President Benigno S. Aquino III’s Speech at the launching of the Angat Afterbay Regulator Dam (Bustos Dam) Rehabilitation Project
Brgy. Tibagan, Bustos, Bulacan
15 Apr 2016
 
Magandang hapon po. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Babes Singson; Secretary Mel Sarmiento; Secretary Edel Guiza; NIA Administrator Florencio Padernal; Governor Willy Sy-Alvarado; Vice Governor Dan Fernando; Congressman Apol Pancho; Congressman Junjun Mendoza; yung aming pong iniidolo sa 11th, 12th and 13th Congress, si Manong Pedro Pancho, na sigurado po akong wala siya noong 1926 noong tinayo ang Bustos Dam; (laughter) Mayor Arnel Mendoza; ang tumutulong sa aking magpakilala kina Mar at Leni at malaki raw ho ang binabayad na buwis gusto niyang malaman saan pumupunta, kapatid ko pong nakakatanda, si Kris nandito rin po; beneficiaries of the National Irrigation Administration projects; officials and staff of the National Irrigation Administration; local government officials present; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang hapon po muli sa inyong lahat.

Ang araw pong ito ay panibagong patotoo sa ating panata: Ang magpamana ng isang Pilipinas na di hamak na mas maganda kaysa sa ating dinatnan. Sinasagad natin ang bawat programa at proyekto, para mahatid ang totoong serbisyo sa atin pong mga Boss.

Bago nga po tayo dumiretso dito sa Bustos, pinangunahan natin ang groundbreaking ng Bulacan Bulk Water Supply Project sa San Jose del Monte. Ito po ang unang awarded Public-Private Partnership project ng ating administrasyon para sa water sector. Sabi po sa akin, 1992 pa na ipinangako sa inyo, 24 years ago, o halos isang henerasyon ang inyong hinintay bago ito maisakatuparan. At syempre po, isang henerasyon ang nangako, ibang henerasyon na ang magpapatupad nito. Ulitin ko lang po, ang pangako noong panahong yun, yung Angat pakikinabangan niyo.

Ipaliwanag ko lang ho kung gaano kasalimuot ang sitwasyon ninyo bago tayo maupo sa pwesto. Ang Angat Dam klaro nasa Angat, ang Angat klaro naman nasa Bulacan. Pero ang tubig nito hindi napapakinabangan ng Bulacan. Noon nga, dahil wala kayong access sa Angat, napilitan kayong kumuha ng tubig, pero hanggang sa kasalukuyan kumukuha kayo ng tubig mula sa mga deep well, na puwede pong magresulta sa tinatawag na land subsidence o yung pagbagsak, pag settlelan niyo, paglubog ng lupa at syempre po napapasukan na rin ng tubig galing sa dagat na maalat. Buod nito po: Pag ginhawa, yung mga nangako, nariyan para sa inyo naman po, pero pag hirap na… hindi, sa ginhawa po para kasama yung mga nangako sa hirap para solo ho ang taga Bulacan. Sa Daang Matuwid, tinatama natin po ang sitwasyon.

Nito ngang Enero, napirmahan na natin ang kontrata para sa Bulacan Bulk Water Supply Project, at may pre-construction activities na na sinisimulan na po. July pa dapat magsisismula po yun pero sa kasalukuyan ginagawa na. Layon nga po ng mga proyektong ito, unang-una, mapalitan yung pinagkukuhanan ng tubig na hindi na deep well. Ito po ay papunta tayo sa tinatawag na surface water. Resulta po nito mas tiyak yung tubig, mas malakas yung pressure at mapapababa pa yung gastusin ng tubig. Sa kasalukuyan daw po ang average na binabayad sa mga water district ay mga beinte pesos. Ito po ang nanalong bidder ay 8.50 per cubic meter ang isisingil. So, yan po ang unang pakinabang natin bababa ang presyo at dadami ang supply.

Magbibigay rin ito ng alternatibong pagkukuhanan ng tubig ang mga residente, na dati’y talaga naman pong sa deep well lang umaasa. Oras na matapos ito, ang bilang ng magiging benepisyaryo: tatlong milyong Bulakeño. At ito po ang magiging template. Sa buong Pilipinas po ganun naman eh, maliliit na water district kailangan puro deep well ang pinagkukunan. Yung deep well pabawas nang pabawas yung ating tinatawag na natural aquifer, pasok yung tubig dagat, pwede lumubog yung lupa, talagang hindi ho masusustain. Kailangan ho lumipat na tayo sa surface water problema hindi kaya ng mga water district na pondohan yung kanilang mga kailangang reservoir. So ito pong Bulacan Bulk Water ang magiging template para sa buong bansa.

Bukod sa proyektong ito po, inilulunsad din natin ngayon ang Angat Afterbay Regulator Dam (Bustos Dam)—nandiyan po sa likuran natin—Rehabilitation Project, na siya naman po magpapaunlad ng sistema pang-irigasyon dito sa Bulacan. Sabi nga po, 1926 pa itinayo itong Bustos Dam. Noong itinayo po ito, hindi pa po napapanganak ang mga magulang ko. Ang dam kinabitan ng steel gates noong 1967 para madagdagan ang kaya niyang tubig na maipon pero dahil gawa sa bakal nangalawang, kasira-sira na at dahil napalawak rin nga ho ang service area nito pati dito sa Pampanga. Dala ng pinsala ng bagyo kinalawang na mga gates pinalitan ng steel gates ginawang rubber taong 1997. Hindi ho naglaon, nagkaroon na rin ng mga butas ang mga rubber gates nito. Pag titignan po niyo mamaya, makikita niyo ang rubber gates parang pareho na ang itsura doon sa konkretongg pinapatungan niya.

Sa matagal na panahon, puro repair works at vulcanizing lang ang ginagawa para matakpan ang mga butas dahil wala raw pondo para mapalitan ang mismong mga gate. Nakinabang ho siguro dito ang tire vulcanizing na lang. Pero ayon nga ho sa pagsusuri noong taong 2011 at 2012, kailangan na itong mapalitan nang tuluyan. Pinag-aralan natin ang mga dapat gawin para sa rehabilitasyon at pagpapaunlad nito: papalitan ang anim na rubber gates, at magkakabit ng mga sprinkler para sa mga rubber gates, para humaba ang lifespan ng mga ito. Sisimulan ang rehabilitasyon ngayong Mayo at target nito makumpleto Agosto taong 2017. Pag natapos ito, inaasahang mapapatubigan ang buong 26,791 hectares na kasalukuyang service area ng Angat-Maasim River Irrigation System, mula 23,068 hectares lamang na napatubigan nitong nakaraang cropping season. Tinatayang 23,700 magsasaka ng Bulacan at Pampanga ang makikinabang nito.

Batid rin po natin na kapag tag-ulan, Bulacan ang isa sa mga pinaka naapektuhan ng pagbaha. Tinugunan din natin ‘to para hindi maapektuhan ang inyong kabuhayan: nagpatayo tayo ng mga imprastruktura at mga proyekto para maibsan ang perwisyong dala nito. Ang nilaan po natin para sa flood control projects sa Bulacan lamang po mula 2011 hanggang 2016: nagkakahalaga na ng 3.41 billion pesos. Kasama na rito ang ginagawang Valenzuela-Obando-Meycauayan (VOM) Flood Control Project. Ang kuwento sa atin ni Manong Willy noong araw, maski high tide lang o kahit konti lang ang pag-ulan, binabaha agad ang mga barangay. Sa ilalim po ng inyong Flood Control Project, nagpapagawa na tayo ng flood control wall para maiwasan ang perwisyo at ang balita sa atin ni Manong Willy ay sa kasalukuyan napapakinabangan na po itong flood wall na ‘to.

Bahagi ng layunin nating mailayo kayo sa peligro ng pagbaha, ipinapatupad na rin natin ang Project NOAH. Dito sa inyo, nakapag-install na tayo ng dalawang Automated Rain Gauges, 10 Water Level Monitoring Stations. Saklaw na rin ang Malolos, Meycauayan, San Jose del Monte ng FloodNET, na nagbibigay ng rainfall forecast at warning upang agad na makalikas ang ating mga kababayan sa oras ng panganib.

Ilan lang po ang mga programang ito sa mga ginagawa natin sa Bulacan. Sa nakalipas nga pong halos anim na taong pagtahak sa Daang Matuwid, talagang malayo na ang narating ng inyo pong lalawigan.

Siyempre, hindi po magiging posible ang lahat ng ito kung wala ang pakikipagtulungan ng ating mga ahensya. Special mention po sa masipag at maaasahan pa nating Secretary Babes Singson ng DPWH, MWSS Administrator Gerry Esquivel, NIA Administrator Florencio Padernal. Gayundin, sa ambagan ng pribado at pampublikong sektor, pati na ang suporta at tiwala ninyo, akin pong mga Boss, kaya sa inyong lahat po: maraming-maraming salamat.

Baka po may nagtatanong, itong mga tagumpay nating nabanggit: Paano ba natin napagtagumpayan? Simple lang po ang ginawa natin: Ibinalik natin ang gobyernong tunay na nagmamalasakit at kumakalinga sa kapwa. Wala po tayong sinayang na pagkakataon, tinututukan natin ang inyong pangangailangan, at tinutugunan ito, di bukas makalawa, kundi dapat, now na! Ang maganda: Nakakapaghatid tayo ng benepisyo sa ating mga Boss na walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss, maliban sa Sin Tax.

Gayunpaman, lahat po ng ating mga pinaghirapan, alam niyo pwede pong maglaho na lang, lalo na kung mali ang pamamalakad ng susunod na mga pinuno ng bayan. Sa darating na halalan, nasa inyo pong mga kamay kung magtutuloy at lalawak ang magaganda nating nasimulan.

Bilang Ama ng Bayan, obligasyon kong gabayan kayo sa tamang landas. Ang akin lang po: suriin nating mabuti ang mga kumakandidato sa bansa. Sa akin, mata sa mata, masasabi ko sa inyo kung sino ang may integridad, may kakayahan, tunay na inuuna ang bayan bago ang sarili. Walang iba kundi po kundi ang tambalang Matuwid: si Mar Roxas at si Leni Robredo.

Kayo na po ang testigo, magkakarugtong ang lahat ng proyekto natin; at nakatutok sa iisang layunin: ang iangat pa ang antas ng pamumuhay ng ating mga Boss. Ngayon, narito na tayo sa mas mataas na lunsaran: Pwede na muling mangarap, at mas mataas na ang kapasidad nating gawin itong realidad. Sa patuloy nating ambagan at malasakit, tiwala akong abot-kamay rin natin ang katuparan ng matatayog pa nating mithiin.

Mamaya ho sa paglabas niyo, merong hong mga display ang NIA, pakitingnan po niyo yung before and after. Yung irrigation canal noong araw may backhoe, hinukay tapos bahala na si Batman, di ho ba? Puro hindi ba, parang nagpatubo, ang ginawa nating taniman, yung irrigation canal.

Ngayon po, nililinya na ng husto, name-mintina ng maayos. Yung tubig, natututok natin kung saan dapat talaga ang pangangailangan. Dito nga ho sa ating bagong administrator, alam niyo, aaminin ko, isa sa na-appoint natin, nauna sa kanya, hindi ako natuwa talaga. Bigyan ko kayo ng sample bakit di tayo natuwa. Merong isang taon na anibersaryo nila at pinakita sa akin na pag yung rehabilitation maintenance, ang goal nila ay ito, ang nagawa nila, doble nung goal, o di dapat pupurihin. Ang problema ho, yung new, masuwerte ng umabot ng 60 percent. Sabi ko, ‘bakit ang galing-galing niyo sa rehabilitation, ang hina niyo sa ‘new.’ Syempre yung new, gumawa ng canal, may canal o wala, mahirap itago. Yung rehabilitation, nag-dredging, hindi ko na kailangan ituro sa inyo, si Manong Pedro alam lahat yun eh. Siya ang nagturo sa atin ng kalokohan diyan.

Ito ho sabihin natin, basta isang araw anniversary nila, tinanong ko bakit ganito? Susunod na araw sinagot ako, ang sagot sa akin, ay simpleng-simple. Yung bakit raw sila nahuli ng 40%? Dahil ang mga proyekto raw po nila: 40% para sa Mindanao, eh dumating ang bagyong Pablo, kaya na-delay lahat. Sabi ko, ‘ganun ba?’ So pina-check ko ho kay Attorney Delantar, nandito sa likod ang aking assistant. ‘Pakicheck mo nga, alam ko yung Pablo, dumating Disyembre eh.’ Totoo nga ho. Sa second week ng December dumating si Pablo. Kaya yung 40% na gagawin nila, sa last two weeks ng Disyembre. Okay, dun po yung pasko, dun po yung bagong taon, dun gagawin yung 40 percent. Sa Aguinaldo Room pa ho sa Malacanang, dun siya nambobola. Kaya sabi ko nung hapon, kailangan ngayong hapon: Goodbye na yan, okay.

So tingnan lang po natin yung pinagkaiba. Okay, problema po natin sa Pilipinas, simpleng-simple sa larangan ng tubig. Pag tag-ulan, 20 bagyo, 20 typhoons a year dumadalaw sa atin. Kung maiipon natin yang tubig na yan, magamit natin sa tag-init, ayos tayo. Yung sitwasyon niyo kanina binanggit ni Manong Willy sa Bulacan — tag-ulan: rumaragasa, tag-init: wala.

Sa Tarlac ho palagay ko mas klaro yun. Tarlac City, puntahan po niyo, tag-ulan, talagang rumaragasa, sinisira yung pampang. Tag-init, hindi mo aakalaing ilog siya dahil walang katubig-tubig, may konting patak. Kung mama-manage natin, maipon pag tag-ulan, ipamudmod pag tag-init, eh di talaga namang ang laking tulong sa ating Irrigators’ Association. Talagang mapapayabong ang kanilang ani. At yun po ang tinatalakay natin talaga.

Ngayon, hindi ko masabi sa inyo sa umpisang-umpisa, perpekto ako. Nakuha natin yung tamang dapat makasama. Ngayon po ay mas mataas na kumpiyansa ko, ginagawa ang dapat magawa. Pero yun na nga ho, ulit-ulitin ko lang, may pinagdaanan tayong ganun ang sistema, baka balikan natin pag nagkamali tayo. Tapos lalo tayong iiyak. Ngayon ho iba na sitwasyon, nasa atin pong kamay na panatilihin ang pagbabagong ‘to para maging permanente.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyo.