na yung bumabatikos sa atin, palagay ko Mel, nagkaroon na rin sila—sa bagay, iilan na lang po yun na sinserong bumatikos. Siyempre, naumpisahan ho yan, panahon ni Mar na kalihim, ang nagpapatupad, nagpapatapos po nito, ulit si Mel. Kung ano mang sasabihin ko kay Mel, ginawa rin ni Mar yan, inumpisahan niya. Ngayon ho, dagdag ko pa: Di ako rin ganoon, pag kinakausap ka, parang pinagbibigyan ka lang. Isang beses ho, isa dun sa pinakamayamang bansa, miyembro ng ASEAN, hindi ko na ho babanggitin kung sino, nagkaroon kami ng kumperensya, naghiwa-hiwalay kami. May mga kausap kaming private sector, host government, lumingon sa akin, sabi sa akin, “President Aquino, our economy did 1 point.” Parang 1.8 percent yata, 1.6 percent yung GDP growth nila. “Yours”—parang noong panahon na yun, nasa 7 percent yata tayo eh. “You did 7, what is the secret?” Yung dating parang medyo hirap pa ako kausapin, ngayon tinatanong ako ano yung sikreto bakit maganda yung ekonomiya natin. Siyempre sa loob-loob ko naman, “Ikaw naman, ngayon pa lang kami nakakahabol, babahagian ka pa ng secret. Baka puwedeng itago ko na lang muna to. Humahabol pa lang kami.” Ang totoo po niyan, para naman diplomatic ties, sinabi ko na lang, “We are just following your example.” Ginagaya lang namin kayo. O, di hindi na siya nagtanong, dahil maganda yung halimbawa nila. Ano bang punto, ano ba yung mensahe? Noong araw ho talaga, aaminin ko sa inyo, tumakbo ako ilang beses. Dito, senador, nung una akong lumapit sa inyo, tapos pagkatapos po nun, bilang Pangulo at pinagbigyan niyo ako. Ang dami nating napagtulong-tulungan. Ulitin ko lang ho: Pag sinabi niyong infrastructure, 18,000 kilometers ng national roads. Pag tulay yung pinag-usapan natin, 107,000 lineal meters ng tulay. Pag sinabi natin yung ekonomiya, 6.2 percent average growth taon-taon. Pag sinabi natin trabaho sa kabataan, yung kay Joel, sa TESDA, 9 million course graduates. Yung 9 million course graduates pong yan, inabutan natin, 28 percent lang ang nakakahanap ng trabaho, anim na buwan tapos mag-graduate. Ngayon po, nasa 72 percent na. At, yung ibang talagang nakipag-ugnayan na mga negosyo sa atin, tulad ng semi-conductors, nasa 93 hanggang 96 percent ang placement rate. Mag-training ka, makakatrabaho ka within 6 months. Bigyan ko kayo ng halimbawa ng mga graduate nila. Merong isang babae, taga-Pangasinan. Nagkaroon siya ng kontrata sa Middle East para magtrabaho. Dahil accountancy ang kinuha niyang kurso, sabi sa kanya, gagawin siyang cashier, kahera. Pagdating doon, pinalitan yung kanyang trabaho, ginawa siyang domestic helper, minaltrato pa. Nakatakas, natulungan ng embassy natin, nakauwi. At gulong-gulo raw ho siya pag-uwi niya, malamang umutang para maka-abroad. Hindi naman natapos yung kontrata, hindi siya nabayaran. “Paano ko ba babayaran tong utang ko? Ano kayang mangyayari sa akin?” At ang salaysay po niya, nag-iisip na siyang magpakamatay. Talagang gulong-gulo raw ho ang mundo niya. Nasabihan naman siya na OFW siya, nakabalik ka, may scholarship programs. Nag-training siya, massage therapy ho yatang pangalan, tapos yung wellness, yung health wellness na hilot. Itong dalawang kurso po sa ilalim ng TESDA, nakakuha siya ng trabaho sa isang spa, naging operations manager siya. Ngayon po, apat na yung tinayo niyang spa, siya na ang may-ari ng apat na spa. Nagpa-franchise pa siya ng mga spa. Tatlo na po ang branches niyang franchise, puwera pa doon sa apat na tangan niya. Di ba parang nasusulit na ho lahat ng pagod pag nakakarinig ka ng pagkakataon na ang kababayan natin, mula sa walang-wala, e talagang paliwanag nang paliwanag ang kanyang kinabukasan. May isang ale ho, nagsalita naman sa Pampanga, beneficiary ng 4Ps. Sabi niya, “Ako nagtitinda-tinda lang, iniwanan kasi ako ng asawa ko. Iniwan sa akin pitong anak.” Ngayon ho sa Tagalog, pag sinabing “nagtitinda-tinda,” hindi permanente ang trabaho. Paminsan-minsan nakakatinda, paminsan-minsan may kinikita, may ipapakain pag kumita. So paano nga ang gagawin niya ano, kung ganoon ang sitwasyon? Dahil sabi niya, dahil sa 4Ps, tatlo sa pitong anak niya, napagtapos na po niya ng high school, tapos yung tatlo, permanente na ang trabaho, may kadamay na siya para doon sa pag-aalaga ng apat pang mga kapatid na hindi pa natatapos. Ngayon, bakit ko ho ibinibigay tong mga halimbawang to? Siguro ang mensahe ko simpleng-simple lang: Lahat ng nagawa natin nitong anim na taon na to, puwedeng nagawa bago tayo naupo, puwedeng inumpisahan nung 2000 hanggang 2010. Kung ginawa noong 2000 hanggang 2010, ilan na kaya napatapos natin, hindi lang ng high school, pati kolehiyo? Ilan kaya ang nagkabaon-baon sa utang na ngayon natutulungan ng PhilHealth pag nagkaroon ng karamdaman? Ilan kaya ang itinaas ng ani kung naumpisahan na lahat itong irrigation project noong kakailanganin talaga? Pero yun, di na rin natin mababawi raw yung dati. Pero puwede nating ayusin yung bukas. Nakita ho niyo yung panahon, di ba panahon pa ng nanay ko, sinasabing poorest provinces, parating kadamay: Samar. Ngayon ho pag tinitingnan natin, ano ba ang sinasabi sa atin? Kunwari ho diyan sa aquaculture, mayroong produktong ngalan ay abalone. Hindi ko alam ang pangalan sa inyo dito, pero sa Mexico parang kada kilo, yung nakalata, isang lata, mga ganyan kalaking lata—yung maliit na lata ng gatas noong bata kami ni Mel—mga ganoong size, P5,000 hong binebenta sa Pilipinas. Pero yun ho, inumpisahan na magkaroon tayo ng raising dito sa Guiuan at maganda ang resulta. Ang sinasabi lang, pabayaan natin lumaki-laki muna yung abalone bago naman niyo anihin na. Pero ang laki talaga pag nagawan natin ng process. Isa ho sa pangunahing export ng Mexico yan, puwede nating sabayan yan. Bakit wala pa masyado ngayon? Nadamay rin ho sa Yolanda yan e. Sa niyog, pasukan natin. Sa niyog ho, ang sabi sa akin, kada ektarya ng pagniniyog—sa Tarlac ho, hindi kami masyado nagniniyog eh. Sa amin ho palay saka asukal. Sa niyog, pag ang kikitain mo raw, kada ektarya, kada taon, P20,000. Tama ba yun? More or less sa pagkokopra. Pag tinamnan mo yung gitna, intercropping. Puwedeng madagdagan yung income ng mula P80,000 hanggang P170,000 per hectare. Ang itinatanim diyan puwedeng saging, puwedeng mais, puwedeng kakaw, puwedeng kape. Pinakamalaki hong kita yung sa kape. Ulit no, pagitan ng puno, wala ka namang ginagawa, tamnan. Yung itatanim natin may merkado pa, yung Nestle. Ang sabi nung Nestle, inaangkat namin sa Pilipinas, para mapunuan yung pangangailangan sa Pilipinas pa lang, 80 porsyento noong tayo’y naupo, ngayon po 70 percent, nadadagdagan na yung local. Ang ambisyon lang, baliktarin. Ang aangkatin, 20 porsyento; ang galing sa Pilipinas, 80 porsyento. Sa madaling salita po no, ang hinaharap natin, yung sa pagniniyog, mula—parating sinasabi, ang mga nagniniyog ang pinakamahirap na sektor sa magsasaka. Mayroon na ho tayong susi para palakasin, isagad yung kita dito nga ho sa magsasaka. Ngayon tatanungin niyo, “Bakit hindi pa full blast?” Alam ho niyo, meron tayong gagamitin sana, yung Coconut Levy Fund. Hindi naipasa ng Kongreso yung batas. Nagdesisyon yung Supreme Court, medyo itong latter part na ho, na puwede na, pera ng publiko yan, puwede nang gamitin ng gobyerno. Hindi napasa yung batas. Paano gagamitin? Naglabas tayo ng Executive Order, dinala na naman sa Supreme Court, na-TRO tayo ngayon, hindi natin maituloy-tuloy yan. Pero simpleng-simple lang ho ang habol niyan: Nandiyan na sa niyog, may pondo, gamitin natin nang tama, palakihin. Hindi dumoble, hindi lang trumiple yung puwedeng kitain. Parang pinakamababa, apat na ulit ang puwedeng kitain nung magniniyog. Isama ko pa diyan si Dr. Arboleda ng Bicol State University. Siya yung nagdevelop ng coco net o coco coir. Ang bago ho niyang proyekto, tinulungan ang gobyerno, magtatayo ng pabrika ng lahat ng puwedeng makuha sa niyog, maliban yung kopra. Ibig sabihin po niyan, yung coco coir, yung coco peat, yung coco sugar, yung coco water. Paano ba maisasagad ang kita ng nagniniyog? Malapit na hong matapos yung pruwebang itinayo nilang factory. Ang sabi ho sa atin, pag naitayo yung pabrika, tatlong taon, bawi yung kapital. Yung kapital, puwedeng ibigay sa susunod na grupong magsasaka. Sila naman magkakaroon ng sariling factory. Ibenta yung kopra, tapos niyan marami pang ibang produkto. Yung dating itinatapon na tubig, di ba, coconut water, nasa 16 million liters na ho, ine-export natin iyan. Yung bunot na sinusunog, kukunin natin yung fibers, export item pa ho yan. Kinakapos na tayo. Sa Pilipinas lang, mga 5 million square meters na po nitong coco net ang ginamit natin. Ulitin ko lang ho ano, wala ho akong probinsyang pupuntahan, wala akong lugar na pupuntahan na hindi natin masasabing ang dami ng napagtagumpayan natin. Isa ho sa pinakagusto ko no, noong kongresista po ako, taon-taon, ang kaya lang na klasrum na gawin ng buong bansa, 8,000 na klasrum. Ngayon po, pagbaba ko sa puwesto at tong taon na to, matatapos natin sa pinagtulong-tulungan natin, 185,000 na klasrum sa buong Pilipinas. Ibig sabihin ho nun, pag nagsalita tayo, gusto nating iangat ang kabuhayan ng Pilipino, gusto nating bigyan ng lahat ng oportunidad ang bawat Pilipino. Hindi ho pangako yun. Nandiyan na eskwela, kung nahihirapan ang pamasahe ang magulang mo, may Pantawid. Kung masama ang kalusugan mo, nandiyan ang DOH, nandiyan ang PhilHealth, para tulungan ka, para makapag-aral ka. Habang nag-aaral ka, nagyayaya tayo ng mga investor para magkaroon ka naman ng trabahong mapapasukan. Nakikipag-uganayan tayo sa kanila, “Ano ba ang kailangan niyong trabahador sa ganitong petsa?” Pag nag-graduate yung bata, maski high school lang, may papasukan na trabahong maayos. Kinukumpleto natin. Ulitin ko ho: Di ba eleksyon ngayon e. Lahat na lang ng mapapanood natin sa tv na kandidato, kaliwa’t kanan ang pangako. Siyempre, lahat ng nangangako, parang manipis dun sa “Paano mo gagawin yang pangako mo?” Dito ho sa Daang Matuwid, di na tayo nangangako, maliban sa itutuloy natin at papalakasin pa, yung dating dapang-dapa tayo, tumayo tayo, naglalakad na tayo ngayon, gusto natin ngayon tumaktabo naman. Hindi tayo makakatakbo nang palapit nang palapit dun sa gusto nating puntahan kung ang coach naman natin, dadalhin tayo left turn. Ayaw ng mga misis yung left turn. Baka mai-right turn. Pero ang pinakamadugo, u-turn. Ibalik tayo sa dating kalakaran. Lahat ng ginawa natin, puwedeng ginawa ng nauna sa atin. Pero iba ang direksyon nila e. Yung pinalitan ko, alam naman niyo, ang interes, paano manatili sa kapangyarihan. Dapat ang interes ng gobyerno, parati: Paano ba tayo makatulong dun sa kapwa natin? At hindi yung gagarantiyahan natin na: Sumama kayo sa amin, siguradong ganito. Hindi ho. Ang kaya namin isigurado sa inyo: Isagad natin lahat ng oportunidad na puwedeng makuha at magamit ng bawat Pilipino. Magtatagumpay ka, siyempre nasa kababayan na natin yan. Pag may dumating at sinabing, “Garantisado itong mangyayari.” Teka muna ano, paano mo gagawin yan? Okay, bigyan ko ho kayo ng isang sample. Sabi ho ng isang kandidatong kalaban ni Mar, “Alam niyo yung 4Ps na yan”—nung araw ho, nung 2013, iniimbestigahan ng anak niya eh; ngayon naman na nakitang mataas ang sumusuporta sa 4Ps, kasama na natin siya. “Yang 4Ps, gagawin kong 5Ps,” [tawanan] di ba? “At habang ginagawa ko ang 5Ps, babawasan ko yung buwis.” Ngayon, yung mga maybahay ho dito, pag may asawa kayo, yung asawa niyo umuwi at dineklara, “Sa susunod na buwan, babawasan ko ang budget mo. Pero habang binabawasan ko, dapat dagdagan mo yung mabibili mo ah.” Puwede ho ba yun? Hindi natin tinaasan yung buwis eh. Pero siya babawasan niya, pero dadagdagan niya yung serbisyo. Kayo na ho, kayo na ang bahala kung dapat paniwalaan yung ganung klaseng mga statement. Yung magdadagdag ng milyon-milyong trabaho taon-taon, sana magawa mo nga yan, sabi ng isang kandidato naman. Tanong ko naman: Paano mo kaya gagawin yan? Ulitin ko ah, sa atin po, hindi trabaho lang, kasi noong araw dumadagdag yung numero eh, pag mayroong survey. Ano yung trabaho? Nagwawalis ng highway, temporary basurero. Yung sa atin ho, ang hinahabol natin permanenteng trabaho. Kaya lowest unemployment rate tayo sa loob ng isang dekada. Nasa 5.7 na po ang unemployment rate natin ngayon. Alam niyo, kanina ho may nakita ako poster naman ng isang tumatakbong Vice President. Sa loob-loob ko: Dito sa Samar, umaasa kang makakakuha ka ng boto? Parang tanda ko, parang magkakadamay kami noong Martial Law e. Tama ho ba? Noong lumaki ang NPA dito nung panahon ng Martial Law, tapos umaasa kang habang sinasabi mong wala kang ginawang mali at wala kang dapat ipaumanhin, malaki ang suporta mo dito. Baka naman pagdating ng araw ng halalan, isa ka sa magsasabing, “Nadaya ako.” Alam niyo, sorry lang ho ah, pero di ba eleksyon, ang daming tumatakbo, hindi naman puwede lahat manalo. Biro nga raw ho sa Pilipinas, dalawa lang ang kandidato. Yung nananalo at yung nadaya, di ba? Ako ho, ni minsan sa buhay ko, hindi ako nandaya para sa sarili ko. Wala akong balak na papayagan may mandaya dito. [Palakpakan] Obligasyon kong manigurado na yung gusto ng taong-bayan, yun ang umiral pagdating ng ika-9 ng Mayo. Nararamdaman ko na ho ang nanay ko eh, parang bumubulong sa akin, “Hindi ka kandidato. Kanina pang nandito ang lahat ng kausap mo, baka pagod na sila, umunawa ka naman.” Siguro, ito na lang ho gusto kong iwan sa inyo: Unang-una ho, gusto ko magpasalamat sa inyong lahat. Talagang pag narinig natin noong araw, “It was an honor and a privilege to have served you,” parang salita lang yun eh. Pero sa lahat ng masalimuot na dinaanan ko habang nanunungkulan ho ako, talagang isa lang naman ang sinasandalan ko e: Basta naniniwala kayo sa akin, at nasa likod ko kayo, maski ano pang hamon, haharapin ko dahil palagay ko hindi tayo kayang harangin ninuman. [Palakpakan] Kaya doon po masasasabi ko, ang lahi natin, dakilang lahi talaga. Alam kung anong tama at mali. Alam na pag ito ang tama, ipinaglalaban yung tama; mabigat yung hamon, hindi natin inaatrasan. Lalo na pag sigurado tayong nasa tama tayo. Kaya talagang honor po na maging pinuno ng isang dakilang lahi tulad natin. Ngayon ho, mahigit 70 days na lang po ang natitira sa atin, sa aking termino, sa ibinigay niyo sa aking mandato. Kailangan ho, di ba, maghanda tayo sa pagsasalin ng poder. At aapila ho ako sa inyo, baka last time na ho sa buong buhay ko, lahat ng ginawa natin ngayon, dahil sa inyo. Kayo ang nagbigay ng tiwala sa akin, kayo ang umalalay sa akin nung nandoon ako, kayo ang tumutulong sa akin hanggang huling araw ko sigurong nanunungkulan, at ang layo na nga ng kayang gawin sa Pilipinas. Nabaliktad na natin yung konsepto na noong araw, kung gusto mong umasenso, lumayas ka ng Pilipinas. Ngayon nagbabalikan na yung ilang mga kababayan natin, mga 400,000 na po ang bumalik sa Pilipinas nating OFW. [Palakpakan] Pero ang pinakamaganda nga ho, umpisa pa lang ho to. Yung pinag-aral natin dahil sa 4Ps, pa-graduate na yung iba sa high school, mayroon pa iba sa college diyan. Mag-uumpisa nang bumawi sa tinulong natin sa kanila at tayo kaya natin ipagpatuloy yan eh. Pero importante ho, siguro hindi yung mga nandito na, sa dami naman hong nakadilaw, palagay ko kumbinsido na kayo. Pero kailangan nating hanapin yung naliligaw. Kailangan natin harapin at kausapin, at kumbinsihin na maski anong bago, maganda subukan eh. Pero yung iba na rin ho yung sigurado. Bakit isusugal yung kinabukasan ng susunod ng salinhali kung puwede naman natin igarantiya na paarangkada tayo? Yun lang ho siguro ang dapat nating itanong. Alam niyo, talagang ayaw ko ho maging emotional pero aminin ko ho sa inyo, noong 2009, noong unang sinabing tumakbo ako, talagang sa loob-loob ko, “Bakit ako ang patatakbuhin niyo? Pamamanahin niyo ako problema nitong aleng to na hinaharang ko, at pag hindi ko na-solve kahapon, galit kayo.” Pero ngayon na nandito na tayo, lumilingon sa nakalipas at nakita natin, di ba, lahat ng mga napagtagumpayan natin. Kunwari na lang ho, nagbibiruan ho kami noong isang araw. Yung C-130 natin nung dumating ako sa puwestong to, malaki ho, isa. Ngayon po, apat na, magiging lima pa. Yung dati ho, parang may lalapit sayo, humihingi ng tulong, baka matulungan mo, mabigyan mo pambili ng bigas tong araw na to. Ngayon ho, tinuturuan na natin sila paano sila makabili ng bigas nila, hindi isang araw, kundi araw-araw. At tinulungan na na rin natin yung magsasaka para paramihin yung ani ng kanyang bigas. Talagang sa lahat ng dinaanan natin, masasabi ko sa inyo, mata sa mata, na talagang wala tayong hindi kayang abutin. Pero hindi tayo puwedeng kinakaladkad, kayo ang may poder, magdedesisyon nang saan tayo tutungo. Gamitin nating tama yan. Ulit-ulitin ko lang ho: Mar Roxas, Leni Robredo, sigurado. [Palakpakan] Sa mga kalaban po nila, ang pinakamaganda nang masasabi natin: Baka mas magaling sila, baka tumotoo sila sa sinasabi nila, baka puwede nating pagkatiwalaan. Pero siyempre, may “baka” eh. Yung kabila noon, baka naman hindi rin natin dapat pagtiwalaan, baka naman hindi tumotoo, baka naman di nila alam kung saan tayo dadalhin. O, parang ang dali naman yatang kuwentahin yun: baka o sigurado? At huling-huli na ho talaga to—maaga pa naman sa pupuntahan ko. Alam niyo ho, kunwari ho yung nanay, ang dami kasing nagsasalita sa 4Ps, narinig ko kasi sa testimonya at yung iba pa, yung nanay na iniwanan ng asawa na pito ang anak na napatapos niya na yung tatlo, lumapit sa atin ngayon, tumuktok sa mga puso natin. Sabihin niya, “Ilan kaya sa inyo ang nakakaalam na wala kayong diretsuhang pagbunot sa bulsa niyo, ang laki ng itinulong niyo sa pamilya namin?” Walang pabigat sa inyo, di tayo nagtaas ng buwis maliban sa Sin Tax. Inayos yung panggastos ng nakukuha nating pondo. Tatlo sa pitong anak, graduate ng high school. Permanente na ang trabaho. May apat pa na binubuno niya. Kunwari lumapit sa atin itong inang to saka yung iba pa, yung 4.6 million na kabahayan ng 4Ps at sinabi, “Nakikita na namin ang liwanag eh, baka puwede ituloy na niyo yung tulong niyo, may apat pa akong binubuno. Pagtapos na natulungan itong apat ito, di na kami kailangan lumapit sa inyo, kaya na namin tumindig sa sarili naming mga paa. At kaya na namin iayos ang buhay namin. Pero kailangan pa namin ng konting alalay.” Sino ho kaya sa atin magdadamot nung pag-aalalay sa kanila na wala naman pabigat sa atin? Palagay ko ho, lahat tayo, sasabihin natin, “Bakit ka namin hindi tutulungan, kapwa ka namin Pilipino? Habang tinutulungan ka namin, umaasenso ka, umaasenso tayong lahat. Pag may naiwan, hahatakin tayo pababa. Pag sinama natin, sabay-sabay tayong paangat nang paangat nang paangat.” Yang bukas hong maganda, tangan na natin sa kamay. Nasa atin na yan kung bibitawan natin, nasa atin rin kung magkakamali tayo at ako ho, tinuruang umasa sa ating mga kababayan, parati sa huli, tama ang magiging desisyon. Manindigan tayo doon, lumapit tayo sa lahat ng ating malalapitan at siguraduhin natin yung Daang Matuwid na kung saan naglalakad na tayo ngayon, bukas, tapos nang ika-9 ng Mayo, tumatakbo na tayo dun sa Daang Matuwid na yan at ang layo lalo ng maaabot natin. Ako po’y magpapaalam na sa inyo, talagang honor na paglingkuran kayong lahat. Talaga hong mahirap na siguro tingnan ko yung pagtapos nito, ano pa kayang mas matayog na puwede kong maabot sa buhay kong ito. At dahil sa inyo, palagay ko naman ho, puwede kong harapin ang nanay at tatay ko, masabi ko sa kanila: Hindi sila nagkamali noong ibinigay ng tatay ko yung pangalan niya sa akin. At lalong, hindi sila nagkamali noong ako’y tinawag nilang favorite son. Noong bata pa ho ako, damang-dama ko yun. Kasi mga kapatid ko, apat na babae. Kaya maliwanag, favorite son. Ako po yun. Di ko talaga mabitawan ng konti tong isang-isa na lang. At ito ang matinding apila. Kilala ho natin si Juan Tamad e, di ba? Si Juan Tamad pag mayroong imaheng ipinapakita sa atin: May papag, naghihintay sa ilalim ng puno ng bayabas, hinihintay bumagsak yung puno ng bayabas, nakabukas yung bunganga niya, hinihintay niyang bumagsak. Dahil ganun katamad, puwedeng pitasin, hinihintay niyang bumagsak. Alam niyo nung bata pa ako, iniisip ko eh, di ba pag yung magkusa na lang babagsak, dalawa lang yun e, sobrang hinog na o bulok na. Puwede mo namang pitasin e, nang maayos. Bakit mo naman hihintaying bulok pa bago mo—yun ang pinagnanasaan mo, yung bulok na. So ano bang ibig sabihin ho noon? May pagkakataon ho talaga tayo ngayon na ituloy-tuloy ito at pabilisin pa yung pag-asenso natin. Pero hindi tayo puwedeng tatamad na mangyayari lang sa atin yan. Kailangan pagtrabahuhan natin po yan. At yun ang matinding pakiusap ko ho sa inyong lahat. Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat. |